“Si Jacob at ang Kanyang Pamilya,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Si Jacob at ang Kanyang Pamilya,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Genesis 27–33
Si Jacob at ang Kanyang Pamilya
Paano tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako
Nilisan ni Jacob ang kanyang tahanan upang takasan ang kanyang galit na kapatid na si Esau. Binasbasan si Jacob ng kanyang ama upang matagpuan at pakasalan ang isang babaeng nagmamahal sa Panginoon at sumusunod sa Kanyang mga utos.
Habang naglalakbay si Jacob, binisita siya ng Panginoon sa isang pangitain. Nangako Siya na palagi Niyang sasamahan si Jacob. Nangako si Jacob na ibibigay sa Panginoon ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang tatanggapin.
Nangako ang Panginoon kay Jacob na magkakaroon siya ng napakaraming anak. Sa pamamagitan ng mga anak ni Jacob, ang mga pamilya sa mundo ay pagpapalain na makilala ang Tagapagligtas. Ang pamilya ni Jacob sa mga huling araw ay tinatawag na sambahayan ni Israel.
Genesis 28:3–4, 14; 1 Nephi 10:14
Si Jacob ay nagpunta sa isang lupaing nagngangalang Haran. Doon ay umibig siya sa isang butihing babae na nagngangalang Raquel.
Sumang-ayon si Jacob na magtrabaho ng pitong taon para sa ama nito na si Laban kung pahihintulutan siya ni Laban na pakasalan si Raquel. Pumayag si Laban. Nagtrabaho si Jacob ng pitong taon.
Subalit nais ni Laban na ang kanyang panganay na anak na babae na si Lea ang maunang magkaasawa. Noong kasal, nilinlang ni Laban si Jacob at sa halip ay ipinakasal sa kanya si Lea. Ngunit mahal ni Jacob si Raquel. Nangako siyang magtatrabaho pa nang pitong taon kung mapapakasalan din niya ito. Pumayag si Laban, at nagsimulang lumago ang pamilya ni Jacob.
Genesis 29:28–35; 30:3–13, 17–24; Jacob 2:27–30
Hindi binayaran ni Laban nang tama si Jacob. Subalit pinagpala ng Panginoon si Jacob ng maraming hayop at sinabi kay Jacob na umuwi na.
Genesis 30:31, 43; 31:1–7, 17–18
Habang siya ay pauwi, nalaman ni Jacob na ang kanyang kapatid na si Esau at ang 400 kalalakihan ay parating upang kausapin siya.
Inakala ni Jacob na maaaring galit pa rin sa kanya si Esau. Natakot si Jacob para sa kaligtasan ng kanyang pamilya, kaya dinala niya sila sa isang ligtas na lugar at nanalangin.
Nanalangin si Jacob nang magdamag hanggang sumapit ang umaga. Dinalaw ng Panginoon si Jacob at binasbasan siya. Sinabi ng Panginoon kay Jacob na siya ay magiging dakilang pinuno sa marami. Pinalitan ng Panginoon ang pangalan ni Jacob at ginawa itong Israel.
Hindi naglaon at natagpuan ni Esau at ng kanyang mga tauhan si Jacob at ang pamilya nito. Hindi na galit si Esau kay Jacob. Tumakbo siya para salubungin si Jacob at yakapin ito. Masayang-masaya siyang makita si Jacob at makilala ang pamilya nito. Masaya rin si Jacob na makitang muli si Esau.
Tinupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako kay Jacob sa buong buhay niya. Nakauwi si Jacob kasama ang kanyang pamilya at nanirahan doon. Magmula noon, si Jacob ay tinawag na Israel, at ang kanyang mag-anak ay tinawag na mga Israelita. Patuloy niyang sinunod ang mga kautusan at sinamba ang Panginoon.