Lumang Tipan 2022
Hulyo 11–17. 2 Mga Hari 17–25: “Siya’y Nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel”


“Hulyo 11–17. 2 Mga Hari 17–25: ‘Siya’y Nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hulyo 11–17. 2 Mga Hari 17–25,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Larawan
nililisan ng mga tao ang nawasak na lungsod

Ang Pagtakas ng mga Bilanggo, ni James Tissot at ng iba pa

Hulyo 11–17

2 Mga Hari 17–25

“Siya’y Nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel”

Sa pagpaplano mo ng mga aktibidad para sa pagkatuto ng mga bata, tandaan na ang mga aktibidad para sa mas maliliit na bata sa outline na ito ay maaaring iakma sa nakatatandang mga bata at kabaliktaran nito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isulat ang pangalan ng bawat bata sa isang pirasong papel, at ilagay ang mga papel sa isang lalagyan. Sa simula ng klase, hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagpili ng pangalan. Kapag nabunot ang pangalan ng isang bata, anyayahan ang batang iyon na magbahagi ng isang bagay na natutuhan niya kamakailan tungkol sa ebanghelyo o tungkol kay Jesucristo. Ulitin ito hanggang sa magkaroon ang bawat bata ng pagkakataong magbahagi.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

2 Mga Hari 18:3, 5

Maaari akong magtiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Ang halimbawa ni Hezekias sa 2 Mga Hari 18:3, 5 ay maaaring makatulong sa mga batang tinuturuan mo na magtiwala sa Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magbanggit ng ilang bagay na maaaring gawin ng isang mabuting hari at ilang bagay na magagawa ng isang masamang hari. Hilingin sa mga bata na tumayo at pumalakpak sa mabubuting bagay at umupo para sa masasamang bagay. Ipaliwanag sa mga bata na nagkaroon ng maraming hari ang Israel, ang ilan ay mabuti at ang ilan ay hindi. Anyayahan ang mga bata na pakinggan kung ano ang dahilan kung bakit naging mabuting hari si Hezekias habang binabasa ninyo ang 2 Mga Hari 18:3, 5. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na maipapakita natin na nagtitiwala tayo sa Panginoon tulad ni Hezekias noon.

  • Tulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng magtiwala sa isang tao. Sabihin ang mga taong pinagkakatiwalaan mo, at hayaang gayundin ang gawin ng mga bata. Ipakita ang isang larawan ni Jesucristo. Bakit maaari tayong magtiwala kay Jesucristo? Ipahayag ang iyong pagtitiwala na mahal tayo ni Jesucristo at tutulungan Niya tayong makabalik sa piling ng Ama sa Langit sa kawalang-hanggan.

2 Mga Hari 22:8–11; 23:2

Ang mga banal na kasulatan ay isang pagpapala.

Kahit maaaring hindi mabasa o maunawaan ng mas maliliit na bata ang lahat ng nasa mga banal na kasulatan, mapagpapala sila ng kapangyarihan ng mga banal na kasulatan. Ano ang magagawa mo para matulungan silang magkaroon ng hangaring pagpalain ng salita ng Diyos?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magtago ng kopya ng mga banal na kasulatan sa silid, at ipahanap ito sa mga bata. Ipaliwanag na noong panahon ni Haring Josias, marami sa mga tao ang hindi natututo mula sa mga banal na kasulatan hanggang sa matagpuan ang mga ito ng isang saserdote sa templo (tingnan sa 2 Mga Hari 22:8–11). Ano ang mga banal na kasulatan? Bakit kailangan natin ang mga banal na kasulatan? Sabihin sa mga bata kung bakit natutuwa ka na nasa atin ang mga banal na kasulatan ngayon, at hayaang ibahagi nila ang kanilang damdamin tungkol sa mga banal na kasulatan.

  • Basahin ang 2 Mga Hari 23:2 sa mga bata, at sabihing pakinggan nila kung ano ang ginawa ng hari sa mga banal na kasulatan. Bakit mahalaga para sa lahat noon na marinig ang nakasulat sa mga banal na kasulatan? Kantahin ang isang awitin tungkol sa mga banal na kasulatan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66), at hilingin sa mga bata na sabihin kung ano ang pakiramdam nila kapag nakakarinig sila ng mga turo at kuwento mula sa mga banal na kasulatan.

    Larawan
    pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

    Ang mga banal na kasulatan ay makakatulong na ibaling ang ating puso sa Panginoon.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

2 Mga Hari 18:3–6; 19:14–19

Maaari akong magtiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Noong pinagbantaan ng mga taga-Asiria ang Jerusalem, ang matuwid na Haring Hezekias ay bumaling sa Panginoon nang may pananampalataya. Ang halimbawa ni Hezekias ay makakatulong sa iyo at sa mga bata na pag-usapan kung paano natin maipapakita ang ating pananampalataya sa Panginoon, kahit may hamon sa pananampalatayang iyon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamit ang map 3 sa Bible, “The Division of the 12 Tribes,” maikling ipaliwanag sa mga bata na ang Hilagang Kaharian ng Israel ay nasakop ng mga taong taga-Asiria. Ipaliwanag na tinangka kalaunan ng mga taga-Asiria na sakupin ang Katimugang Kaharian ng Juda. Sabihin sa mga bata na isipin kung ano ang madarama nila kung sila ay nakatira sa Juda at alam nila na parating ang mga taga-Asiria para wasakin ang lunsod. Ipabasa sa mga bata ang 2 Mga Hari 18:3, 5–6 upang malaman kung bakit nagawa ni Hezekias, ang hari ng Juda, na takutin ang mga taga-Asiria nang dumating sila.

