“Hunyo 20–26. 2 Samuel 5–7; 11–12; I Mga Hari 3; 8; 11: ‘Ang Iyong Kaharian ay Matatatag Magpakailanman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Hunyo 20–26. 2 Samuel 5–7; 11–12; I Mga Hari 3; 8; 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Hunyo 20–26
2 Samuel 5–7; 11–12; I Mga Hari 3; 8; 11
“Ang Iyong Kaharian ay Matatatag Magpakailanman”
“Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Dios at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran” (2 Timoteo 3:16).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang pamumuno ni Haring David ay nagsimula sa maraming pangako. Ang walang takot niyang pananampalataya na matatalo si Goliat ay tulad ng isang alamat. Bilang hari, sininop niya ang Jerusalem bilang kanyang kabisera at pinagkaisa ang Israel (tingnan sa 2 Samuel 5). Naging napakalakas noon ng kaharian. Subalit si David ay nagpatangay sa tukso at nawala ang kanyang espirituwal na kapangyarihan.
Ang pamumuno ng anak ni David na si Solomon ay nagsimula rin sa maraming pangako. Ang natanggap niyang karunungan at pang-unawa mula sa Diyos ay tulad ng isang alamat. Bilang hari, pinalawak niya ang mga hangganan ng Israel at nagtayo ng isang maringal na templo sa Panginoon. Naging napakalakas noon ng kaharian. Gayunman tinulutan ni Solomon nang buong kahangalan na mabaling ang kanyang puso sa ibang mga diyus-diyusan.
Ano ang maaari nating matutuhan mula sa mga kuwentong ito na may malungkot na katapusan? Marahil ang isang aral ay na anuman ang ating nakaraang mga karanasan, ang ating espirituwal na lakas ay nakasalalay sa mga pagpiling ginagawa natin ngayon. Nakikita rin natin sa mga talang ito na hindi ang sarili nating lakas o tapang o karunungan ang magliligtas sa atin—ito ay ang Panginoon. Ipinapakita sa atin ng mga kuwentong ito na ang tunay na pag-asa ng Israel—at pag-asa natin—ay wala kay David, Solomon, o sa iba pang mortal na hari, kundi sa isa pang “anak ni David”: si Jesucristo (Mateo 1:1), ang Walang-hanggang Hari na “patatawarin ang kasalanan ng [kanyang] bayan” kung tayo ay “muling nanumbalik sa [Kanya]” (I Mga Hari 8:33–34.
Para sa buod ng mga aklat ng II Samuel at I Mga Hari, tingnan sa “Samuel, mga aklat ng” at “Mga Hari, mga aklat ng” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Mabibigyan ako ng Panginoon ng patnubay.
Nang mapagkaisa ni David ang Israel (tingnan sa 2 Samuel 5:1–5), kinailangan niyang ipagtanggol ang kanyang mga tao laban sa mga Filisteo. Habang binabasa mo ang 2 Samuel 5:17–25, isipin kung paano makakatulong sa iyo ang halimbawa ni David sa mga hamong kinakaharap mo (tingnan din sa I Samuel 23:2, 10–11; 30:8; 2 Samuel 2:1). Paano mo hinahanap ang patnubay ng Panginoon sa iyong buhay? Paano ka pinagpapala sa pagkilos ayon sa paghahayag na natatanggap mo?
Tingnan din sa I Cronica 12; Richard G. Scott, “Paano Makatatanggap ng Paghahayag at Inspirasyon sa Iyong Personal na Buhay,” Liahona, Mayo 2012, 45–47.
Ano ang “bahay” na ipinangako ng Panginoon kay David?
Nang mag-alok si David na magtayo ng isang bahay, ibig sabihin ay isang templo, para sa Panginoon (tingnan sa 2 Samuel 7:1–3), sumagot ang Panginoon na sa katunayan ay itatayo ito ng anak ni David (tingnan din sa mga talata 12–15; tingnan din sa 2 Cronica 17:1–15). Sinabi rin ng Panginoon na magtatayo Siya ng isang “bahay” kay David, ibig sabihin ay inapo, at ang kanyang trono ay magtatagal (tingnan sa 2 Samuel 7:11, 16, 25–29; Awit 89:3–4, 35–37). Ang pangakong ito ay natupad kay Jesucristo, ang ating Haring Walang-hanggan, na inapo ni David (tingnan sa Mateo 1:1; Lucas 1:32–33; Juan 18:33–37).
