Lumang Tipan 2022
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Pagbabasa ng Tula sa Lumang Tipan


“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Pagbabasa ng Tula sa Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Pagbabasa ng Tula sa Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

icon ng kaisipan

Mga Kaisipan na Dapat Tandaan

Pagbabasa ng Tula sa Lumang Tipan

Sa mga aklat ng Lumang Tipan na nauna sa aklat ni Job, karamihan ay mga kuwento ang makikita natin—salaysay ng mga kuwento na naglalarawan sa makasaysayan na mga pangyayari mula sa espirituwal na pananaw. Bumuo si Noe ng arka, iniligtas ni Moises ang Israel, nanalangin si Ana na magkaroon ng anak, at iba pa. Simula kay Job, makakakita tayo ng kaibang estilo ng pagsusulat, sa pagbaling ng mga manunulat ng Lumang Tipan sa wikang patula o makata upang ipahayag ang matinding damdamin o pambihirang mga propesiya sa di-malilimutang paraan.

May nakita na tayong ilang halimbawa ng tula sa mga makasaysayang aklat ng Lumang Tipan. At mula sa aklat ni Job pasulong, mas marami pa tayong makikitang ganito. Ang mga aklat ni Job, Mga Awit, at Mga Kawikaan ay halos puro tula, tulad ng mga bahagi ng mga isinulat ng mga propetang gaya nina Isaias, Jeremias, at Amos. Dahil iba ang pagbabasa ng tula sa pagbabasa ng isang kuwento, ang pag-unawa dito kadalasan ay nangangailangan ng ibang pamamaraan. Narito ang ilang ideya na maaaring magbigay ng higit na kahulugan sa pagbabasa mo ng Lumang Tipan.

Pagkakaroon ng Kaalaman sa Tulang Hebreo

Una, maaaring makatulong sa iyo na tandaan na ang wikang Hebreo sa Lumang Tipan ay hindi batay sa ritmo, tulad ng iba pang uri ng tula. At kahit ang ritmo, wordplay, at pag-uulit ng mga tunog ay mga karaniwang katangian ng sinaunang tula sa Hebreo, ang mga ito ay karaniwang nawawala sa pagsasalin. Gayunman, ang isang katangian na mapapansin mo ay ang pag-uulit ng mga kaisipan o ideya, na kung minsan ay tinatawag na “pagkakatulad.” Ang talatang ito mula kay Isaias ay isang simpleng halimbawa:

  • Magsuot ka ng iyong kalakasan, O Zion;

  • Magsuot ka ng iyong magandang damit, O Jerusalem (Isaias 52:1).

Ang ika-29 na Awit ay maraming linyang kahalintulad nito—narito ang isang halimbawa:

  • Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan;

  • ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan (Awit 29:4).

At narito ang isang pagkakataon kung saan ang kaalaman na ang pangalawang linya ay may paralelismo sa una ay mas madaling maunawaan ang talata:

  • At binigyan ko naman kayo ng kalinisan ng mga ngipin sa lahat ninyong mga lunsod,

  • at kakulangan ng tinapay sa lahat ninyong mga dako (Amos 4:6).

Sa mga halimbawang ito, ang isang ideya ay inuulit nang may bahagyang pagkakaiba. Maaaring bigyang-diin ng technique na ito ang inuulit na ideya habang ginagamit ang mga pagkakaiba para mas lubos na mailarawan o mabuo ito.

Sa ibang pagkakataon, ang dalawang may paralelismo na mga parirala ay gumagamit ng parehong wika para ipakita ang magkakaibang ideya, tulad ng sa halimbawang ito:

  • Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay:

  • ngunit nagbubunsod sa galit ang salitang magaspang (Mga Kawikaan 15:1).

Ang pagkakatulad na ito ay hindi basta nangyari lamang. Sadya itong ginawa ng mga manunulat. Tinulutan sila nitong magpakita ng espirituwal na damdamin o mga katotohanan sa paraang tila napakalakas at maganda sa kanila. Kaya kapag may nakita kang pagkakatulad sa pagsulat ng Lumang Tipan, tanungin ang iyong sarili kung paano ito nakakatulong sa iyo na maunawaan ang mensahe ng may-akda. Halimbawa, ano kaya ang gustong sabihin ni Isaias sa pag-uugnay ng “lakas” sa “magagandang kasuotan” at ng “Sion” sa “Jerusalem”! [Isaias 52:1). Ano ang maaari nating sabihin tungkol sa mga pariralang “ang sagot na malumanay” kung alam natin na ang “salitang magaspang” ay ang kabaligtaran nito? (“Mga Kawikaan 15:1).

