“Agosto 1–7. Job 1–3; 12–14; 19; 21–24; 38–40; 42: ‘Ako’y Aasa pa rin sa Kanya,’ Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Agosto 1–7. Job 1–3; 12–14; 21–24; 38–40; 42,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Agosto 1–7
Job 1–3; 12–14; 19; 21–24; 38–40; 42
“Ako’y Aasa pa rin sa Kanya”
Habang nagbabasa ka tungkol kay Job, gagabayan ka ng Espiritu na tuklasin ang mahahalagang katotohanang mahalaga sa iyo. Isulat ang natuklasan mo, at pagnilayan kung paano naaangkop sa iyo ang mga katotohanang ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Natural lang na isipin kung bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao—o kaya naman, bakit nangyayari ang mabubuting bagay sa masasamang tao. Bakit pinapayagan ng Diyos, na makatarungan, na mangyari iyan? Ang mga katanungang tulad nito ay matutuklasan sa pamamagitan ng karanasan ni Job, isa sa mabubuting tao na may masasamang bagay na nangyari. Dahil sa mga pagsubok ni Job, inisip ng kanyang mga kaibigan kung talaga bang mabuting tao siya. Iginiit ni Job ang kanyang sariling kabutihan at inisip niya kung totoo bang makatwiran ang Diyos. Ngunit sa kabila ng kanyang pagdurusa at pag-iisip, pinanatili ni Job ang kanyang integridad at pananampalataya kay Jesucristo. Sa aklat ni Job, ang pananampalataya ay pinagdudahan at sinubukan ngunit hindi kailanman lubusang pinabayaan. Hindi ibig sabihin niyan na lahat ng tanong ay nasasagot. Ngunit itinuturo ng aklat ni Job na hanggang sa ang mga ito ay masagot, ang mga tanong at pananampalataya ay maaaring sabay na umiral, at anuman ang mangyari sa ngayon, masasabi natin sa ating Panginoon, “Ako’y aasa pa rin sa Kanya” (Job 13:15).
Para sa buod ng aklat ni Job, tingnan sa “Job” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ang tiwala ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay makakatulong sa akin na manatiling tapat sa lahat ng sitwasyon.
Ang pambungad na mga kabanata ng Job ay nilayong bigyang-diin ang papel ni Satanas bilang ating kaaway o tagaparatang, hindi para ilarawan kung paano talagang nag-uugnayan ang Diyos at si Satanas. Habang binabasa mo ang mga sinabi ni Satanas tungkol kay Job (tingnan sa Job 1:9–11; 2:4–5), maaari mong pag-isipang mabuti kung masasabi rin ang gayong bagay tungkol sa iyo. Maitatanong mo sa iyong sarili, Ano ang mga dahilan ko sa pananatiling tapat sa Diyos? Pagnilayan ang mga pagsubok na ibinigay kay Job at ang kanyang mga tugon (tingnan sa Job 1:20–22; 2:9–10). Ano ang natutuhan mo mula sa kanya na maaaring makatulong sa iyo sa pagtugon sa mga hamon sa iyong buhay?
Kahit sinisikap noon ni Job na manatiling tapat, nagpatuloy ang kanyang mga pagsubok at pagdurusa (pansinin ang kalungkutan niya sa kabanata 3). Sa katunayan, tila patindi nang patindi ang kanyang pagdurusa, at sinabi ng kanyang mga kaibigan na pinarurusahan siya ng Diyos (tingnan sa Job 4–5; 8; 11). Habang binabasa mo ang bahagi ng sagot ni Job sa mga kabanata 12–13, isipin ang nalaman ni Job tungkol sa Diyos na nakatulong sa kanya na patuloy na magtiwala, sa kabila ng kanyang pagdurusa at hindi nasasagot na mga tanong. Ano ang alam mo tungkol sa Diyos na tumutulong sa iyo sa pagharap sa mga hamon? Paano mo nalaman ang mga katotohanang ito, at paano nito napalakas ang iyong pananampalataya?
Si Jesucristo ang aking Manunubos.
Kung minsan ang pinakamahalagang mga katotohanan ay inihahayag sa atin sa gitna ng pinakamatindi nating dalamhati. Pagnilayan ang mga pagsubok ni Job na inilarawan sa Job 19:1–22 at ang mga katotohanang ipinahayag niya sa Job 19:23–27. Pagkatapos ay pagnilayan kung paano mo nalaman na ang iyong Manunubos ay buhay. Ano ang kaibhang nagagawa ng kaalamang ito kapag dumaranas ka ng mahihirap na pagsubok?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:1–12; 122.