Dapat ay lagi akong mag-ingat laban sa kasalanan.
Ang katapatan ni David sa Panginoon noong araw ay hindi naging daan para hindi siya tablan ng tukso nang siya ay “naglalakad sa bubungan ng bahay ng hari,” at “nakakita siya mula sa bubungan ng isang babaing naliligo” (2 Samuel 11:2). Isipin ang mga aral na matututuhan mo sa kanyang mga karanasan. Maaaring makatulong ang ganitong mga tanong sa iyong pag-aaral ng salaysay na ito:
-
Anong mga pasiya ang ginawa ni David na umakay sa kanya para lalong tahakin ang landas ng pagkakasala? Anong mga tamang pasiya ang dapat sana ay ginawa niya?
-
Paano ka maaaring hinahatak ng kaaway tungo sa mga makasalanang landas sa sarili mong buhay? Anong mga pasiya ang magagawa mo ngayon para makabalik sa ligtas na kalagayan?
Tingnan din sa 2 Nephi 28:20–24; “To Look Upon” (video), ChurchofJesusChrist.org.
Ang kaloob na makahiwatig ay tumutulong sa akin na malaman ang pagkakaiba ng tama at mali.
Kung sinabi sa iyo ng Panginoon, “Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo” (I Mga Hari 3:5), ano ang hihilingin mo? Ano ang natanim sa isipan mo tungkol sa kahilingan ni Solomon? Pagnilayan kung bakit ang “mapag-unawang isipan” upang “makilala ang mabuti at ang masama” (talata 9) ay isang mahalagang kaloob. Ano ang magagawa mo para hangarin ang kaloob na ito?
Tingnan din sa 2 Cronica 1; Moroni 7:12–19; David A. Bednar, “Quick to Observe,” Ensign, Dis. 2006, 30–36.
Ang templo ay ang bahay ng Panginoon.
Sa loob ng daan-daang taon, ang presensya ng Diyos ay kinakatawan ng naililipat na tabernakulo na itinayo ni Moises. Kahit nais ni David na magtayo sa Diyos ng mas permanenteng tirahan, sa halip ay pinili ng Diyos ang anak ni David na si Solomon upang itayo ang templo ng Panginoon. Habang binabasa mo ang panalangin ni Solomon at ang mga salitang sinabi niya sa kanyang mga tao sa pagkumpleto sa templo, pansinin kung ano ang nadama niya tungkol sa Panginoon at sa Kanyang sambahayan. Maaari ka ring gumawa ng listahan ng mga pagpapalang hiniling ni Solomon sa kanyang panalangin. Ano ang napapansin mo sa mga pagpapalang ito? Paano ka pinagpapala ng bahay ng Panginoon sa ating panahon?
Tingnan din sa 2 Cronica 6.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
2 Samuel 5:19, 23.Kailan tayo “nagtanong sa Panginoon” para sa patnubay at direksyon? Paano Siya sumagot sa atin?
-
2 Samuel 7:16.Nang sabihin ng Panginoon kay David, “ang iyong trono ay matatatag magpakailanman,” ang tinutukoy Niya ay ang isang magiging hari sa angkan ni David na mamumuno magpakailanman: si Jesucristo. Siguro masisiyahan ang inyong pamilya sa paglikha ng mga korona habang tinatalakay ninyo kung bakit kayo nagpapasalamat na si Jesucristo ang inyong Haring Walang-hanggan.
-
2 Samuel 11.Ang pagbabasa tungkol sa nakalulungkot na mga kasalanan ni David ay maaaring isang magandang pagkakataon para matalakay ang mga panganib ng pornograpiya, maruming kaisipan, at imoralidad. Ang sumusunod na resources ay maaaring makatulong sa inyong talakayan: ang Oktubre 2019 na isyu ng Liahona, ang resources ng Simbahan ukol sa Pornograpiya (ChurchofJesusChrist.org/addressing-pornography), at ang mga video na “What Should I Do When I See Pornography?” at “Watch Your Step” (ChurchofJesusChrist.org). Maaaring magplano ang mga miyembro ng pamilya ng gagawin nila kapag naharap sila sa pornograpiya.
-
I Mga Hari 11:9–11.Ano ang ilang “ibang mga diyos” (talata 10) na maaaring maglayo sa ating puso sa Panginoon? Paano natin mapananatili ang ating puso na nakasentro sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan,” Mga Himno, blg. 80.