Lumang Tipan 2022
Abril 18–24. Exodo 18–20: “Yaong Lahat na Sinalita ng Panginoon ay Aming Gagawin”


“Abril 18–24. Exodo 18–20: ‘Yaong Lahat na Sinalita ng Panginoon ay Aming Gagawin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Abril 18–24. Exodo 18–20,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

bundok

Isang bundok sa Egipto na pinaniniwalaang ang Bundok ng Sinai.

Abril 18–24

Exodo 18–20

“Yaong Lahat na Sinalita ng Panginoon ay Aming Gagawin”

Itinuro ni Sister Michelle Craig na, “Bilang matapat na disipulo [ni Jesucristo, maaari kayong makatanggap ng personal na inspirasyon at paghahayag, ayon sa Kanyang mga kautusan, na akma sa inyo” (“Espirituwal na Kakayahan,” Liahona, Nob. 2019, 21). Magtala at kumilos ayon sa inspirasyong natatanggap mo habang binabasa mo ang Exodo 18–20.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang paglalakbay ng mga Israelita mula Egipto hanggang paanan ng Bundok ng Sinai ay puno ng mga himala—di-maitatatwang mga pagpapamalas ng walang-kapantay na kapangyarihan, pagmamahal, at awa ng Panginoon. Gayunman, may pagpapala ang Panginoon na nakalaan para sa kanila na hindi lamang nagpalaya sa kanila mula sa Egipto at pinunan ang kanilang pisikal na pagkagutom at pagkauhaw. Ninais Niya silang maging Kanyang pinagtipanang mga tao, Kanyang “tanging kayamanan” at “banal na bansa” (Exodo 19:5–6). Ngayon, ang mga pagpapala ng tipang ito ay sumasaklaw hindi lamang sa isang bansa o lahi. Nais ng Diyos na lahat ng Kanyang anak ay maging Kanyang pinagtipanang mga tao, na “tunay na … susundin ang [Kanyang] tinig, at iingatan ang [Kanyang] tipan” (Exodo 19:5), sapagkat pinapakitaan Niya ng Kanyang awa “ang libolibong umiibig sa [Kanya] at tumutupad ng [Kanyang] mga utos” (Exodo 20:6).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Exodo 18:13–26

Maaari akong tumulong na “magpasan [ng pasanin]” sa paggawa ng gawain ng Panginoon.

Habang binabasa mo ang payong natanggap ni Moises mula sa biyenan niyang si Jethro, pagnilayan kung paano mo matutularan ang “mga taong mapagpatotoo” (kung minsan ay isinasalin bilang “mapagkakatiwalaang” mga tao) na inilarawan sa talata 21. Paano ka makakatulong na “magpasan [ng pasanin]” ng iyong mga lider sa Simbahan? (talata 22). Halimbawa, paano maaaring umangkop ang payong ito sa iyong mga pagsisikap sa ministering?

Maaari mo ring isipin kung ikaw ay katulad ni Moises, kung minsan, na nagsisikap na gawin ang lahat. Paano maaaring angkop sa iyo ang payo ni Jethro?

Tingnan din sa Mosias 4:27; Henry B. Eyring, “Ang Tagapag-alaga,” Liahona, Nob. 2012, 121–24.

lalaking nakikipagkamay sa isang babae

Ang paglilingkod sa iba ay isang paraan na maaari tayong makibahagi sa gawain ng Panginoon.

Exodo 19:3–6

Ang pinagtipanang mga tao ng Panginoon ay isang kayamanan sa Kanya.

Isipin ang ibig sabihin sa iyo ng maging “isang tanging kayamanan” ng Panginoon (Exodo 19:5). Nagbigay ng isang paliwanag si Pangulong Russell M. Nelson sa pariralang ito: “Sa Lumang Tipan, ang salitang Hebreo na pinagmulan ng pagsasalin ng tangi ay segullah, na ibig sabihin ay ‘mahalagang ari-arian’ o ‘kayamanan.’ … Ang matawag tayo ng mga lingkod ng Panginoon na kanyang tanging mga tao ay isang napakalaking papuri” (“Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 34). Paano nakakaimpluwensya sa paraan ng iyong pamumuhay ang pagkaalam na ang pagtupad sa iyong mga tipan ay ginagawa kang isang “tanging kayamanan”?

Tingnan din sa Gerrit W. Gong, “Pagiging Kabilang sa Tipan,” Liahona, Nob. 2019, 80–83.

Exodo 19:10–11, 17

Ang mga sagradong karanasan ay nangangailangan ng paghahanda.

