Lumang Tipan 2022
Hulyo 4–10. 2 Mga Hari 2–7: “May Isang Propeta sa Israel”


“Hulyo 4–10. 2 Mga Hari 2–7: ‘May Isang Propeta sa Israel,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hulyo 4–10. 2 Mga Hari 2–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Ipinapakita ni Eliseo sa alipin ang mga karwahe ng apoy

Paglalarawan kay Eliseo na ipinapakita sa kanyang alipin ang mga karwahe ng apoy, © Review & Herald Publishing/lisensyado mula sa goodsalt.com

Hulyo 4–10

2 Mga Hari 2–7

“May Isang Propeta sa Israel”

Ang mga aktibidad sa outline na ito ay para pukawin ang iyong malikhaing mga ideya. Sa mapanalanging pag-aaral, makatatanggap ka ng inspirasyon para matugunan ang mga pangangailangan ng mga batang tinuturuan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mahikayat ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol kay propetang Eliseo, pagdrowingin sila ng larawan ng isang bagay na ginawa niya.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

2 Mga Hari 4–5

Ang Diyos ay makagagawa ng mga himala sa buhay ko.

Sa pamamagitan ng propetang si Eliseo, pinagpala ng Panginoon ang maraming tao sa mahimalang mga paraan. Tulungan ang mga bata na matukoy ang mga himala ng Panginoon sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi ang isa o mas marami pang himala na nakatala sa 2 Mga Hari 4–5 (tingnan sa “Si Eliseo na Propeta” at “Pinagaling ni Eliseo si Naaman” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nagustuhan nila tungkol sa mga kuwentong ito. Anyayahan silang muling isalaysay ang mga kuwento sa isa’t isa.

  • Magpatotoo na maaaring gamitin ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan na gumawa ng mga dakilang bagay para tulungan tayo. Tinatawag nating mga himala ang mga bagay na ito. Ibahagi kung paano ipinakita ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal sa inyo sa malaki o maliit na mga paraan. Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagmamahal ng Diyos, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17). Sabihin sa mga bata na ibahagi kung paano nila nalalaman na mahal sila ng Ama sa Langit.

2 Mga Hari 5:1–15

Maaari kong piliing gawin ang iniuutos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang propeta.

Nahirapan si Naaman na sumunod nang sabihin sa kanya ng propetang si Eliseo kung paano gagaling sa ketong. Pag-isipang mabuti kung paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang mga pagpapalang dulot ng pagiging masunurin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento ang tungkol kay Naaman (tingnan sa 2 Mga Hari 5:9–14; “Pinagaling ni Eliseo si Naaman” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan; tingnan din ang larawan ni Naaman sa outline para sa linggong ito, sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Bigyang-diin na noong una ay ayaw ni Naaman na maghugas sa Ilog Jordan, kahit sinabi sa kanya ni Eliseo na ito ang magpapagaling sa kanyang sakit. Ikuwento ang isang pagkakataon nang hindi mo tiyak na gusto mong gawin ang tama, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng sarili nilang mga halimbawa. Pagkatapos ay ibahagi kung paano napagpala si Naaman nang ginawa niya ang tamang pasiya.

  • Basahin ang 2 Mga Hari 5:13 sa mga bata, at ipaliwanag na tinulungan si Naaman ng kanyang mga alalay na magpasiyang sundin ang propetang si Eliseo. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na matutulungan nila ang kanilang mga kaibigan o kapamilya na pakinggan at sundin ang propeta.

2 Mga Hari 6:8–17

Binabantayan ako ng Panginoon.

Nang makita ng alalay ni Eliseo ang hukbo ng mga taga-Siria na nakapalibot sa kanila, siya ay napuno ng takot. Gayunman, sinabi sa kanya ni Eliseo na “huwag kang matakot” dahil ang Panginoon ay kasama nila (2 Mga Hari 6:16).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang 2 Mga Hari 6:15 sa mga bata, ikuwento ito sa paraan na mauunawaan nila. Sabihin sa mga bata na kunwari ay napaliligiran sila ng malaking hukbo na may mga kabayo at karwahe, tulad ng alalay ni Eliseo. Ano ang mararamdaman nila? Ano ang gagawin nila? Ipapikit ang kanilang mga mata habang binabasa mo ang 2 Mga Hari 6:16–17 sa kanila. Kapag binabasa mo na ang mga salitang “buksan mo ang kanyang mga mata,” sabihin sa mga bata na magmulat na sila ng mata. Ilarawan sa kanila ang nakita ng alipin na nagpoprotekta sa kanya at kay Eliseo. Ibahagi kung paano mo nalalaman na binabantayan tayo ng Panginoon.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pangangalaga ng Diyos sa atin, tulad ng unang taludtod ng “Mga Bata, Diyos ay Malapit” (Mga Himno, blg. 44). Ipalit sa mga titik sa awitin ang pangalan ng mga bata para bigyang-diin na binabantayan sila ng Diyos.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

2 Mga Hari 4–5

Ang Diyos ay makagagawa ng mga himala sa buhay ko.

