“Si Reyna Esther,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Si Reyna Esther,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Esther 2–5; 7–9
Si Reyna Esther
Matapang sa panahon ng panganib
Ang ilang Israelita ay tinawag na mga Judio. Si Esther ay isang Judio na nakatira sa Persia. Namatay ang kanyang mga magulang, kaya inalagaan siya ng pinsan niyang si Mordecai. Inanyayahan siya sa palasyo ng hari kasama ang iba pang mga dalaga sa kaharian. Nais ng hari ng bagong reyna, at pinili niya si Esther.
Ang hari ay may tagapaglingkod na nagngangalang Haman na nagkaroon ng malawak na kapangyarihan. Tinulungan ni Haman ang hari na pamunuan ang kaharian. Inutusan ng hari ang lahat na yumukod kay Haman.
Ngunit hindi yumukod si Mordecai kay Haman. Tanging sa Panginoon lamang yuyukod si Mordecai. Nagalit dito si Haman. Nais niyang parusahan si Mordecai at ang lahat ng mga Judio.
Sinabi ni Haman sa hari na hindi sinunod ng mga Judio ang mga batas ng hari. Kaya’t hinayaan ng hari si Haman na gumawa ng bagong kautusan: sa isang takdang araw, ang lahat ng mga Judio ay papatayin.
Hiniling ni Mordecai kay Esther na kausapin ang hari. Maaaring baguhin ng hari ang batas ni Haman at iligtas ang mga Judio. Subalit natakot si Esther. Kung minsan ay pinapatay ng hari ang mga taong pumupunta sa kanya para makipag-usap nang walang paanyaya.
Hiniling ni Mordecai kay Esther na isipin niya ang mga Judiong papaslangin. Sinabi ni Mordecai na maaaring inilagay ng Panginoon si Esther sa palasyo ng hari upang iligtas ang mga Judio.
Alam ni Esther na dapat niyang kausapin ang hari, kahit na mangahulugan ito na maaari siyang mapatay. Hiniling ni Esther sa lahat ng mga Judio at sa kanyang mga tagapaglingkod na samahan siyang mag-ayuno.
Matapos mag-ayuno sa loob ng tatlong araw, si Esther ay naghanda ng kanyang sarili at nakipagkita sa hari.
Nang lumapit siya sa hari, iniunat niya ang kanyang setro. Nangangahulugan ito na masaya ang hari na makita siya at hindi siya ipapapatay. Tinanong niya kung ano ang nais ni Esther. Sinabi ni Esther sa hari na nasa panganib ang kanyang mga tao. Dahil sa batas ni Haman, siya at ang lahat ng Judio sa kaharian ay papatayin.
Nagalit ang hari kay Haman at ipinapatay ito. Gumawa ang hari ng isang bagong batas na nagprotekta sa mga Judio. Pinahintulutan na sila ngayon na ipagtanggol ang kanilang sarili kung may magtangkang saktan sila.
Ang pananampalataya ni Esther sa Panginoon at ang kanyang tapang na makausap ang hari ay nagligtas sa kanyang mga tao. Sa halip na kamatayan at kalungkutan, nagkaroon ng piging. Nagdiwang ang mga Judio.