“Mayo 30–Hunyo 5. Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16: ‘Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Mayo 30–Hunyo 5. Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Mayo 30–Hunyo 5
Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16
“Ang Panginoon ay Nagbangon ng Isang Tagapagligtas”
Maraming nagbibigay-inspirasyong mga kuwento ang matatagpuan sa Mga Hukom 2–4; 6–8; 13–16. Pagnilayan kung paano mo magagamit ang mga kuwentong ito para matulungan ang mga bata na mapalapit sa Tagapagligtas at hangaring sumunod sa Kanya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang bawat bata na magbahagi ng isang kuwento mula sa mga banal na kasulatan na natutuhan nila kamakailan. Pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga kuwentong ito.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.
Nang manalangin ang mga Israelita sa Panginoon, nagbangon Siya ng isang tagaligtas para sa kanila. Tulungan ang mga bata na makita na si Jesucristo ang Tagapagligtas na ibinangon ng Diyos para sa atin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag sa mga bata na nang tumigil ang mga Israelita sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, nawala sa kanila ang Kanyang pangangalaga at nadaig sila ng kanilang mga kaaway. Basahin mula sa Mga Hukom 3:9 ang katagang “ang mga anak ni Israel ay nagsumamo sa Panginoon.” Ano ang ginawa ng mga Israelita nang mangailangan sila ng tulong? Magbahagi ng isang karanasan nang nagdasal ka para humingi ng tulong at sinagot ng Diyos ang iyong panalangin.
-
Basahin mula sa Mga Hukom 3:9 ang katagang “ibinangon ng Panginoon ang isang tagapagligtas,” at ipaulit ito sa mga bata nang ilang beses na kasabay mo. Ipaliwanag na ang isang tagapagligtas ay isang taong nagliligtas sa atin. Magpakita sa mga bata ng ilang larawan ng mga tao, kabilang na ang larawan ni Jesucristo, at pataob na ilagay ang larawan sa sahig. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagtitihaya ng mga larawan, paghahanap sa larawan ni Jesus, at pagtataas nito. Magpatotoo na si Jesucristo ang Tagapagligtas na ibinangon ng Diyos para iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan.
Maaaring gumamit ang Panginoon ng maliliit na bagay para makagawa ng dakilang gawain.
Itinuring ni Gideon ang kanyang sarili na mahirap at walang halaga, subalit nakita siya ng Diyos bilang isang “magiting na mandirigma” (Mga Hukom 6:12). Tulungan ang mga bata na makita na kahit pakiramdam nila ay maliit lang sila, makagagawa ang Diyos ng mahahalagang bagay sa pamamagitan nila (tingnan sa Alma 37:6–7).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na kailangan noon ng Panginoon ng isang tao na tutulong sa Kanya para iligtas ang Israel mula sa kanilang mga kaaway, ang mga Midianita, at pinili Niya si Gideon. Basahin ang Mga Hukom 6:15 sa mga bata, at itanong kung bakit hindi nadama ni Gideon na magagawa niya ang gusto ng Panginoon. Basahin ang talata 16, at itanong sa kanila kung sino ang sinabi ng Panginoon na tutulong kay Gideon. Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon na sinabihan ka ng Panginoon na gawin ang isang bagay na mahirap para paglingkuran Siya at nadama mong kasama mo Siya.
-
Magdispley ng mga larawan ng mga bata o kabataan na gumagawa ng mga dakilang bagay sa paglilingkod sa Diyos (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 19, 23, 90, 102), o ikuwento ang mga halimbawang nakita mo. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na makababahagi sila sa gawain ng Diyos, at ipadrowing sa kanila ang kanilang sarili na ginagawa ang mga bagay na ito.
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito para ituro sa mga bata kung paano ginawa ng Panginoon na mas kaunti ang hukbo ng Israel para malaman ng mga Israelita na iniligtas sila ng Kanyang kapangyarihan mula sa kanilang mga kaaway. Magbahagi ng mga halimbawa ng maliliit na bagay na gumagawa ng dakilang gawain, tulad ng mga bubuyog na nagtitipon ng nektar para gumawa ng honey o pulut-pukyutan. Magpatotoo na matutulungan tayo ng Diyos na gawin ang isang dakilang gawain, kahit pakiramdam natin ay maliit tayo.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.