“Kapag ako’y kanyang nasubok, ay lalabas akong parang ginto.”
Habang binabasa mo ang iba pa sa debate sa pagitan ni Job at ng kanyang mga kaibigan tungkol sa mga dahilan ng pagdurusa ni Job, maaari mong pagnilayan kung paano mo sasagutin ang tanong sa sentro ng kanilang debate: Bakit ang mabubuti kung minsan ay nagdurusa at ang masasama ay hindi napaparusahan? Pag-isipan ito habang binabasa mo ang Job 21–24. Ano ang alam mo tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano na makakatulong na magbigay ng mga sagot? Tingnan, halimbawa, sa 2 Nephi 2:11–13; Mosias 23:21–23; 24:10–16; Abraham 3:22–26; Dallin H. Oaks, “Pagsalungat sa Lahat ng Bagay,” Liahona, Mayo 2016, 114–17.
Tingnan din sa L. Todd Budge, “Patuloy at Matatag na Tiwala,” Liahona, Nob. 2019, 47–49.
Ang pananaw ng Diyos ay mas mataas kaysa sa aking pananaw.
Bigo sa mga paratang ng kanyang mga kaibigan (tingnan sa Job 16:1–5; 19:1–3), paulit-ulit na sumamo si Job sa Diyos na humihingi ng paliwanag sa kanyang pagdurusa (tingnan sa Job 19:6–7; 23:1–9; 31). Napuna ni Elder Neal A. Maxwell na “kapag labis tayong di makapaghintay sa takdang-oras ng Diyos na nakakaalam sa lahat,” tulad ng kay Job, “talagang ipinahihiwatig natin na alam natin kung ano ang pinakamainam. Kakatwa, hindi ba—tayo na nagsusuot ng relo ay maghahangad na payuhan Siya na namamahala sa mga orasan at kalendaryo ng kalawakan” (“Hope through the Atonement of Jesus Christ,” Ensign, Nob. 1998, 63). Pagnilayan ang mga salitang ito habang binabasa mo ang sagot ng Diyos kay Job sa mga kabanata 38 at 40. Anong mga katotohanan ang itinuturo Niya noon kay Job? Bakit mahalagang malaman natin ang mga katotohanang ito sa pagharap natin sa paghihirap at mga tanong dito sa buhay na ito? Ano ang natanim sa iyong isipan tungkol sa sagot ni Job sa Job 42:1–6?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Job 1:20–22.Para maunawaan kung ano ang maaaring nadama ni Job, tulad ng inilarawan sa mga talatang ito, maaaring basahin ng inyong pamilya ang “Job” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan o isadula ang Job 1:13–22. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Job?
-
Job 14:14.Paano natin sasagutin ang tanong ni Job sa talatang ito? Paano tayo matutulungan ng Alma 11:42–44? (Panoorin din ang video na “He Lives—Celebrate Easter Because Jesus Christ Lives,” ChurchofJesusChrist.org.)
2:26 -
Job 16:1–5.Katulad ba tayo ng mga kaibigan ni Job, na hinatulan at pinintasan si Job nang nangailangan siya ng kapanatagan? (tingnan sa Job 16:1–4; tingnan din sa Juan 7:24). Paano mapalalakas ng ating mga salita ang ibang tao sa kanilang pighati? (tingnan sa Job 16:5).
-
Job 19:23–27.Matapos basahin ang mga talatang ito, maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya kung paano nila nalaman na ang ating Manunubos ay buhay. Maaari kayong magtulungan para buuin ang mga salita ng inyong patotoo (o mga drowing ng mga bata tungkol sa Tagapagligtas) sa isang aklat, tulad ng journal ng pamilya (tingnan sa talata 23). Maaari din ninyong kantahin ang isang awiting nagpapatotoo sa Tagapagligtas, tulad ng “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78), at magbahagi ng mga katagang nagpapalakas sa inyong pananampalataya sa Kanya.
-
Job 23:8–11.Ano ang ibig sabihin ng “lumabas” mula sa ating mga pagsubok “bilang ginto”? ChurchofJesusChrist.org Sino ang kilala natin na nakagawa nito? Maaaring masiyahan ang mga bata sa paggawa ng isang bagay mula sa talata 10 na may nasusulat na ganitong mga salita. Maaari din ninyong talakayin kung paano nadaig ni Jesucristo ang Kanyang mga pagsubok (tingnan sa Lucas 22:41–44; Doktrina at mga Tipan 19:16–19).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78.