Lumang Tipan 2022
Hulyo 18–24. Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8: “Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain”


“Hulyo 18–24. Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8: ‘Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hulyo 18–24. Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

templo ng Zerubabel

Paglalarawan sa Templo ni Zerubabel, ni Sam Lawlor

Hulyo 18–24

Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–68

“Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain”

Sa iyong pag-aaral, isipin kung alin sa mga mensahe sa Ezra at Nehemias ang kailangang-kailangan ng mga batang tinuturuan mo. Gumawa ng isang plano sa pagtuturo na may kasamang mga impresyong natanggap mo mula sa Espiritu Santo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isulat sa pisara ang Zerubabel, Ezra, at Nehemias. Magdrowing o magpakita ng ilang larawang may kaugnayan sa mga taong ito, tulad ng templo, mga banal na kasulatan, at mga pader ng Jerusalem. Tulungan ang mga bata na itugma ang mga pangalan sa mga larawan, at hayaang ibahagi nila ang alam nila tungkol sa ginawa ng mga taong ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Ezra 3; 8–13

Ang templo ay maaaring maghatid sa akin ng kagalakan.

Matutulungan ng kuwento ni Zerubabel at ng muling pagtatayo ng templo ng mga Judio na magalak ang mga batang tinuturuan mo sa mga pagpapalang dumarating dahil sa bahay ng Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na sabihin kung ano ang nagpapasaya sa kanila. Magpakita ng larawan ng isang taong nakangiti sa harap ng templo (tulad ng larawan sa outline na ito), at itanong sa mga bata kung bakit napakasaya ng tao. Magpatotoo na ang templo ay ang bahay ng Panginoon, at magkuwento tungkol sa isang pagkakataon na naging masaya ka dahil sa templo.

  • Basahin sa mga bata ang huling bahagi ng Ezra 3:12, na ipinapaliwanag na nang ilatag ng mga Judio ang pundasyon ng templo, “marami ang sumigaw ng malakas dahil sa kagalakan.” Anyayahan ang mga bata na sumigaw dahil sa kagalakan. Tulungan silang mag-isip ng mga dahilan na maaari tayong maging masaya dahil sa templo. Halimbawa, sa templo gumagawa tayo ng mga pangako sa Diyos na nagbibigay-daan para magkasama-sama ang ating pamilya magpakailanman.

  • Kantahing kasama ng mga bata ang isang awitin tungkol sa mga templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Pagkatapos ng bawat linya, huminto para hilingin sa isang bata na magbahagi ng isang bagay na gustung-gusto niya tungkol sa templo.

    isang pamilyang naglalakad sa bakuran ng templo

    Ang templo ay maaaring pagmulan ng kagalakan sa ating buhay.

Nehemias 2:17–20; 6:1–9

Tutulungan ako ng Panginoon na magawa ang Kanyang gawain.

Noong kinukumpuni ni Nehemias ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem, sinikap siyang pigilan ng kanyang mga kaaway, ngunit nanatili siyang tapat sa kanyang gawain. Ano ang ilang mahahalagang bagay na nais ng Panginoon na gawin ng mga bata, at paano mo sila mahihikayat na maging tapat sa gawaing iyon?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi sa mga bata ang kuwento ni Nehemias (tingnan sa Nehemias 2:17–20; 6:1–9; Dieter F. Uchtdorf, “Kami’y Gumagawa ng Dakilang Gawain, na Anupa’t Hindi Kami Makababa,” Liahona, Mayo 2009, 59–62). Sabihin sa mga bata kung ano ang sinabi ni Nehemias nang pagtawanan siya ng mga tao sa kagustuhang ayusin ang mga pader ng Jerusalem: “Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng langit at kaming mga lingkod niya ay magsisimula nang magtayo” (Nehemias 2:20). Anyayahan ang mga bata na tumayo at magkunwaring tutulong sa pag-ayos ng mga pader ng Jerusalem.

  • Magdala ng ilang wooden block sa klase, at hayaang gamitin ito ng mga bata para tulungan kang magtayo ng pader (o magdrowing ng pader sa pisara). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilang mahahalagang bagay na maaaring ipagawa sa kanila ng Ama sa Langit, tulad ng pag-aaral kung paano basahin ang mga banal na kasulatan. Sa bawat ideya na ibinabahagi nila, sabihing magdagdag sila ng block sa pader. Ipaliwanag na noong ginagawa ni Nehemias ang kanyang mahalagang gawain sa pag-aayos ng mga pader ng Jerusalem, tinangka siyang pigilan ng mga tao. Basahin ang Nehemias 6:9, at ipataas ang kamay ng mga bata kapag nabasa mo ang “palakasin mo ang aking mga kamay.” Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon na nadama mong pinalakas ng Diyos ang iyong mga kamay para gawin ang Kanyang gawain.

Nehemias 8:1–12

Ang mga banal na kasulatan ay isang pagpapala.