Inilalarawan sa Mga Hukom 3 ang paulit-ulit na pangyayari na magagamit mo sa pagtuturo sa mga bata na inililigtas tayo ng Diyos mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang sumusunod: “gumawa nang masama,” “nagsumamo sa Panginoon,” at “nagbangon ng isang tagapagligtas.” Anyayahan ang ilan sa mga bata na hanapin ang mga katagang ito sa Mga Hukom 3:7–9, at anyayahan ang iba na hanapin ang mga ito sa Mga Hukom 3:12–15. Ipaliwanag sa mga bata na paulit-ulit sa aklat ng Mga Hukom, ang mga Israelita ay “gumawa nang masama.” Pagkatapos, nang sumalakay ang kanilang mga kaaway, sila ay “nagsumamo sa Panginoon,” at ang Panginoon ay “nagbangon ng isang tagapagligtas” para tulungan sila. Ano ang natutuhan natin tungkol sa Panginoon sa paulit-ulit na pangyayaring ito?
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin na tumutulong sa mga bata na maunawaan na si Jesucristo ang kanilang Manunubos at Tagapagligtas, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20). Ipabahagi sa mga bata ang kanilang damdamin tungkol sa ginawa ng Tagapagligtas para iligtas tayo mula sa kasalanan, mga pagsubok, kalungkutan, at kamatayan.
Maaari akong maging tapat sa Panginoon kahit hindi tapat ang ibang tao.
Bagaman marami sa mga Israelita ang tumalikod sa Panginoon, nanatiling tapat ang ilan sa Kanya at natulungan ang marami pang iba na bumalik sa kabutihan. Paano mo mahihikayat ang mga bata na manatiling tapat sa Panginoon anuman ang ginagawa ng iba?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na sa panahon na naging masama ang mga Israelita, isang mabuting babaeng nagngangalang Debora at ang pinuno ng hukbo ng mga Israelita na si Barak, ay iniligtas ang Israel mula sa kanilang mga kaaway (tingnan sa Mga Hukom 4:1–15). Basahin nang sabay-sabay ang Mga Hukom 4:14, at ipahanap sa mga bata ang isang bagay na sinabi ni Debora na nagpapakita na malakas ang pananampalataya niya sa Panginoon. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 84:88 para mahanap ang isang alituntunin na makikita rin sa Mga Hukom 4:14. Hikayatin silang ibahagi kung ano ang ibig sabihin sa kanila ng pangako ng Panginoon na “Ako ay magpapauna sa inyong harapan.”
-
Kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod sa mga kautusan, tulad ng “Piliin ang Tama” (Mga Himno, blg. 145) o “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82). Paano tayo makatatayo para sa kabutihan at masusunod ang mga kautusan kahit hindi ito ginagawa ng mga nakapaligid sa atin?
Ang mga paraan ng Diyos ay iba sa mga paraan ng mundo.
Hiniling ng Panginoon kay Gideon na gawin ang mga bagay na marahil ay hindi niya naunawaan noon. Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa kuwentong ito? Sa palagay mo, paano nito mapagpapala ang mga batang tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na kunwari ay kailangan nilang sama-samang magtipon ng hukbo para makidigma. Ilang tao kaya ang gugustuhin nila sa kanilang hukbo? Gamit ang Mga Hukom 7:4–7, anyayahan ang mga bata na kumilos kung paano tinulungan ng Panginoon si Gideon na piliin ang hukbong magliligtas sa Israel mula sa mga Midianita. Bakit nais ng Panginoon na maging napaka-kaunti ng hukbo ni Gideon? (tingnan sa Mga Hukom 7:2). Bakit kaya naging mahirap para kay Gideon at sa kanyang hukbo na sundin ang utos ng Panginoon? Anyayahan ang mga bata ng magbahagi ng mga karanasan nang matuto silang magtiwala sa Panginoon kahit mahirap itong gawin.
-
Magpadrowing sa mga bata ng mga larawan ng tabak, kalasag, trumpeta, lampara, at banga. Itanong sa mga bata kung alin sa mga bagay na ito ang dadalhin nila sa isang digmaan. Ipabasa sa kanila ang Mga Hukom 7:16 para malaman kung ano ang dinala ng hukbo ni Gideon. Bakit kaya kinailangan ang lakas-ng-loob para gawin ito? Basahin nang sabay-sabay ang Mga Hukom 7:19–21 para malaman kung paano ginamit ng hukbo ang mga trumpeta at banga para talunin ang mga Midianita. Ano ang natutuhan natin tungkol sa Panginoon sa kuwentong ito?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magbahagi sa kanilang pamilya ng isang bagay na natutuhan nila ngayon na dahilan kaya nais nilang sundin ang mga kautusan.