Lumang Tipan 2022
Hulyo 25–31. Esther: “Nakarating Ka … Dahil sa Pagkakataong Ganito”


“Hulyo 25–31. Esther: ‘Nakarating Ka … Dahil sa Pagkakataong Ganito’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hulyo 25–31. Esther,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Nananalangin si Esther

Esther, ni James Johnson

Hulyo 25–31

Esther

“Nakarating Ka … Dahil sa Pagkakataong Ganito”

Habang binabasa mo ang Esther, humingi ng inspirasyon sa Espiritu na angkop sa iyo, at itala ang mga impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Maraming pangyayari sa aklat ni Esther ang parang suwerte o nagkataong nangyari. Paano mo pa maipaliliwanag kung paano naging reyna ng Persia ang isang ulilang batang Judio sa tamang panahon para iligtas ang kanyang mga kababayan mula sa kamatayan? Ano ang mga tsansa na nagkataon na narinig ng pinsan ni Esther na si Mordecai ang planong pagpatay sa hari? Nagkataon lamang ba ang mga ito, o bahagi ito ng isang banal na plano? Sinabi ni Elder Ronald A. Rasband: “Ang tila isang pagkakataon lamang, sa katunayan, ay may patnubay ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. … Ang Panginoon ay nasa maliliit na detalye ng ating buhay” (“Sa Banal na Plano,” Liahona, Nob. 2017, 56). Maaaring hindi natin palaging makita ang impluwensya ng Panginoon sa “maliliit na detalye” na ito. Ngunit nalaman natin mula sa karanasan ni Esther na magagabayan Niya ang ating landas at ihahanda tayo “dahil sa pagkakataong ganito” (Esther 4:14) kapag maaari tayong maging mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay para maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.

Para sa buod ng aklat ni Esther, tingnan sa “Esther, aklat ni” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Esther

Maaari akong gawing instrumento ng Panginoon para pagpalain ang iba.

Itinuro ni Sister Anne C. Pingree: “Ang maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos ay isang dakilang pribilehiyo at sagradong responsibilidad. Saanman tayo nakatira, anuman ang ating sitwasyon, anuman ang katayuan natin sa kasal o edad, kailangan ng Panginoon ang bawat isa sa atin na gampanan [ang ating] kakaibang bahagi sa pagtatayo ng Kanyang kaharian sa huling dispensasyong ito” (“Pag-alam sa Kalooban ng Panginoon para sa Inyo,” Liahona, Nob. 2005, 112).

Habang binabasa mo ang kuwento ni Esther, pag-isipan kung paano naaangkop sa kanya ang pahayag na ito. Hanapin ang mga paraan na ginawang posible ng Panginoon na iligtas ni Esther ang mga Judio (tingnan, halimbawa, sa Esther 2:21–23; 3:10–14; 4:14–16). Pagkatapos ay pagnilayan kung paano Niya ginabayan ang iyong buhay sa mga paraang magtutulot sa iyo na pagpalain ang iba. Ano ang ilang sitwasyon o ugnayan na sa pakiramdam mo ay ginabayan ka Niya para “sa pagkakataong ganiito”? (Esther 4:14). Kung mayroon kang patriarchal blessing, isiping basahin ito para malaman pa ang tungkol sa gawaing ipagagawa sa iyo ng Panginoon.

Esther 3; 5:9–147

Ang kapalaluan at galit ay maaaring humantong sa pagbagsak.

Sa aklat ni Esther, natuto tayo mula sa katapatan nina Esther at Mordecai gayundin mula sa kapalaluan at galit ni Haman. Habang binabasa mo ang Esther 3; 5:9–14, isiping alamin ang damdamin, sinabi, at ginawa ni Haman. Ano ang ibinubunyag ng mga ito tungkol sa kanya at sa kanyang mga intensyon? Anong mga bunga ang nakaharap niya? (tingnan sa Esther 7). Ang pagbabasa tungkol kay Haman ay maaaring makahimok sa iyo na suriin kung ano ang nakahihikayat sa iyong damdamin at kilos. Inspirado ka bang gumawa ng mga pagbabago? Paano ka umaasa ng tulong sa Ama sa Langit?

Tingnan din sa Mga Kawikaan 16:32; Alma 5:28.

Esther 3–4; 5:2–3; 8:11–12

Ang pag-aayuno ay nagpapamalas ng pag-asa ko sa Panginoon.

