Lumang Tipan 2022
Marso 28–Abril 3. Exodo 7–13: “Alalahanin Ninyo ang Araw na Ito na Lumabas Kayo sa Egipto”


“Marso 28–Abril 3. Exodo 7–13: ‘Alalahanin Ninyo ang Araw na Ito na Lumabas Kayo sa Egipto,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Marso 28–Abril 3. Exodo 7–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
Moises, Aaron, at Faraon

Paglalarawan kina Moises at Aaron sa hukuman ni Faraon, ni Robert T. Barrett

Marso 28–Abril 3

Exodo 7–13

“Alalahanin Ninyo ang Araw na Ito na Lumabas Kayo sa Egipto”

Habang binabasa at pinagninilayan mo ang Exodo 7–13, itala ang mga impresyong dumarating sa iyo. Kapag ginawa mo ito nang regular, lalakas ang kakayahan mong makilala ang mga bulong ng Espiritu Santo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sunud-sunod na mga salot ang nagpahirap sa Egipto, ngunit ayaw pa ring palayain ni Faraon ang mga Israelita. Subalit patuloy na ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan at binigyan ng mga pagkakataon si Faraon na tanggapin “na ako ang Panginoon” at “walang gaya ko sa buong [mundo]” (Exodo 7:5; 9:14). Samantala, malamang na namalas ni Moises at ng mga Israelita nang may pagkamangha ang mga pagpapamalas na ito ng kapangyarihan ng Diyos para sa kanila. Tiyak na pinagtibay ng patuloy na mga palatandaang ito ang kanilang pananampalataya sa Diyos at pinatatag ang kahandaan nilang sundin ang propeta ng Diyos. Sa gayon, pagkaraang mabigo ang siyam na kakila-kilabot na mga salot na mapalaya ang mga Israelita, ang ikasampung salot—ang kamatayan ng mga panganay, kabilang na ang panganay ni Faraon—ang tumapos sa pagkabihag. Tila angkop ito dahil sa lahat ng kaso ng espirituwal na pagkabihag, talagang isa lamang ang paraan upang makatakas. Anupaman ang nagawa natin sa nakaraan, wala tayong pagkakaiba sa mga anak ni Israel. Ang sakripisyo lamang ni Jesucristo, ang Panganay—ang dugo ng Korderong walang kapintasan—ang magliligtas sa atin.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Exodo 7–11

Maaari kong piliing palambutin ang puso ko.

Sana’y hindi lubusang salungat ang iyong kalooban sa kalooban ng Diyos na tulad ni Faraon. Gayunman, may mga panahon na ang ating puso ay hindi kasinglambot na dapat ito maging, kaya may matututuhan mula sa mga kilos ni Faraon na nakatala sa Exodo 7–10. Habang nagbabasa ka tungkol sa mga salot sa mga kabanatang ito, ano ang pinaka-napansin mo tungkol sa mga tugon ni Faraon? May napapansin ka bang anumang katulad na mga pagkakataon na maaaring maging matigas ang puso mo? Pagnilayan kung ano ang natututuhan mo mula sa mga kabanatang ito tungkol sa kahulugan ng magkaroon ng malambot na puso.

Pansinin na nililinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Exodo 7:3, 13; 9:12; 10:1, 20, 27; 11:10 na hindi pinatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon—pinatigas ni Faraon ang kanyang sariling puso.

Ano ang natututuhan mo mula sa sumusunod na mga talata tungkol sa pagkakaroon ng malambot na puso? 1 Nephi 2:16; Mosias 3:19; Alma 24:7–8; 62:41; Eter 12:27.

Tingnan din sa Michael T. Ringwood, “Kakayahan at Pagnanais na Maniwala,” Liahona, Nob. 2009, 100–102.

Exodo 12:1–42

Isinisimbolo ng Paskua ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang tanging paraan para maligtas ang mga Israelita sa ikasampung salot, na inilarawan sa Exodo 11:4–5, ay lubusang sundin ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon kay Moises sa Exodo 12, isang ritwal na kilala bilang ang Paskua. Itinuturo sa atin ng Paskua sa pamamagitan ng mga simbolo na tulad noong iligtas ng Panginoon ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto, maaari din Niya tayong iligtas mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Ano ang nakikita mo sa mga tagubilin at simbolo ng Paskua na nagpapaalala sa iyo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala? Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng mga simbolo at tagubiling ito kung paano matatanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala? Halimbawa, ano ang maaaring kinakatawan ng paglalagay ng dugo ng kordero sa mga haligi ng pintuan? (talata 7). Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “ang inyong mga pangyapak ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay tangnan ninyo sa inyong kamay”? (talata 11).