Sinabi ng Panginoon kay Moises na kailangang maging handa ang mga anak ni Israel bago nila “salubungin ang Dios” (Exodo 19:10–11, 17) at tumupad ng tipan sa Kanya (tingnan sa Exodo 19:5). Ano ang ginagawa mo upang maghanda para sa mga sagradong karanasan sa iyong buhay, tulad ng pagdalo sa templo o pagtanggap ng sakramento? Ano ang magagawa mo para mas lubos na makapaghanda para sa mga karanasang ito? Isipin ang iba pang espirituwal na mga aktibidad na nangangailangan ng paghahanda, at pagnilayan kung paano makakaapekto ang iyong paghahanda sa uri ng karanasan mo.

Exodo 20

Ang Diyos ay maawain.

Habang binabasa mo ang Exodo 20, isiping pansinin kung alin sa palagay mo ang nasusunod mo sa Sampung Utos at alin sa palagay mo ang mas tapat mo pang masusunod. Maaari kang pumili ng isang utos na pagsisikapan mong sundin at pagkatapos ay pag-aralan pa ito nang mas detalyado sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaugnay na mga talata sa banal na kasulatan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa scriptures.ChurchofJesusChrist.org) o sa mga mensahe sa kumperensya (tingnan sa bahaging mga paksa ng conference.ChurchofJesusChrist.org). Isiping isama sa pag-aaral mo ang mga pagpapalang dumarating sa mga taong sumusunod sa utos. Paano ipinapakita ng mga pagpapalang ito ang awa at pagmamahal ng Diyos para sa iyo?

Tingnan din sa Carole M. Stephens, “Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,” Liahona, Nob. 2015, 118–20.

Exodo 20:1–7

Mahalagang unahin ang Panginoon sa buhay ko.

Ang pagbasa sa Exodo 20:1–7 ay maaaring maghikayat sa iyo na isipin ang iyong mga prayoridad sa buhay—maaari mo pang isulat ang mga ito sa isang listahan. Ano ang ilang posibleng “mga dios” o “(mga) larawang inanyuan” (Exodo 20:3–4) na maaari kang matuksong mas unahin kaysa sa Diyos? Paano makakatulong sa iyo ang pag-una sa Panginoon sa iba pang mahahalagang bagay sa iyong buhay? Ano ang nahihikayat kang gawin para mag-ibayo ang iyong pagtutuon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Walang Ibang mga Diyos,” Liahona, Nob. 2013, 72–75.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Exodo 18:8–12.Ano ang naging epekto kay Jethro ng patotoo ni Moises tungkol sa pagliligtas ng Diyos? Anong mga dakilang bagay ang nagawa ng Panginoon para sa ating pamilya? Kanino natin maibabahagi ang ating mga karanasan? Paano natin maipepreserba ang mga karanasang iyon para sa darating na mga henerasyon?

Exodo 18:13–26.Maaaring mahikayat ng mga talatang ito ang inyong pamilya na isipin ang paglilingkod ng inyong lokal na mga lider ng Simbahan, tulad ng bishop, mga lider ng mga kabataan, o mga guro sa Primary. Ano ang kanilang mga responsibilidad na maaaring tila “napakabigat” (Exodo 18:18) para pasaning mag-isa ng isang tao? Ano ang magagawa natin para mapagaan ang kanilang mga pasanin?

Exodo 20:3–17.Mag-isip ng isang makabuluhang paraan para matalakay ang Sampung Utos bilang pamilya. Halimbawa, maaari mong isulat ang mga kautusang nasa Exodo 20:3–17 sa sampung piraso ng papel. Pagkatapos ay maaari itong ayusin ng mga miyembro ng pamilya sa dalawang kategorya: (1) paggalang sa Diyos at (2) pagmamahal sa iba (tingnan din sa Mateo 22:36–40). Isiping pumili ng isa o dalawang kautusan bawat araw sa linggong ito at pag-usapan ninyo ito nang mas detalyado. Halimbawa, paano pinatatatag ng pagsunod sa kautusang ito ang ating pamilya? Paano ito sinunod ng Tagapagligtas?

Exodo 20:12.Para mas maunawaan ang Exodo 20:12, maaaring makatulong kung hahanapin ng inyong pamilya ang mga kahulugan ng salitang “igalang.” Pagkatapos ay maaaring ilista ng mga miyembro ng pamilya ang mga bagay na magagawa natin na magbibigay-galang sa ating mga magulang. Maaari ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa paggalang sa mga magulang, tulad ng “Susunod Ako” (Aklat ng mga Awit Pambata, 71), at pagkatapos ay gamitin ang ilan sa mga ideya sa iyong listahan para sumulat ng mga bagong taludtod sa awitin.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Pumili ng oras na angkop sa iyo. Kadalasan ay mas madaling matuto mula sa mga banal na kasulatan kapag mapag-aaralan mo ang mga ito nang walang abala. Pumili ng oras na angkop sa iyo, at gawin mo ang lahat para patuloy na makapag-aral sa oras na iyon bawat araw.

hawak ni Moises ang mga tapyas na bato

Paglalarawan kay Moises na hawak ang Sampung Utos, ni Sam Lawlor