Maaari mong gamitin ang kuwento ni Ezra na binabasa ang batas para matulungan ang mga bata na isipin kung gaano tayo kapalad na magkaroon ng mga banal na kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na binasa ni Ezra ang mga banal na kasulatan sa mga tao. Basahin nang malakas ang ilang kataga mula sa Nehemias 8:2–3, 5–6, 8–9, 12 na naglalarawan kung ano ang ginawa ng mga tao nang marinig nila ang mga banal na kasulatan, at sabihin sa mga bata na isadula ang mga katagang ito. Bakit tayo nagpapasalamat na mayroon tayong mga banal na kasulatan?

  • Anyayahan ang mga bata na kulayan ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Habang ginagawa nila ito, ibahagi sa mga bata kung paano ka mas inilapit ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa Tagapagligtas.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Ezra 3:8–13; 6:16–22

Ang templo ay nagbibigay sa akin ng dahilan para magalak.

Habang nirerebyu mo kasama ng mga bata ang kuwento tungkol kay Zerubabel at ng muling pagtatayo ng templo ng mga Judio, maghanap ng mga paraan para patotohanan ang kagalakang dumarating sa atin dahil may mga templo tayo ngayon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magtulungan sa paghahanap ng mga kataga sa Ezra 3:10–13 na nagpapakita ng nadama ng mga Judio nang muling itayo ang templo sa Jerusalem. Paano natin maipapakita ang ating kagalakan sa pagkakaroon ng mga templo sa lupa ngayon? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para makapaghanda sila sa pagpunta sa templo.

  • Ibahagi sa mga bata ang nadarama mo tungkol sa templo. Paano ka natulungan ng templo na mas mapalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas? Bakit tayo nagdiriwang kapag may inilalaang templo? Bigyan ng oras ang mga bata na isulat kung ano ang nadarama nila tungkol sa templo, at hikayatin silang ibahagi sa kanilang pamilya ang isinulat nila.

Nehemias 2; 46

Palalakasin ako ng Panginoon para gumawa ng “dakilang gawain.”

Ang Panginoon ay may mahalagang gawain para sa mga batang tinuturuan mo. Ano ang matututuhan nila kay Nehemias tungkol sa pagsusumigasig sa gawaing iyon kahit nahaharap sila sa oposisyon?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Rebyuhing kasama ng mga bata ang kuwento tungkol sa pag-aayos ni Nehemias ng mga pader ng Jerusalem, pati na ang oposisyong nakaharap niya. Basahin nang sabay-sabay ang Nehemias 2:19, at sabihin sa mga bata na magbahagi ng mga sitwasyon kung saan maaari tayong pagtawanan ng isang tao sa paggawa ng tama. Ayon sa Nehemias 2:20, paano tumugon si Nehemias? Paano tayo tutugon kapag pinagtatawanan o pinipintasan tayo ng mga tao sa paggawa ng tama?

  • Sama-samang basahin ang Nehemias 6:1–9. Paano paulit-ulit na sinikap ng mga kaaway ni Nehemias na patigilin siya sa paggawa ng pader, at paano siya tumugon? Anong gawain ang nais ipagawa sa atin ng Diyos? (tingnan, halimbawa, sa Mosias 18:8–10). Paano natin masusundan ang halimbawa ni Nehemias sa talata 9 kapag mahirap gawin ang ipinagagawa sa atin ng Diyos?

Nehemias 8:1–12

Ako ay pinagpapala kapag pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan.

Matagal nang hindi narinig ng mga tao sa Jerusalem ang mga salita ng Diyos bago ito binasa ni Ezra sa mga tao. Ang kuwento ni Ezra ay nagpapaalala sa atin kung gaano dapat kahalaga ang mga banal na kasulatan sa atin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang Nehemias 8:1–12 para sa mga salita o kataga na nagpapakita kung ano ang nadama ng mga tao tungkol sa pakikinig sa salita ng Diyos. Ipabahagi sa mga bata kung ano ang nadarama nila kapag nagbabasa sila ng mga banal na kasulatan, at ibahagi rin ang iyong damdamin.

  • Ipabasa sa isang bata ang Nehemias 8:8, at itanong sa mga bata kung ano ang nakakatulong sa kanila para maunawaan ang mga banal na kasulatan. Ipakita sa kanila kung paano gamitin ang mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan at Gospel Topics (ChurchofJesusChrist.org). Magpabahagi sa mga bata ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga banal na kasulatan.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Papiliin ang mga bata ng isang bagay na natutuhan nila ngayon na gusto nilang ibahagi sa kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Espirituwal na maghanda. “Ang mabisang pagtuturo ng ebanghelyo ay hindi lang paghahanda ng lesson kundi paghahanda rin ng ating mga sarili. … Ang epektibong mga guro ng ebanghelyo—bago nila isiping punuin ang oras ng klase—ay pinagtutuunang puspusin ang kanilang puso ng Espiritu Santo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12).