Pansinin ang mga kundisyong nagtulak kay Esther at sa iba pang mga Judio na mag-ayuno (tingnan sa Esther 3:13; 4:1–3, 10–17). Paano naging pagpapala sa kanila ang pag-aayuno? (tingnan sa Esther 5:2–3; 8:11–12). Bakit hinihiling ng Panginoon na mag-ayuno tayo? (tingnan ang Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pag-aayuno at mga Handog-ayuno,” topics.ChurchofJesusChrist.org). Isipin kung ano ang magagawa mo para maging mas malaking pagpapala ang pag-aayuno sa iyong buhay.

Tingnan din sa Isaias 58:6–12; Mateo 4:1–4; 17:14–21; “Pag-aayuno: Young Single Adult Ward, Amanda” (video), ChurchofJesusChrist.org.

2:41

Esther 3:1–11; 4:10–17; 5:1–4

Ang paggawa ng tamang bagay kadalasan ay nangangailangan ng matinding lakas-ng-loob.

Nang panindigan nina Mordecai at Esther ang kanilang mga paniniwala, itinaya nila ang kanilang buhay. Ang ating mga pagpili ay may mga bunga na maaaring hindi ganoon katindi, ngunit ang paggawa ng tama ay mangangailangan pa rin ng lakas-ng-loob. Ano ang natutuhan mo mula sa Esther 3:1–4; 4:10–17 tungkol sa pagkakaroon ng lakas-ng-loob na gawin ang tama? Pansinin ang iba’t ibang ibinunga na naranasan nina Mordecai at Esther matapos magpakita ng lakas-ng-loob (tingnan sa Esther 3:5–11; 5:1–4). Ano ang kailangang malaman ng isang tao tungkol sa Diyos para magawa niya ang mga pasiyang ginawa nina Esther at Mordecai—na gawin ang tama anuman ang mga ibunga nito?

Sa susunod na pag-isipan mo ang mga ibubunga ng paggawa ng tama, maaari mong gamitin ang matapang na mga salita ni Esther sa Esther 4:16 sa sarili mong sitwasyon. Halimbawa, maaari mong sabihin sa iyong sarili, “Kapag pinipili ko ang tama, kung [mawawalan ako ng mga kaibigan], ako ay [mawawalan ng mga kaibigan].”

Tingnan din sa Thomas S. Monson, “Nawa Magkaroon Kayo ng Lakas-ng-Loob,” Liahona, Mayo 2009, 123–27.

si Esther at ang hari

Si Esther sa Harap ng Hari, ni Minerva K. Teichert.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Esther 1–10.Matapos repasuhin ang kuwento tungkol kay Esther (tingnan sa “Reyna Esther” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan ChurchofJesusChrist.org), maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa paggawa ng mga simpleng puppet sa ilan sa mga tauhan (tingnan sa pahina ng aktibidad sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—para sa Primary). Pagkatapos ay maaari nilang gamitin ang mga ito upang muling isalaysay ang kuwento. Maaari din ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa pagiging matapang at totoo, tulad ng “Maglakas-loob, Tama’y Gawin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 80) o “Gawin ang Tama” (Mga Himno, blg. 44). Anong mga salita sa awitin ang nagpapaalala sa atin kay Esther?

13:55

Esther 2:5–7.Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Mordecai tungkol sa pagtulong sa mga kapamilya sa mga oras ng pagsubok? Sino sa ating pamilya ang nangangailangan ng ating suporta? Gumawa ng plano na tulungan sila.

Esther 4:15–17.Maaaring mahikayat ng katapangan ni Esther ang inyong pamilya na talakayin kung paano magkaroon ng tapang na panindigan ang katotohanan sa mga sitwasyong kinakaharap nila. Ano ang ibig sabihin ni Esther sa “Kung ako’y mamatay, ay mamatay”? Paano naaangkop sa atin ang kanyang mga salita kapag kailangan tayong maging matapang? Ang video na Courage (ChurchofJesusChrist.org) ay nagbibigay ng ilang halimbawa.

3:16

Esther 9:26–32.Ang pista ng mga Judio na Purim ay itinatag upang alalahanin ang kuwento ni Esther. Sa oras ng pagkain sa linggong ito, isiping magbahagi ng mga kuwento tungkol sa mga miyembro ng inyong pamilya, kabilang na ang mga ninuno, na nagpala sa iba sa pamamagitan ng paninindigan sa tama tulad ng ginawa ni Esther.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Maglakas-loob, Tama’y Gawin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 80.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tularan ang buhay ng Tagapagligtas. “Ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na turuan at tulungan ang iba ay nagmula sa paraan ng Kanyang pamumuhay at sa uri ng Kanyang pagkatao. Habang mas masigasig mong sinisikap na mamuhay na katulad ni Jesucristo, mas makakaya mong magturo na katulad Niya” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 13).

Esther

Reyna Esther, ni Minerva K. Teichert, © William at Betty Stokes