“Hunyo 13–19. 1 Samuel 8–10; 13; 15–18: ‘Ang Labanang Ito ay sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Hunyo 13–19. 1 Samuel 8–10; 13; 15–18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Hunyo 13–19
1 Samuel 8–10; 13; 15–18
“Ang Labanang Ito ay sa Panginoon”
Bagama’t ang mga aktibidad sa ibaba ay para sa mas maliliit na bata o mas nakatatandang mga bata, maaari mong iakma ang alinman sa mga ito para matugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga tinuturuan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita ang larawan nina David at Goliat mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Ipabahagi sa mga bata ang nalalaman nila tungkol sa kuwento, at magtanong upang matulungan silang maalala ang mga bahagi ng kuwento na hindi nila nabanggit.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Alam ng Panginoon ang nilalaman ng puso ko.
Ang pagbabahagi ng kuwento tungkol sa kung paano sinabi ng Panginoon kay Samuel na piliin si David bilang hari ay makatutulong sa mga bata na malaman na kilala ng Panginoon ang bawat isa sa atin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibahagi kung paano sinabi ng Panginoon kay Samuel na si David ang magiging hari ng Israel (tingnan sa 1 Samuel 16:1–13). Habang nagkukuwento ka, maaari mong sabihan ang isang bata na magkunwaring si Samuel. Maaari siyang magbigay ng isang koronang papel sa isa pang bata, na kunwaring si David. Ibahagi ang iyong patotoo na alam ng Panginoon ang puso ni David at na kilala Niya ang bawat isa sa atin.
-
Magbahagi ng isang karanasan kung saan nadama mo na alam ng Panginoon kung sino ka. Kumanta ng isang awitin na nagtuturo na kilala at mahal tayo ng Tagapagligtas, tulad ng “Si Jesus ay Mapagmahal na Kaibigan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 37).
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay makatutulong sa akin na magkaroon ng lakas-ng-loob.
Madaling makaugnay ang mga bata kay David dahil kahit maliit si David, napagtagumpayan niya ang isang malaking hamon. Tulungan silang makita na ang pinagmulan ng kanyang tapang at lakas ay ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Rebyuhin ang kuwento tungkol kina David at Goliat sa mga bata (tingnan sa “David at Goliat” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan), at hayaang maghalinhinan sila sa pagsasadula ng kuwento. Sabihan ang bata na nagkukunwaring si Goliat na sabihing, “Paharapin ninyo sa akin ang isang lalaki upang maglaban kami” (1 Samuel 17:10). Sabihan ang batang nagkukunwaring si David na sabihing, “Lumalapit ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon” (1 Samuel 17:45). Magpatotoo na kapag sumasampalataya tayo sa Panginoon, tutulungan Niya tayo na magkaroon ng lakas-ng-loob na tulad ni David.
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito para ipakita kung gaano kataas si Goliat kumpara sa isang batang tulad ni David. Ipaliwanag na ang hukbo ng Israel ay natakot kay Goliat. Sabihin sa mga bata na magkunwaring natatakot sila. Pagkatapos ay ipakita ang larawan ni Jesucristo, at sabihin sa mga bata na dahil nanampalataya si David sa Panginoon, maaari siyang maging matapang. Patayuin sila nang tuwid, na para bang matatapang sila.
-
Anyayahan ang mga bata na magmartsa sila na para bang sila si David na makikipaglaban kay Goliat habang kumakanta ng isang awitin tungkol sa pagiging matapang, tulad ng “Ako’y Magiging Magiting” (Aklat ng mga Awit Pambata, 85).
Ang mabubuting kaibigan ay maaaring maging pagpapala sa akin.
Ang pagkakaibigan nina Jonathan at David ay isang magandang halimbawa ng mga pagpapalang nagmumula sa mabubuting kaibigan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing ng dalawang hugis ng tao sa pisara, ang isa ay para kay David at ang isa pa ay para kay Jonathan. Basahin sa mga bata ang ilang kataga mula sa 1 Samuel 18:1–4 na nagbiibigay-diin sa pagmamahal ng dalawang magkaibigang ito para sa isa’t isa. Bigyan ng pusong papel ang bawat bata, at tanungin sila kung paano nila maipapakita ang pagmamahal sa isang kaibigan. Pagkatapos ibahagi ng bawat bata ang isang ideya, anyayahan ang bata na ikabit ang pusong papel sa pisara.
-
Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa isang mabuting kaibigan na tumutulong sa iyo na ipamuhay ang ebanghelyo o nagpapalakas ng pananampalataya mo kay Jesucristo, at ipabahagi sa mga bata kung sino ang tumutulong sa kanila. Ipasadula sa mga bata ang paggawa ng mabuti para sa isang kaibigan.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
1 Samuel 8:6; 9:15–17; 10:1–24; 16:1–13
Ang mga naglilingkod sa Simbahan ay tinawag ng Diyos.
