“Si Moises sa Bundok ng Sinai,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Si Moises sa Bundok ng Sinai,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Exodo 19–20; 24; 31–34; Deuteronomio 4–7
Si Moises sa Bundok ng Sinai
Pagtulong sa mga tao na alalahanin ang Panginoon
Si Moises at ang mga Israelita ay naglakbay sa ilang. Nakarating sila sa isang bundok na tinatawag na Bundok ng Sinai.
Umakyat sa bundok si Moises upang makipag-usap sa Panginoon. Sinabi ng Panginoon kay Moises na nais Niyang makipag-usap sa mga Israelita nang harapan.
Nagtungo ang mga Israelita sa paanan ng Bundok ng Sinai, at pinangyari ng Panginoon na mabalot ng ulap ng usok ang bundok. Nasa ulap ang Panginoon. Siya ay nagsalita sa mga Israelita at nagbigay ng mga kautusan sa kanila. Nayanig ang bundok habang nagsasalita Siya.
Exodo 19:16–19; 20:1–17; Deuteronomio 4:12–13, 33; 5:4–5
Natakot ang mga Israelita. Hiniling nila kay Moises na makipag-usap siya sa Panginoon upang masabi niya sa kanila kung ano ang nais ng Panginoon.
Isinama ni Moises si Aaron at ang 70 elder ng Israel sa bundok upang makatanggap ng mga karagdagang turo ng Panginoon. Nagpakita sa kanila ang Panginoon.
Pagkatapos ay sinabihan ng Panginoon si Moises na iwanan ang mga elder at umakyat pa sa bundok. Sumunod si Moises. Ginamit ng Panginoon ang Kanyang daliri upang isulat ang Kanyang batas at mga kautusan sa mga tapyas na bato. Sa loob ng 40 araw, tinuruan ng Panginoon si Moises ng maraming bagay.
Habang nasa Bundok ng Sinai si Moises, nainip ang mga tao ng Israel sa paghihintay sa kanya. Sinabihan nila si Aaron na gawan sila ng mga rebulto na sasambahin tulad ng nasa Egipto. Tinipon ni Aaron ang lahat ng kanilang ginto at gumawa siya ng rebulto ng isang guya.
Sinamba ng mga Israelita ang gintong guya at nag-alay sila ng mga handog. Sinabi nila na ang gintong guya, hindi ang Panginoon, ang nagpalaya sa kanila mula sa Egipto.
Alam ng Panginoon na sinasamba ng mga Israelita ang isang diyos-diyosan at kinalimutan nila Siya. Inutusan Niya si Moises na bumalik at sabihan ang mga tao na magsisi.
Bumaba si Moises mula sa Bundok ng Sinai at nakita niya na sinasamba ng mga Israelita ang gintong guya. Galit na galit siya. Hindi pa handa ang mga tao na sundin ang batas at mga kautusan na isinulat ng Panginoon. Binasag ni Moises ang mga tapyas na bato at sinira niya ang gintong guya. Tinulungan Niya ang mga Israelita na magsisi at alalahanin ang kanilang tunay na Diyos.
Hiniling ni Moises sa Panginoon na patawarin Niya ang mga Israelita at na muli Siyang gumawa ng mga pangako sa kanila. Nangako si Moises na pamumunuan at tuturuan sila.
Hiniling ng Panginoon kay Moises na lumikha siya ng mga bagong tapyas na bato at bumalik siya sa Bundok ng Sinai. Gumawa ang Panginoon ng bagong pangako sa mga Israelita at ibinigay Niya sa kanila ang Kanyang Sampung Utos.