isang taong nagsusulat sa isang scroll

Kaniyang Pinapanauli ang Aking Kaluluwa, ni Walter Rane

Tulang Hebreo bilang Bagong Kaibigan

Maaaring makatulong sa iyo na ikumpara ang iyong pagbabasa ng tula sa pagharap sa isang bagong kakilala. Halimbawa, maaari mong ikumpara ang pagbabasa ng tula sa Lumang Tipan sa pagkakilala sa isang taong mula sa malayong bansa at dayuhang kultura na hindi nakapagsasalita ng ating wika—at nagkataon na mahigit dalawang libong taon na ang edad. Ang taong ito ay malamang na magsabi ng mga bagay na hindi natin nauunawaan sa una, ngunit hindi ibig sabihin nito na wala siyang mahalagang bagay na masasabi sa atin. Dahil sa tiyaga at kaunting habag, ang bagong kakilala natin ay magiging isang mahal na kaibigan kalaunan. Kailangan lang nating gumugol ng oras nang magkasama, na sinisikap na makita ang mga bagay mula sa kanyang punto-de-vista o pananaw. Maaari pa nga nating matuklasan sa ating puso na talagang nauunawaan natin ang isa’t isa.

Kaya sa unang pagkakataon mong basahin ang isang talata mula sa Isaias, halimbawa, ituring itong unang pakikipagkita sa isang bagong kakilala. Itanong sa sarili mo, “Ano ang aking impresyon sa kabuuan?” Ano ang nadarama mo sa talatang ito—kahit hindi mo nauunawaan ang bawat salita? Pagkatapos ay basahin itong muli, nang ilang beses hangga’t maaari. May mga taong nakakahanap ng dagdag na kahulugan sa pagbasa nang malakas sa mga talata. Pansinin ang partikular na mga salitang pinili ni Isaias, lalo na ang mga salitang lumilikha ng larawan sa iyong isipan. Ano ang ipinadarama sa iyo ng mga larawang iyon? Ano ang isinasaad ng paglalarawan tungkol sa nadama ni Isaias? Habang lalo mong pinag-aaralan ang mga salita ng mga makatang ito sa Lumang Tipan, mas makikita mo na sadyang pinili nila ang kanilang mga salita at pamamaraan para magpahayag ng malalim na espirituwal na mensahe.

Ang mga tula ay maaaring maging kahanga-hangang mga kaibigan dahil tinutulungan tayo nitong maunawaan ang ating damdamin at mga karanasan. Ang mga tula sa Lumang Tipan ay lalong mahalaga, dahil tinutulungan tayo nitong maunawaan ang ating pinakamahahalagang damdamin at karanasan—yaong may kinalaman sa ating kaugnayan sa Diyos.

Habang pinag-aaralan mo ang mga tula sa Lumang Tipan, alalahanin na ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay pinakamahalaga kapag inaakay tayo nito papunta kay Jesucristo. Hanapin ang mga simbolo, paglalarawan, at katotohanang nagpapatatag sa iyong pananampalataya sa Kanya. Makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang ikaw ay nag-aaral.

Literatura ng Karunungan

Isang kategorya ng tula sa Lumang Tipan ang tinatawag ng mga scholar na “Wisdom Literature” o Literatura ng Karunungan. Ang Job, Mga Kawikaan, at Eclesiastes ay nasa ilalim ng kategoryang ito. Habang ang mga awit ay nagpapahayag ng damdamin ng papuri, pagluluksa, at pagsamba, ang literatura ng karunungan ay nakatutok sa walang-kupas na payo o malalim, pilosopong mga katanungan. Halimbawa, ang aklat ni Job, ay inaalam ang katarungan ng Diyos at ang mga dahilan kung bakit nagdurusa ang tao. Ang Mga Kawikaan ay nagpapayo kung paano mamuhay nang maayos, pati na ang nakolektang matatalinong kasabihan at ipinasa-pasa mula sa naunang mga henerasyon. At ang Eclesiastes ay may tanong tungkol sa layunin ng buhay mismo—kapag ang lahat ay tila panandalian at random, saan ba natin makikita ang tunay na kahulugan? Maaari mong isipin ang literatura ng karunungan bilang pinag-isipang mga talakayan na may kasamang mga inspiradong tagapagturo na gustong magbahagi ng ilang obserbasyon tungkol sa Diyos at sa mundong Kanyang nilikha—at siguro ay tinutulungan kang maunawaan ang mga bagay na ito nang mas mabuti kaysa dati.