Lumang Tipan 2022
Marso 21–27. Exodo 1–6: “Aking Naalaala ang Aking Tipan”


“Marso 21–27. Exodo 1–6: ‘Aking Naalaala ang Aking Tipan,’” Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Marso 21–27. Exodo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

si Moises at ang nagliliyab na palumpong

Moses and the Burning Bush [Si Moises at ang Nagliliyab na Palumpong], ni Harry Anderson

Marso 21–27

Exodo 1–6

“Aking Naalaala ang Aking Tipan”

Simulan sa panalangin ang iyong pag-aaral, at humingi ng tulong sa paghahanap ng mga mensahe sa Exodo 1–6 na may kaugnayan sa buhay mo at sa iyong paglilingkod sa kaharian ng Diyos.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang paanyayang manirahan sa Egipto ang literal na nagligtas sa pamilya ni Jacob. Ngunit makalipas ang daan-daang taon, ang kanilang mga inapo ay inalipin at tinakot ng isang bagong faraon “na hindi kilala si Jose” (Exodo 1:8). Natural lamang na magtaka ang mga Israelita kung bakit tinulutan ng Diyos na mangyari ito sa kanila, na Kanyang mga pinagtipanang tao. Naalaala ba Niya ang tipang ginawa Niya sa kanila? Mga tao pa rin ba Niya sila? Nakikita ba Niya kung gaano sila naghihirap?

Maaaring may mga pagkakataon na nadama mong itanong ang mga bagay na katulad nito. Maaaring iniisip mo, Alam ba ng Diyos ang pinagdaraanan ko? Naririnig ba Niya ang mga paghiling ko ng tulong? Ang kuwento sa Exodo tungkol sa paglaya ng Israel mula sa Egipto ay sinasagot nang malinaw ang gayong mga tanong: Hindi kinalilimutan ng Diyos ang Kanyang mga tao. Naaalaala Niya ang Kanyang mga tipan sa atin at tutuparin Niya ang mga ito sa Kanyang sariling panahon at paraan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:68). “Aking tutubusin kayo na may unat na kamay,” pahayag Niya. “Ako’y [inyong] Dios, na naglalabas sa inyo sa ilalim ng [inyong] mga atang” (Exodo 6:6–7).

Para sa buod ng aklat ng Exodo, tingnan sa “Exodo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Exodo 1–2

Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.

Ang isa sa pinakamahahalagang tema sa aklat ng Exodo ay na ang Diyos ay may kapangyarihang palayain ang Kanyang mga tao mula sa pang-aapi. Ang pagkaalipin ng mga Israelita ayon sa inilarawan sa Exodo 1 ay maaaring ituring na isang simbolo ng pagkabihag na kinakaharap nating lahat dahil sa kasalanan at kamatayan (tingnan sa 2 Nephi 2:26–27; 9:10; Alma 36:28). At si Moises, ang Tagapagligtas ng mga Israelita, ay maituturing na isang uri, o representasyon, ni Jesucristo (tingnan sa Deuteronomio 18:18–19; 1 Nephi 22:20–21). Basahin ang Exodo 1–2 habang nasasaisip ang mga pagkukumparang ito. Maaaring mapansin mo, halimbawa, na sina Moises at Jesus ay parehong nakaligtas mula sa kamatayan noong mga bata pa sila (tingnan sa Exodo 1:222:10; Mateo 2:13–16.) at na kapwa sila gumugol ng oras sa ilang bago nila sinimulan ang kanilang ministeryo (tingnan sa Exodo 2:15–22; Mateo 4:1–2). Anong iba pang mga kabatiran ang natututuhan mo mula sa Exodo tungkol sa espirituwal na pagkabihag? tungkol sa pagpapalaya ng Tagapagligtas?

Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Pagtubos,” Liahona, Mayo 2013, 109–12.

ang sanggol na si Moises na nasa takbang yantok

Moses in the Bulrushes [Si Moises na nasa Takbang Yantok), © Providence Collection/lisensyado ng goodsalt.com

Exodo 3–4

Binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan yaong mga tinatawag Niyang gawin ang Kanyang gawain.

Ngayon ay kilala natin si Moises bilang isang dakilang propeta at pinuno. Ngunit hindi ganoon ang tingin ni Moises sa sarili niya noong una siyang tinawag ng Panginoon. “Sino ako,” tanong ni Moises sa sarili niya, “upang pumaroon kay Faraon?” (Exodo 3:11). Gayunman, alam ng Panginoon kung sino talaga si Moises—at ang maaari niyang marating. Habang binabasa mo ang Exodo 3–4, pansinin kung paano binigyan ng katiyakan ng Panginoon si Moises at tumugon sa kanyang mga alalahanin. Ano ang nakikita mo sa mga kabanatang ito na maaaring magbigay-inspirasyon sa iyo kapag nakadarama ka ng kakulangan? Paano pinagpapala ng Panginoon ng dagdag na kapangyarihan ang Kanyang mga lingkod na gawin ang Kanyang kalooban? (tingnan sa Moises 1:1–10, 24–39; 6:31–39, 47). Kailan mo nakitang ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan mo o ng iba?

