“Ang Propetisang si Debora,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Ang Propetisang si Debora,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Ang Propetisang si Debora
Isang pinuno na tumulong sa Israel na magtiwala sa Panginoon
Si Debora ay isang propetisa, isang matapat na pinunong Israelita na binigyang-inspirasyon ng Panginoon. Tumigil ang kanyang mga tao sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon, at pinamunuan sila ng mga Canaanita. Makalipas ang dalawampung taon, nagsimulang manalangin ang mga Israelita para sa tulong ng Panginoon.
Dininig ng Panginoon ang kanilang mga panalangin. Sinabihan Niya si Debora na tipunin ang hukbo ng Israel upang labanan ang mga Canaanita.
Ang hukbo ng Canaan ay mayroong maraming kawal at karwahe. Dahil dito, natakot ang hukbo ng Israel, ngunit hindi si Debora. Alam niya na tutulungan sila ng Panginoon.
Si Barak ang pinuno ng hukbo ng Israel. Ayaw niya sanang lumaban. Ngunit naisip niya na kung sasama si Debora sa hukbo, poprotektahan sila ng Panginoon. Pumayag si Debora na sumama. Ipinropesiya niya na isang babae ang gagapi kay Sisera, ang pinuno ng hukbo ng Canaan.
Nagtipon ang hukbo ng Israel sa isang bundok, at nagtipon naman ang mga Canaanita sa lambak. Sinabihan ni Debora si Barak na bumaba mula sa bundok. Nangako siya na makakasama nila ang Panginoon.
Nagpadala ang Panginoon ng ulan, at ang mga karwahe ng mga Canaanita ay tinangay ng tubig. Maraming Canaanita ang nalunod sa ilog, ngunit nakatakas si Sisera.
Mga Hukom 4:15, 17; 5:4–5, 19–22
Isang babaeng nagngangalang Jael ang nakatira sa isang kalapit na tolda. Nakita niya si Sisera na tumatakbo at sinabihan niya itong magtago sa kanyang tolda. Alam ni Jael na ito ang pinuno ng hukbo ng Canaan kaya pinatay niya ito upang hindi na ito makapanakit ng mas maraming tao.
Nagkatotoo ang propesiya ni Debora. Natalo si Sisera ng isang babaeng bayani. Kinanta ni Debora ang isang awitin upang tulungan ang mga Israelita na alalahanin kung paano sila iniligtas ng Panginoon. Sinunod ng mga Israelita ang mga kautusan at namuhay sila nang mapayapa sa loob ng 40 taon.