“Sina Abraham at Sara,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2021)
“Sina Abraham at Sara,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Genesis 11–15; 17; Abraham 1–2
Sina Abraham at Sara
Isang pangako na pagpalain ang sangkatauhan
Nanirahan si Abraham sa lungsod ng Ur. Nais ng masasamang saserdote na ialay siya sa kanilang mga diyos-diyosan. Nanalangin si Abraham, at iniligtas siya ng Panginoon.
Pagkatapos ay iniutos ng Panginoon kay Abraham at sa kanyang asawang si Sara na lisanin ang Ur at maglakbay papunta sa malayong lupain. Nangako Siyang pagpapalain sila sa kanilang paglalakbay.
Nagtiwala sina Abraham at Sara sa Panginoon at nilisan ang Ur. Ngunit nalungkot sila dahil hindi sila magkaanak. Inalo sila ng Panginoon. Nangako Siya na magkakaroon sila ng anak.
Genesis 11:30–31; 15:1–6; 17:2–16; Abraham 2:6–9
Nanalangin si Abraham sa Panginoon para malaman pa ang tungkol sa Kanya. Dinalaw ng Panginoon si Abraham at tinawag ang Kanyang sarili na Jehova. Nakipagtipan si Jehova kay Abraham. Nangako Siya na magtataglay si Abraham ng priesthood. Nangako rin Siya na sa pamamagitan ng pamilya ni Abraham, ang lahat ng mga pamilya sa lupa ay pagpapalain.
Habang naglalakbay sina Abraham at Sara, kinailangan nilang humanap ng pagkain. Sinubukan nilang manirahan sa lupaing tinatawag na Canaan. Walang pagkain doon, kaya kinailangan nilang magpunta sa Egipto. Ngunit mapanganib para sa kanila ang tumira sa Egipto.
Genesis 12:10–20; Abraham 2:21–25
Nilisan nina Abraham at Sara ang Egipto at bumalik sa Canaan upang doon manirahan. Nagdala sila ng pagkain at mga hayop mula sa Egipto. Ang Canaan ay bahagi ng lupaing ipinangako ng Panginoon sa kanila.
Genesis 13:1–4, 12; Abraham 2:19
Tinupad din ng Panginoon ang Kanyang pangako na tatanggap ng priesthood si Abraham. Isang araw, nakilala nina Abraham at Sara ang isang mabuting hari na nagngangalang Melquisedec. Nagbayad si Abraham sa kanya ng ikapu.
Natanggap ni Abraham ang priesthood mula kay Melquisedec. Ito rin ang priesthood na natanggap ng mga propetang sina Adan at Noe.
Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:36–40; Abraham 1:2–4; Doktrina at mga Tipan 84:14
Masaya sina Abraham at Sara sa Canaan, ngunit nag-alala pa rin sila dahil wala silang anak. Kailangan nilang magtiwala sa pangako ng Panginoon na balang-araw ang kanilang pamilya ay lalago at pagpapalain ang buong mundo.