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa buhay at ministeryo ni Moises, tingnan sa “Moises” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Exodo 5–6

Ang mga layunin ng Panginoon ay matutupad sa Kanyang sariling panahon.

Bagama’t buong tapang na humarap si Moises kay Faraon, tulad ng iniutos ng Diyos, at sinabi rito na palayain ang mga Israelita, tumanggi si Faraon. Sa katunayan, mas pinahirap pa niya ang buhay ng mga Israelita. Maaaring nagtaka si Moises at ang mga Israelita kung bakit hindi umubra ang mga bagay-bagay kahit noong gawin ni Moises ang ipinagawa sa kanya ng Diyos (tingnan sa Exodo 5:22–23).

Nadama mo na ba na ginawa mo ang kalooban ng Diyos ngunit hindi mo nakita ang tagumpay na inaasahan mo? Rebyuhin ang Exodo 6:1–8, na hinahanap ang sinabi ng Panginoon para tulungan si Moises na magtiyaga. Paano ka natulungan ng Panginoon na magpumilit sa pagsunod sa Kanyang kalooban?

Exodo 6:3

Sino si Jehova?

Ang Jehova ay isa sa mga pangalan ni Jesucristo at tumutukoy sa Tagapagligtas bago Siya isinilang. Nililinaw ng Joseph Smith Translation ng Exodo 6:3 na kilala ng mga propeta na sina Abraham, Isaac, at Jacob ang Panginoon sa pangalang ito. Karaniwan, kapag lumilitaw ang pariralang “ang Panginoon” sa Lumang Tipan, ito ay tumutukoy kay Jehova. Sa Exodo 3:13–15, ang titulong “AKO NGA” ay isa ring pagtukoy kay Jehova (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 38:1; 39:1).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Exodo 1–2.Gumanap ang ilang kababaihan ng mahahalagang papel sa plano ng Diyos na magbangon ng isang tagapagligtas para sa mga Israelita. Bilang pamilya, maaari ninyong basahin ang tungkol sa mga komadronang sina Sifra at Pua (Exodo 1:15–20); sa ina ni Moises, na si Jochebed, at sa kanyang kapatid na si Miriam (Exodo 2:2–9; Mga Bilang 26:59); sa anak ni Faraon (Exodo 2:5–6, 10); at sa asawa ni Moises na si Zephora (Exodo 2:16–21). Paano pinasulong ng mga babaeng ito ang plano ng Diyos? Paano ipinapaalala sa atin ng kanilang mga karanasan ang misyon ni Jesucristo? Maaari ka ring magtipon ng mga larawan ng mga kamag-anak at ninuno mong babae at magkuwento tungkol sa kanila. Paano tayo napagpala ng matwid na kababaihan? Maaaring makaragdag ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae” (Liahona, Nob. 2015, 95–98) sa inyong talakayan.

Exodo 3:1–6.Nang palapit na si Moises sa nagliliyab na palumpong, sinabihan siya ng Panginoon na hubarin ang kanyang sapatos bilang tanda ng pagpipitagan. Paano tayo makapagpapakita ng pagpipitagan sa mga sagradong lugar? Halimbawa, ano ang magagawa natin upang magawang sagradong lugar ang ating tahanan kung saan maaaring tumahan ang Espiritu ng Panginoon? Paano tayo maaaring magpakita ng higit na pagpipitagan sa iba pang mga sagradong lugar?

Exodo 4:1–9.Binigyan ng Panginoon ng kapangyarihan si Moises na magsagawa ng tatlong himala bilang mga tanda upang ipakita sa mga anak ni Israel na isinugo Niya si Moises. Ano ang itinuturo sa atin ng mga tandang ito tungkol kay Jesucristo?

Exodo 5:2.Ano kaya ang kabuluhan para sa atin ng “makilala” ang Panginoon? Paano natin Siya makikilala? (halimbawa, tingnan sa Alma 22:15–18). Paano naaapektuhan ng ating kaugnayan sa Kanya ang ating hangaring sundin Siya? (tingnan din sa Juan 17:3; Mosias 5:13).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Paggalang ay Pagmamahal,” Aklat ng mga Awit Pambata, 12.

Pagpapabuti ng Ating Pag-aaral

Magsulat sa study journal. Maaaring makatulong ang paggamit ng journal o notebook na masusulatan ng mga kaisipan, ideya, tanong, o impresyong dumarating sa iyo habang ikaw ay nag-aaral.

ang anak ni Faraon nang matagpuan ang sanggol na si Moises

Moses Found in the Bulrushes by Pharaoh’s Daughter [Natagpuan ng Anak ni Faraon si Moises sa Takbang Yantok], ni George Soper