“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: ‘Si Cristo’y Sasambit, “Halina’t Magbalik,”’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: ‘Si Cristo’y Sasambit, “Halina’t Magbalik,”’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan
“Si Cristo’y Sasambit, ‘Halina’t Magbalik’”
Sa disyerto ng Sinai, tinipon ni Moises ang mga anak ni Israel sa paanan ng isang bundok. Doon ay sinabi ng Panginoon na nais Niyang gawing makapangyarihang bayan ang grupong ito na bagong laya lamang sa pagkaalipin. “Sa akin kayo,” sabi Niya, “ ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa” (Exodo 19:6). Nangako Siya na mananagana sila at uunlad, kahit napapaligiran sila ng mas malaki at makapangyarihan na kaaway (tingnan sa Deuteronomio 28:1–14).
Lahat ng ito ay mangyayari hindi dahil sa ang mga Israelita ay napakarami o malakas o mahusay. Mangyayari ito, paliwanag ng Panginoon, “kung tunay na inyong susundin ang aking tinig at tutuparin ang aking tipan” (Exodo 19:5). Ang kapangyarihan ng Diyos, hindi ang sa kanila, ang magpapalakas sa kanila.
Subalit ang mga Israelita ay hindi laging sinusunod ang Kanyang tinig, at sa paglipas ng panahon ay tumigil sila sa pagtupad sa Kanyang tipan. Marami ang nagsimulang sumamba sa ibang mga diyos at ginaya ang mga kaugalian ng mga kultura sa kanilang paligid. Tinanggihan nila ang mismong bagay na dahilan ng pagiging bansa nila, naiiba sa lahat ng bagay—ang kanilang pakikipagtipan sa Panginoon. Kung hindi dahil sa pangangalaga ng kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa 2 Mga Hari 17:6–7), walang makapipigil sa kanilang mga kaaway (tingnan sa 2 Mga Cronica 36:12–20).
Ang Pagkalat
Ilang beses sa pagitan ng mga 735 at 720 BC, sinakop ng mga taga-Asiria ang Hilagang Kaharian ng Israel, na tahanan ng sampu sa labindalawang lipi, at tinangay ang libu-libong Israelita sa pagkabihag sa iba’t ibang panig ng Imperyo ng Asiria (tingnan sa 2 Mga Hari 17:1–7).1 Ang mga Israelitang ito ay naging kilala bilang “mga nawalang lipi,” dahil na rin sa inalis sila sa kanilang bayan at ikinalat sa iba pang mga bansa. Ngunit nawala rin sila sa mas malalim na kahulugan: sa paglipas ng panahon nawalan sila ng pagkakakilanlan bilang mga tao ng tipan ng Diyos.
Dahil ang Timog na Kaharian ng Juda noon, kung minsan, ay higit na mabuti kaysa sa Hilagang Kaharian, ito ay mas tumagal.2 Ngunit sa huli ang mga tao roon ay tumalikod at lumayo din sa Panginoon. Sinalakay at nasakop ng mga taga-Asiria halos ang buong Timog na Kaharian; tanging ang Jerusalem ang mahimalang napreserba (tingnan sa 2 Mga Hari 19; Isaias 10:12–13). Kalaunan, sa pagitan ng 597 at 580 BC, winasak ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem, pati na ang templo, at dinalang bihag ang maraming naninirahan sa lungsod (tingnan sa 2 Mga Hari 24–25; 2 a 36; Jeremias 39; 52). Makalipas ang mga 70 taon, isang labi ng Juda ang pinayagang bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo. Gayunman, marami ang nanatili sa Babilonia.3
Sa pagdaan ng mga henerasyon, ang mga Israelita sa lahat ng lipi ay “ikinalat … sa pamamagitan ng ipu-ipo sa lahat ng bansa na hindi nila kilala” (Zacarias 7:14; tingnan din sa Amos 9:8–9). Ang ilan ay inakay ng Panginoon sa ibang mga lupain (tingnan sa 2 Nephi 1:1–5; Omni 1:15–16). Ang iba ay umalis sa Israel para makaiwas na mabihag (tingnan sa 2 Mga Hari 25:22–26; Jeremias 42:13–19; 43:1–7) o dahil sa pulitika o ekonomiya.4
Tinatawag natin ang mga kaganapang ito na pagkalat ng Israel. At mahalaga na malaman ang tungkol sa pagkalat para sa ilang kadahilanan. Isa na rito, malaking paksa ito ng Lumang Tipan: Maraming propeta sa Lumang Tipan ang naging saksi sa espirituwal na pagbulusok na humantong sa pagkalat ng Israel. Nakita nila ang pagkalat at nagbabala tungkol dito, at ang ilan sa kanila ay naranasan pa ito.5 Makabubuting alalahanin iyan kapag binabasa mo ang mga aklat nina Isaias, Jeremias, Amos, at ang iba pang mga aklat sa huling bahagi ng Lumang Tipan. Nasasaisip ang kontekstong ito, kapag binasa mo ang kanilang mga propesiya tungkol sa Asiria at Babilonia, pagsamba sa mga diyus-diyusan at pagkabihag, kapanglawan at pagpapanumbalik sa huli, malalaman mo ang binabanggit nila.
