“Nangusap ang Panginoon kay Elias,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Nangusap ang Panginoon kay Elias,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Nangusap ang Panginoon kay Elias
Pakikinig sa tinig ng Panginoon
Sinabi ni Haring Ahab kay Reyna Jezabel na natalo ng Panginoon ang mga saserdote ni Baal. Nagalit si Jezabel at sinabi niyang papatayin niya ang propetang si Elias.
Upang manatiling ligtas, nilisan ni Elias ang lupain ng Israel. Naglakbay siya nang 40 araw at 40 gabi, na nag-aayuno habang naglalakbay. Pagkatapos ay nakarating siya sa Bundok ng Sinai at may nakita siyang kuweba na pagtataguan. Sinabihan ng Panginoon si Elias na magpunta sa tuktok ng bundok upang makausap Niya si Elias.
Umihip ang malakas na hangin at biniyak nito ang mga bato sa paligid ng kuweba hanggang sa magkapira-piraso ang mga ito. Pagkatapos niyon, isang lindol ang yumanig sa lupa. At nagkaroon ng apoy. Narinig ni Elias ang malalakas na tunog ng hangin, lindol, at apoy. Ngunit ang tinig ng Panginoon ay wala sa malalakas na ingay na iyon.
Pagkatapos ay nakarinig si Elias ng isang tahimik, marahan, at banayad na tinig. Alam niyang ang Panginoon iyon. Tinanong ng Panginoon si Elias kung ano ang ginagawa nito roon.
Sinabi ni Elias na nagtatago siya upang manatiling ligtas. Ang lahat ng mga propeta ay pinatay na, at tinalikuran ng mga tao ang Panginoon.
Pinanatag ng Panginoon si Elias at sinabi Niya rito na maraming Israelita ang sumasamba pa rin sa Panginoon. Sinabihan ng Panginoon si Elias na umuwi at maghanda ng isa pang propeta. Ang pangalan ng bagong propetang ito ay Eliseo.