“Mayo 2–8. Exodo 35–40; Levitico 1; 16; 19: ‘Kabanalan sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Mayo 2–8. Genesis 35–40; Levitico 1; 16; 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Mayo 2–8
Exodo 35–40; Levitico 1; 16; 19
“Kabanalan sa Panginoon”
Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan sa linggong ito, isipin ang mga batang tinuturuan mo. Matutulungan ka ng Espiritu Santo na malaman ang mga katotohanang kailangan nilang matutuhan at paano mo maituturo ang mga katotohanang iyon sa kanila.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ilagay ang pangalan ng bawat bata sa isang sisidlan. Papiliin ang isang bata ng isa sa mga pangalan, at anyayahan ang bata na nabunot na magbahagi ng isang bagay na natutuhan niya kamakailan lang mula sa Lumang Tipan. Kausapin ang mga bata kung paano nakakatulong sa kanila ang mga bagay na natututuhan nila na mas mapalapit kay Jesucristo. Magpatuloy hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang lahat na magbahagi.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari akong makatulong sa gawain ng Panginoon.
Ang maliliit na bata ay may mga kaloob na magagamit nila upang makapag-ambag sa gawain ng Panginoon sa lupa. Paano mo matutulungan ang mga bata na magkaroon ng hangaring ibahagi ang ibinigay sa kanila ng Panginoon?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Exodo 36:1 sa mga bata, at sabihin sa kanila na pakinggan kung ano ang ibinigay ng Panginoon kina Bezaleel at Aholiab para tulungan silang maitayo ang “santuwaryo” (tabernakulo). Sabihin sa bawat bata ang tungkol sa isang kaloob na mayroon siya (makakatulong ang magtanong sa kanilang mga magulang). Magpatotoo na “naglagay” ang Diyos ng mga kaloob sa bawat isa sa Kanyang mga anak.
-
Sabihin sa mga bata kung bakit gusto mong tumulong sa gawain ng Panginoon. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na maaari din silang makilahok (tulad ng pag-alam tungkol sa isang ninuno, pagkukuwento sa isang tao tungkol kay Jesus, o paglilingkod sa isang kapamilya). Isulat ang kanilang mga ideya sa mga piraso ng papel, ilagay ang mga ito sa isang sisidlan, at papiliin ang bawat bata ng isa at imuestra ang aksyon na nakalagay sa papel.
Nadarama ko ang presensya ng Diyos sa mga banal na lugar.
Inutusan ng Panginoon ang mga anak ni Israel na itayo ang tabernakulo upang Siya ay “manahanang kasama nila” (Exodo 25:8). Matutulungan mo ang mga bata na malaman ang tungkol sa mga banal na lugar na ibinigay sa atin ng Diyos ngayon upang tulungan tayong madama ang Kanyang presensya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng isang larawan ng sinaunang tabernakulo (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ipahanap sa mga bata ang iba’t ibang bahagi ng tabernakulo sa larawan, tulad ng kandelero o mga altar, at ipaliwanag na ang mga bagay na ito ay nilayong tulungan ang mga Israelita na isipin ang Panginoon (para sa karagdagang impormasyon tungkol sa tabernakulo, tingnan sa Exodo 40:17–34). Anong mga banal na lugar ang mayroon tayo ngayon na tumutulong sa atin na isipin ang tungkol sa Panginoon?
-
Magpakita ng larawan ng isang templo, at basahin ang Exodo 25:8 sa mga bata. Ipaliwanag na sa ating panahon, binigyan tayo ng Diyos ng mga banal na lugar kung saan maaari tayong mapalapit sa Kanya. Tulungan ang mga bata na ilista ang ilan sa mga lugar na ito. Itanong sa mga bata kung ano ang nadarama nila kapag iniisip nila ang mga banal na lugar na ito. Ibahagi sa kanila na maaari din tayong mapalapit sa Diyos kapag nagdarasal tayo, saanman tayo naroon.
-
Kumpletuhin ang pahina ng aktibidad kasama ng mga bata. Habang ginagawa ninyo ito, kantahing kasama nila ang isang awitin tungkol sa templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Binigyan ako ng Diyos ng mga kaloob para tumulong sa Kanyang gawain.
Bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit ay may maiaambag sa Kanyang gawain. Ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring kailanganin ang tulong mo para malaman kung paano nila magagamit ang kanilang mga kaloob para makatulong sa gawain ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng isang larawan ng tabernakulo (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Itanong sa mga bata kung anong mga materyal ang maaaring kinailangan upang maitayo ang tabernakulo. Basahin kasama ng mga bata ang Exodo 35:20–29, at ipahanap sa kanila kung paano inilaan ang mga materyal na kinailangan. Magpatotoo na bawat isa sa mga bata ay may maiaambag sa gawain ng Panginoon.
-
Ipabasa sa mga bata ang Exodo 36:1 upang malaman ang ibinigay ng Panginoon sa mga tinawag upang tumulong sa pagtatayo ng tabernakulo. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano sa pakiramdam nila ang ibinigay sa kanila ng Panginoon upang tumulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian (magbigay ng mga mungkahi kung kailangan). Paano natin magagamit ang mga kasanayan sa musika para maglingkod sa iba?
Maaari akong maging higit na katulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.
Hindi lamang naging daan ang tabernakulo para mapasa mga anak ni Israel ang presensya ng Diyos, kundi itinuro din nito sa kanila ang mga bagay na magagawa nila upang maging higit na katulad ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na gamitin ang Exodo 40:17–33 upang matukoy ang mga bagay na bahagi noon ng tabernakulo at hanapin ang ilan sa mga ito sa isang larawan ng sinaunang tabernakulo (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng sarili nilang paglalarawan ng tabernakulo. Pag-usapan kung paano maituturo ng bawat bahagi ng tabernakulo ang tungkol sa Tagapagligtas o sa Ama sa Langit. Halimbawa, ang arko ng patotoo ay makapagpapaalala sa atin ng mga utos ng Diyos, maipapaalala sa atin ng altar ang sakripisyo ni Jesucristo, maipapaalala sa atin ng kandelero na ang Tagapagligtas ang Ilaw ng Sanlibutan, at iba pa.
-
Ipabasa sa mga bata ang Exodo 25:8 upang malaman kung bakit gusto ng Panginoon na magtayo ng “santuwaryo” (o tabernakulo) ang mga anak ni Israel. Tulungan ang mga bata na ilista ang mga lugar at sitwasyon kung saan madarama natin ang presensya ng Panginoon. Paano tumutulong sa atin ang mga lugar na ito na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari akong mapatawad.
Ang mga pag-aalay ng hayop na isinagawa sa Lumang Tipan ay nilayong ituro sa mga anak ni Israel na ang pagpapatawad ay ginawang posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang mga larawan ni Jesucristo sa Getsemani at sa krus (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56, 57). Ipaliwanag na inutusan ng Panginoon ang mga anak ni Israel na mag-alay upang ituro sa kanila na maaaring mapatawad ang kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Basahing kasama ng mga bata ang Levitico 1:1–4, at sabihing hanapin nila ang mga salita o pariralang nagpapaalala sa kanila tungkol sa sakripisyo ni Jesucristo.
-
Ipakita ang larawan ni Jesucristo na bumibisita sa mga tao sa lupain ng Amerika (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 82). Ipaliwanag na pagkatapos ipako sa krus at mabuhay na mag-uli si Jesucristo, itinuro Niya sa mga tao sa Amerika kung bakit hindi na nila kailangan pang mag-alay ng mga hayop. Sama-samang basahin ang 3 Nephi 9:19–20, at itanong sa mga bata kung ano ang iniuutos sa atin na isakripisyo sa halip na mag-alay ng hayop. Ano ang ibig sabihin ng mag-alay ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu? Imungkahi na hanapin nila ang “Bagbag na Puso” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) para makatulong sa pagsagot sa tanong na ito. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano sila makapag-aalay ng bagbag na puso at nagsisising espiritu sa Panginoon.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na itanong sa Ama sa Langit sa linggong ito kung paano Niya nais na makapag-ambag sila sa Kanyang gawain sa kanilang pamilya.