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:21.

Larawan
mga taong tumatanggap ng sakramento

Ang sakramento ay ipinapaalala sa atin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Exodo 12:14–17, 24–27; 13:1–16

Ang sakramento ay ipinapaalala sa akin ang pagkaligtas ko sa pamamagitan ni Jesucristo.

Gusto ng Tagapagligtas na palaging maalala ng mga Israelita na iniligtas Niya sila, kahit matapos na maging alaala na lamang ang kanilang pagkabihag. Ito ang dahilan kaya Niya sila inutusang ipagdiwang ang pista ng Paskua bawat taon. Habang binabasa mo ang Kanyang mga tagubilin sa Exodo 12:14–17, 24–27; 13:1–16, pag-isipan kung ano ang ginagawa mo para maalala ang mga pagpapala ng Diyos sa iyo. Paano mo maiingatan ang alaalang iyon “sa buong panahon ng inyong lahi”? (tingnan sa Exodo 12:14, 26–27).

Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa pagitan ng mga layunin ng pista ng Paskua at ng sakramento? Paano ipinapaalala sa iyo ng pagbabasa tungkol sa Paskua ang sakramento at paano ito naghahatid sa iyo ng higit na kahulugan sa ordenansang iyon? Isipin kung ano ang magagawa mo para “[laging] alalahanin” si Jesucristo (Moroni 4:3; 5:2; tingnan din sa Lucas 22:7–8, 19–20).

Maaari mo ring pagnilayan ang iba pang mga bagay na nais ng Panginoon na alalahanin mo; tingnan, halimbawa, sa Helaman 5:6–12; Moroni 10:3; Doktrina at mga Tipan 3:3–5, 10; 18:10; 52:40.

Tingnan din sa Juan 6:54; “Ang Sakramento ng Hapunan ng Panginoon,” sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter (2015), 215–226.

Larawan
family study icon

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Exodo 7–12.Matapos magbasa tungkol sa mga salot na ipinadala ng Panginoon sa mga taga-Ehipto bilang tanda ng Kanyang kapangyarihan, marahil ay maaaring ibahagi ng inyong pamilya ang mga paraan na ipinamamalas ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan ngayon.

Exodo 8:2832; 9:27–28, 34–35.Magagamit ang mga talatang ito upang magpasimula ng isang talakayan tungkol sa kahalagahan ng pagtupad sa ating salita. Maaari sigurong magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng pamilya tungkol sa panahon na nakakita sila ng ibang tao na ginagawa ang sinabi nilang gagawin nila.

Exodo 12:1–42.Matapos basahin nang sama-sama ang Exodo 12:1–42, maaari mong isulat sa mga piraso ng papel ang mga bagay na maaari ninyong gawin bilang pamilya upang alalahanin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil ang dugo ng kordero sa mga haligi ng pintuan (tingnan sa talata 23) ay kumakatawan sa Tagapagligtas, maaari mong ilagay ang mga papel na ito sa paligid ng isang pintuan sa inyong tahanan. Maaari din kayong kumain ng ilan sa mga pagkain mula sa Paskua, tulad ng tinapay na walang lebadura (biskwit o tortilla) o mapapait na gulay (parsley o malunggay), at talakayin ninyo kung paano ipinapaalala sa atin ng Paskua kung paano iniligtas ng Diyos ang Kanyang mga tao. Halimbawa, ipinaalala sa kanila ng tinapay na walang lebadura na hindi nagkaroon ng panahong umalsa ang kanilang tinapay bago sila nagsitakas mula sa pagkabihag. Ipinaalala sa kanila ng mapapait na gulay ang pait ng pagkabihag.

Exodo 12:14, 24–27.Marahil ay maaari ninyong rebyuhin ang mga talatang ito bilang pamilya bago ang susunod ninyong sacrament meeting. Paano nauugnay ang mga talatang ito sa sakramento? Paano natin mas lubos na magagawang isang “alaala” ang sakramento ng ginawa ng Tagapagligtas para sa atin?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Bilang Paggunita kay Cristo,” Mga Himno, blg. 112.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magbahagi ng mga object lesson. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na maghanap ng mga bagay na tutulong sa kanila na maunawaan ang mga alituntunin sa mga talata sa banal na kasulatan na binabasa mo. Halimbawa, maaaring makatulong ang malalambot at matitigas na bagay para matalakay ng mga miyembro ng pamilya ang kaibhan sa pagitan ng pagkakaroon ng malambot na puso at ng matigas na puso.

Larawan
pamilyang Hebreo na nasa hapag ng Paskua

Paglalarawan ng isang hapunan ng Paskua, ni Brian Call

Print