“Si Haring Josias,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Si Haring Josias,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
2 Mga Hari 22; 2 Cronica 34–35
Si Haring Josias
Isang pakikipagsapalaran na sundin ang mga kautusan ng Panginoon
Si Josias ay walong taong gulang nang siya ay maging hari ng Juda. Isa siyang mabuting hari na nagmamahal sa Panginoon. Nais niyang tulungan ang kanyang mga tao, ang mga Israelita, na sundin ang Panginoon at itigil ang pagsamba sa mga diyos-diyosan. Noong mas matanda na siya, sinimulan niya at ng kanyang mga tao na ayusin at muling pagandahin ang templo.
2 Mga Hari 22:1–2; 2 Cronica 34:3–7
Habang nagtatrabaho ang mga tao sa templo, natagpuan ng mataas na saserdote na si Hilkias ang aklat ng batas, isang balumbon na naglalaman ng mga banal na kasulatan.
Binasa ng isang tagapaglingkod ang aklat kay Josias. Narinig ni Josias ang mga salita at nalungkot siya dahil hindi sinunod ng kanyang mga tao ang Panginoon. Pinunit niya ang kanyang mga kasuotan upang ipakita na malungkot siya.
Sinabihan niya si Hilkias na itanong sa Panginoon kung ano ang dapat nilang gawin. Binisita ni Hilkias at ng mga tagapaglingkod ng hari si Hulda. Siya ay isang propetisa, isang matapat na pinuno na binigyang-inspirasyon ng Diyos. Sinabi niya na masaya ang Panginoon kay Josias dahil tinutulungan nito ang mga tao na sumunod. Nangako ang Panginoon na si Haring Josias ay mabubuhay nang mapayapa.
Nais ni Haring Josias na tuparin ng kanyang mga tao ang kanilang mga pangako sa Panginoon. Hiniling niya sa kanila na ipagdiwang ang Paskua upang tulungan silang alalahanin kung paano pinalaya ng Panginoon ang mga Israelita mula sa Egipto noong unang panahon.