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang 2 Mga Hari 19:14–19, na inaalam kung ano ang ginawa ni Hezekias nang pagbantaan ng mga taga-Asiria ang kanyang kaharian. Paano ipinakita ng paggawa niya ng mga bagay na ito na nagtitiwala siya sa Panginoon? Ano ang magagawa natin para maipakita ang ating tiwala sa Panginoon kapag kailangan natin ng tulong?

2 Mga Hari 22:8–13; 23:2–3

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan kung paano susundin si Jesucristo.

Pagkaraan ng maraming taon ng espirituwal na kadiliman, pinanibago ng mga Judio ang kanilang katapatan sa Panginoon. Nangyari ito dahil muling natuklasan ni Haring Josias ang aklat ng batas at binasa ito sa mga tao. Matutulungan ng talang ito ang mga bata na maunawaan kung bakit napakahalaga ng mga banal na kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na sinabi ni Haring Josias sa kanyang mga tao na ayusin muli ang templo, at habang ginagawa nila ito, natagpuan nila ang isang bagay na napakahalaga. Ipabasa sa mga bata ang 2 Mga Hari 22:8–11 para malaman kung ano iyon. Ipaliwanag na ang aklat na natagpuan nila ay naglalaman ng mga tipan at kautusan na hindi alam ng mga anak ni Israel. Ano ang maaaring mangyari sa atin kung wala tayong mga banal na kasulatan? Itanong sa mga bata kung bakit sila nagpapasalamat na mayroong mga banal na kasulatan. Bakit magiging mas mahirap sundin ang Tagapagligtas kung wala sa atin ang mga banal na kasulatan?

  • Bigyan ng isang papel ang bawat bata, at sabihing punitin o sirain nila ito. Ipaliwanag na sa panahon ni Haring Josias, kung minsan ay pinipilas ng mga tao, o “pinupunit,” ang damit nila kapag masama ang loob nila o malungkot sila. Ipahanap sa mga bata ang salitang “pinunit” sa 2 Mga Hari 22:11. Bakit kaya nalungkot si Josias? Tulungan ang mga bata na mahanap ang sagot sa talata 13. Bakit mahalagang regular nating basahin ang mga banal na kasulatan?

  • Basahin nang sama-sama ang 2 Mga Hari 23:2–3, at ipahanap sa mga bata kung paano nakatulong ang mga banal na kasulatan kay Josias at sa kanyang mga tao. Ibahagi sa mga bata ang isang talata sa banal na kasulatan na nagbigay-inspirasyon sa iyo na “lumakad nang ayon sa Panginoon” (talata 33), at sabihan ang mga bata na ibahagi ang mga banal na kasulatan na nakatulong sa kanila. Magkakasamang kantahin ang “Sa Aking Paglakad, Jesus ang Kasama” (ChurchofJesusChrist.org).

2 Mga Hari 23:3

Tutuparin ko ang aking mga tipan sa Diyos.

Nang malaman ni Josias at ng kanyang mga tao ang mga utos ng Diyos, nakipagtipan silang ipamumuhay ang mga ito. Matutulungan mo ang mga batang tinuturuan mo na hangaring manatiling tapat sa mga tipang ginawa nila sa binyag.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa sa mga bata ang 2 Mga Hari 23:3 at ipahanap ang mga salita o kataga na nagpapakita kung ano ang nadama ng mga tao tungkol sa mga kautusan ng Panginoon. Anyayahan silang tumayo at sabihin kung ano ang maaaring ibig sabihin ng “[tumayo] sa tipan.” Palakarin sila sa kinatatayuan nila at sabihin kung ano ang ibig sabihin ng “lumakad ng ayon sa Panginoon.” Sabihing ilagay ang kanilang kamay sa tapat ng kanilang puso at magmungkahi ng mga paraan na maaari nating masunod ang mga kautusan “ng [ating] buong puso.”

  • Tulungan ang mga bata na gumawa ng listahan ng mga pangakong ginawa nila sa binyag (tingnan sa Mosias 18:10; Doktrina at mga Tipan 20:37, 77, 79). Ano ang ipinapangako sa atin ng Diyos kung tutuparin natin ang ating mga tipan? Ano ang matututuhan natin mula sa 2 Mga Hari 23:3 tungkol sa kung paano natin dapat tuparin ang ating mga tipan?

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na magbahagi sa kapamilya ng isang talata sa banal na kasulatan o isang kuwento mula sa mga banal na kasulatan na nagpala sa kanila.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga bata na magkaroon ng tiwala. Ang isang paraan para matulungan ang mga bata na magkaroon ng tiwala sa sarili ay purihin sila kapag nakilahok sila sa klase. Ipangako sa mga bata na tutulungan sila ng Espiritu Santo habang natututo sila.

Print