Ang mga tala tungkol sa pagpili ng Diyos kina Saul at David na maging hari ay makakatulong sa inyong klase na maunawaan kung paano tinatawag ang mga tao na maglingkod sa Simbahan ngayon. Ang mga kuwentong ito ay makapagpapatatag sa pananampalataya na ang mga tungkulin ay mula sa Diyos na ipinadaraan sa Kanyang mga awtorisadong lingkod.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sa magkakahiwalay na piraso ng papel, isulat ang sumusunod na mga pahayag at mga banal na kasulatan: gusto ng mga tao ng isang hari (1 Samuel 8:6); sinabi ng Panginoon kay Samuel na si Saul ang magiging hari (1 Samuel 9:15–17); pinahiran ng langis ni Samuel si Saul (1 Samuel 10:1); iniharap ni Samuel si Saul sa mga tao (1 Samuel 10:24). Ipabasa sa mga bata ang mga talata sa banal na kasulatan at ipalagay ang mga ito sa tamang pagkakasunod.
-
Sama-samang pag-aralan ang ikalimang saligan ng pananampalataya. Ikuwento nang mabilis sa mga bata kung paano mo natanggap ang iyong tungkulin na magturo sa Primary. Paano mo nalalaman na ikaw ay tinawag ng Diyos? Magpatotoo na binibigyan ng Diyos ng inspirasyon ang mga lider na tawagin ang mga tao na maglingkod.
“Ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”
Likas ang paghatol sa iba batay sa ating nakikita, ngunit bahagi ng pagiging katulad ni Jesus ay ang pagkatutong tumingin sa tao na tulad ng paraan ng Kanyang pagtingin—sa pamamagitan ng pagtingin “sa puso” (1 Samuel 16:7).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magkunwaring hinilingan silang pumili ng isang taong magiging hari. Ano ang mga katangian na hahanapin nila? Sama-samang basahin ang 1 Samuel 16:6–7 para malaman kung ano ang sinabi ng Panginoon kay Samuel habang hinahanap niya ang isang bagong hari para sa Israel. Ano ang matututuhan natin mula sa mga tagubilin ng Panginoon?
-
Magpakita ng isang pakay-aralin para ilarawan sa mga bata na ang mga paghatol na ginagawa natin batay sa “panlabas na anyo” (talata 7) ay maaaring hindi tama. Halimbawa, maaari mong ipakita sa kanila ang ilang pagkain o isang aklat na may balot o pabalat na hindi tugma sa tunay na nilalaman nito. Ano ang iminumungkahi ng 1 Samuel 16:7 at ng pakay-aralin na ito tungkol sa kung paano natin dapat tingnan ang ating sarili at ang ibang tao?
-
Magbahagi ng isang karanasan kung saan nalaman mo kung bakit dapat kang “tumingin sa puso,” at hindi lamang sa “panlabas na anyo” (talata 7). Hikayatin ang mga bata na magbahagi ng anumang mga katulad na karanasan nila. Kumanta ng isang awitin na nagbibigay-diin sa alituntuning ito, tulad ng “Palaging Sasamahan Ka” (Aklat ng mga Awit Pambata, 78).
Matutulungan ako ni Jesucristo na malampasan ang anumang hamon.
Ang mga bata ay maaaring nahaharap sa mga hamong tila mahirap talunin gaya ng higanteng tulad ni Goliat. Ang halimbawa ni David ay makapagbibigay sa kanila ng pag-asa na ang Panginoon ay tutulong sa paglaban sa kanilang mga digmaan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipadrowing sa mga bata ang iba’t ibang bahagi ng kuwento sa 1 Samuel 17:20–54. Idispley ang mga larawan sa tamang pagkakasunod sa pisara, at ipabahagi sa mga bata ang kuwento sa pagbanggit sa bawat larawang idinrowing nila. Ano ang nais ng Panginoon na matutuhan natin mula sa kuwentong ito?
-
Tulungan ang mga bata na gumawa ng listahan sa pisara ng ilang mahihirap na hamon na maaaring maranasan ng isang tao. Hikayatin silang hanapin ang sinabi ni David na makahihikayat sa isang tao na nahaharap sa mga hamong tulad nito (tingnan sa 1 Samuel 17:26, 32, 34–37, 45–47). Sabihin sa mga bata kung paano ka natulungan ni Jesucristo sa mga hamon.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tanungin ang mga bata tungkol sa isang bagay na natutuhan nila ngayon. Isulat ang tanong, at bigyan ng kopya ang bawat bata para iuwi nila at talakayin sa kanyang pamilya.