Sa kanyang ministeryo, pinagaling at binasbasan ni Eliseo ang maraming tao. Paano matutulungan ng mga himala sa 2 Mga Hari 4–5 na makilala ng mga bata ang impluwensya ng Ama sa Langit sa kanilang buhay?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Pasulatin ang mga bata sa pisara ng mga himala mula sa mga banal na kasulatan na kasindami nang naaalala nila. Pagkatapos ay bigyan sila ng oras na rebyuhin ang 2 Mga Hari 4–5 at dagdagan ang kanilang listahan (tingnan sa 2 Mga Hari 4:1–7, 14–17, 32–35, 38–41, 42–44; 5:10–14). Ano ang itinuturo ng mga himalang ito tungkol sa nadarama ng Ama sa Langit sa atin?

  • Sabihin sa mga bata na pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng himala. Kung kailangan nila ng tulong, maaari nilang rebyuhin ang “Himala” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan silang ibahagi ang ilang himalang ginawa ni Jesus. Sabihin kung paano mo nakita ang kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay. Maaari mong isama ang araw-araw na mga himala tulad ng damdamin ng kapayapaan, kaloob na buhay araw-araw, o tulong sa araw-araw na mga gawain. Anyayahan ang mga bata na magbanggit ng mga himala sa kanilang buhay, kapwa malaki at maliit.

2 Mga Hari 5:1–15

Maaari kong piliing maging tapat, mapagpakumbaba, at masunurin.

Gusto ni Naaman na gumaling ang kanyang ketong, pero hindi niya inaasahan ang simpleng tagubiling ibinigay sa kanya ni Eliseo: “Humayo ka at maligo sa Jordan ng pitong ulit” (2 Mga Hari 5:10). Isipin kung paano mo magagamit ang kuwentong ito para ituro sa mga bata ang tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo, kababaang-loob, at pagsunod.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang pananampalataya, kababaang-loob, at pagsunod sa pisara, at itanong sa mga bata kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito (tingnan sa Tapat sa Pananampalataya, 174–76, 148, 158–59). Anyayahan ang mga bata na basahin ang 2 Mga Hari 5:9–14. Paano nagpakita si Naaman ng pananampalataya, pagpapakumbaba, at pagsunod sa Panginoon? Bakit mahalagang taglayin natin ang mga katangiang ito?

    14:37
  • Sabihin sa mga bata na magkuwento tungkol sa isang pagkakataon na tinulungan sila ng isang kaibigan na piliin ang tama. Magbahagi rin ng sarili mong karanasan. Basahin nang sabay-sabay ang 2 Mga Hari 5:10–13 upang malaman kung paano nakatulong kay Naaman ang kanyang mga alalay na piliing sundin ang propeta. Ano ang magagawa natin para matulungan ang isa’t isa na sundin ang ating propeta ngayon?

  • Anyayahan ang mga bata na kumpletuhin ang pahina ng aktibidad at ibahagi sa isang kapamilya o kaibigan ang natutuhan nila mula sa kuwento ni Naaman sa 2 Mga Hari 5:1–15.

2 Mga Hari 6:8–17

Hindi ako nag-iisa.

Maaaring madama ng mga batang tinuturuan mo na kung minsan ay tulad sila ng lingkod ni Eliseo—hindi tiyak kung paano harapin ang mga hamon sa kanilang harapan. Magagamit mo ang tala sa 2 Mga Hari 6:8–17 para turuan silang “huwag matakot” dahil hindi sila iniwang mag-isa ng Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin nang sabay-sabay ang 2 Mga Hari 6:15–17. Anyayahan ang isa sa mga bata na magkunwaring alalay ni Eliseo habang ang ibang mga bata ay nagtatanong tungkol sa kanyang karanasan, tulad ng nadama niya nang mapaligiran ng hukbo ng mga taga-Siria ang lungsod o kung ano ang pakiramdam ng makita ang hukbo ng Diyos. Kausapin ang mga bata tungkol sa mga pagkakataon na pakiramdam nila ay nag-iisa sila sa pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo. Paano tayo tinutulungan ng Panginoon na malaman na hindi tayo nag-iisa?

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa pag-asa sa Panginoon, tulad ng “When Faith Endures” (Hymns, blg. 128). Ano ang itinuturo sa atin ng awiting ito tungkol sa pagtitiwala sa Panginoon?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan sa kanilang pamilya nang madama nila ang kamay ng Diyos sa kanilang buhay. Hikayatin silang hilingin sa kanilang mga kapamilya na magbahagi ng katulad na mga karanasan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Natututo ang mga bata sa maraming paraan. “Ang mga pagsisikap mong turuan ang mga bata ay magiging napakaepektibo kapag gumamit ka ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo,” na kinabibilangan ng mga kuwento, visual aid, at musika (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).