Ang pag-unawa sa pagkalat ng Israel ay tutulong sa iyo na maunawaan nang mas mabuti ang Aklat ni Mormon, dahil ang Aklat ni Mormon ay tala ng isang sangay ng ikinalat na Israel (tingnan sa 1 Nephi 15:12). Ang talaang ito ay nagsimula sa pagtakas ng pamilya ni Lehi sa Jerusalem noong mga 600 BC, bago sumalakay ang mga taga-Babilonia. Si Lehi ay isa sa mga propetang nagpropesiya tungkol sa pagkalat ng Israel.6 At tumulong ang kanyang pamilya sa pagtupad sa propesiyang iyon. Umalis ang kanilang maliit na grupo ng sambahayan ni Israel at nanirahan sa kabilang panig ng mundo, sa mga lupain ng Amerika.
Ang Pagtitipon
Gayunman, ang pagkalat ng Israel ay kalahati lamang ng kuwento. Hindi nalilimutan ng Panginoon ang Kanyang mga tao, ni hindi Niya lubos na pinababayaan ang mga ito, kahit na tinalikuran nila Siya. Ang maraming propesiya na ikakalat ang Israel ay may kasamang maraming pangako na balang-araw ay titipunin sila ng Diyos.7
Ngayon ang araw na iyon—ang ating panahon. Nagsimula na ang pagtitipon. Noong 1836, libu-libong taon matapos tipunin ni Moises ang mga anak ni Israel sa paanan ng bundok ng Sinai, nagpakita si Moises sa Kirtland Temple upang ipagkatiwala kay Joseph Smith “ang mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo” (Doktrina at mga Tipan 110:11). Ngayon, sa ilalim ng pamamahala ng mga mayhawak ng mga susing ito, ang mga lipi ni Israel ay tinitipon mula sa bawat bansa kung saan nakakapunta ang mga lingkod ng Panginoon.
Tinawag ni Pangulong Russell M. Nelson ang pagtitipong ito na “pinakamahalagang bagay na nagaganap sa lupa ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito. At kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi nito.”8
Paano ninyo gagawin iyon? Ano ang ibig sabihin ng tipunin ang Israel? Ang ibig sabihin ba nito ay muling ibalik ang labindalawang lipi sa lupaing minsang tinirhan nila? Ang totoo, ang ibig sabihin nito ay mas dakila, mas ukol sa kawalang-hanggan. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Nelson:
Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa magkabilang panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. …
Sa “bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.”9
Nangyayari ito, tulad ng sinabi ni Isaias, “isa-isa” (Isaias 27:12) o, tulad ng ipinropesiya ni Jeremias na, “isa sa isang lunsod, at dalawa sa isang angkan” (Jeremias 3:14).
Ang pagtitipon ng Israel ay paghahatid ng mga anak ng Diyos pabalik sa Kanya. Ang ibig sabihin nito ay ibalik sila sa kanilang pakikipagtipan sa Kanya. Ibig sabihin nito ay muling pagtatatag ng “banal na bansa” na iminungkahi Niyang itatag noon pa (Exodo 19:6).
Halina’t Magbalik
Bilang tumutupad sa tipan, ikaw ay bahagi ng sambahayan ni Israel.10 Ikaw ay natipon, at ikaw ay isang tagatipon. Ang maraming siglo nang kuwento na nagsimula sa isang tipan sa pagitan ng Diyos at ni Abraham ay malapit na sa pinakahihintay na yugto nito, at ikaw ay isang pangunahing tauhan dito. Ngayon ang panahon na “si Cristo’y sasambit, ‘Halina’t magbalik.’”11
Ito ang mensahe ng mga tagapagtipon: Halina’t magbalik sa tipan. Halina’t magbalik sa Sion. Halina’t magbalik kay Jesucristo, ang Banal ng Israel, at dadalhin Niya kayo pauwi sa Diyos, na inyong Ama.