Lumang Tipan 2022
Marso 7–13. Genesis 37–41: “Ang Panginoon ay Suma Kay Jose”


“Marso 7–13. Genesis 37–41: ‘Ang Panginoon ay Suma Kay Jose,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Marso 7–13. Genesis 37–41,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
si Jose ng Egipto na nasa bilangguan

Paglalarawan kay Jose ng Egipto na nasa bilangguan, ni Jeff Ward

Marso 7–13

Genesis 37–41

“Ang Panginoon ay Suma Kay Jose”

Habang binabasa mo ang Genesis 37–41, manalangin na tulungan ka ng Espiritu Santo na makita kung paano nauugnay sa buhay mo ang mga sipi sa banal na kasulatan. Itala ang anumang kabatirang natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kung minsa’y nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao. Malinaw na itinuturo sa atin ng buhay ang aral na iyan, at gayundin ang buhay ni Jose, ang anak ni Jacob. Minana niya ang tipan na ginawa ng Diyos sa kanyang mga ama, ngunit kinapootan siya ng kanyang mga kapatid at ipinagbili upang maging alipin. Tumanggi siyang ipagpalit ang kanyang integridad nang lapitan siya ng asawa ni Potiphar at dahil dito ay itinapon siya sa bilangguan. Habang lalong mas matapat siya, tila mas marami siyang hirap na dinanas. Ngunit lahat ng paghihirap na ito ay hindi tanda ng hindi pagsang-ayon ng Diyos. Sa katunayan, sa lahat ng ito, “ang Panginoon ay sumasakaniya” (Genesis 39:3). Ang buhay ni Jose ay isang pagpapakita ng mahalagang katotohanang ito: hindi tayo pababayaan ng Diyos. “Ang pagsunod sa Tagapagligtas ay hindi mag-aalis ng lahat ng inyong pagsubok,” pagtuturo ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf. Gayunman, aalisin nito ang mga hadlang sa pagitan ninyo at ng tulong na gustong ibigay sa inyo ng Ama sa Langit. Sasamahan kayo ng Diyos” (“Pananabik na Makauwi,” Liahona, Nob. 2017, 22).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Genesis 37:1–28; 39; 41:9–45

“Ang Panginoon ay suma kay Jose” sa kanyang paghihirap.

Muli’t muli, tila mailap kay Jose ang magandang kapalaran, ngunit hindi siya pinabayaan ng Panginoon kailanman. Habang binabasa mo ang kuwento ni Jose, pagnilayan ang mga tanong na tulad nito: Ano ang ginawa ni Jose upang manatiling malapit sa Panginoon sa mga panahon ng kanyang pagsubok? Paano “sumakaniya” ang Panginoon? (“Genesis 39:2–3, 21, 23).

Maaari mo ring itanong ang mga bagay na ito tungkol sa buhay mo. Anong katibayan ang nakita mo na hindi ka napabayaan ng Panginoon sa mga panahon ng iyong pagsubok? Isipin kung paano mo maibabahagi ang iyong mga karanasan sa mga miyembro ng pamilya at sa darating na mga henerasyon (tingnan sa 1 Nephi 5:14). Ano ang magagawa mo ngayon upang ihanda ang iyong sarili na manatiling tapat kapag nahaharap ka sa mga pagsubok sa hinaharap?

Tingnan din sa Juan 14:18; Mga Taga Roma 8:28; Alma 36:3; Doktrina at mga Tipan 121:7–8; D. Todd Christofferson, “Ang Kagalakan ng mga Banal,” Liahona, Nob. 2019, 15–18.

Genesis 37:5–11; 40; 41:1–38

Kung ako ay tapat, gagabayan at bibigyang-inspirasyon ako ng Panginoon.

Itinuro ni Elder David A. Bednar, “Ang mga paghahayag ay inihahatid sa iba’t ibang paraan, pati na, halimbawa, sa mga panaginip, pangitain, pakikipag-usap sa mga sugo ng langit, at inspirasyon” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Liahona, Mayo 2011, 88). Ginamit ng Panginoon ang mga panaginip para ihayag ang mga katotohanan kay Jose, sa punong katiwala at magtitinapay ni Faraon, at kay Faraon. Inihayag din ng Panginoon kay Jose kung paano bigyang-kahulugan ang mga panaginip na ito. Ano ang matututuhan mo mula sa Genesis 37:5–11; 40:5–8; 41:14–25, 37–38 tungkol sa pagtanggap at pag-unawa sa paghahayag mula sa Panginoon? Halimbawa, ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ni Jose kapag tila mahirap maunawaan ang paghahayag? (tingnan sa Genesis 40:8; 41:16).

Larawan
si Jose sa bilangguan na binibigyang-kahulugan ang mga panaginip

Joseph Interpreting the Butler and Baker’s Dreams [Pagbibigay-kahulugan ni Jose sa mga Panaginip ng Katiwala at ng Magtitinapay], ni François Gérard

Pagnilayan kung paano inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa iyo. Ano ang ginagawa mo para kumilos ayon sa paghahayag na ibinigay sa iyo ng Panginoon? Paano ka naghahanap ng karagdagang gabay mula sa Kanya?

Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 93–96; Michelle Craig, “Espirituwal na Kakayahan,” Liahona, Nob. 2019, 19–21.

Genesis 38; 39:7–20

Sa tulong ng Panginoon, malalayuan ko ang tukso.

Kapag ikaw ay tinutukso, mabibigyan ka ng lakas ng loob at lakas ng halimbawa ni Jose. Habang nagbabasa ka tungkol sa kanyang karanasan sa Genesis 39, pansinin ang mga bagay na ginawa ni Jose upang labanan ang tukso. Halimbawa:

  • Siya ay “tumanggi” sa mga panunukso ng asawa ni Potiphar (talata 8).

  • Natanto niya na ang pagkakasala ay makakasakit sa Diyos at sa iba (mga talata 8–9).

  • Siya “ay hindi nakinig” sa tukso, kahit nagpatuloy ito “araw-araw” (talata 10).

  • “Iniwan niya ang kaniyang suot … at tumakas, at lumabas” (talata 12).

Nasasaisip ang halimbawa ni Jose, isiping gumawa ng plano sa pag-iwas at paglaban sa tukso. Halimbawa, maaari kang mag-isip ng isang tuksong kinakaharap mo, isulat ang mga sitwasyong iiwasan, at gumawa ng plano na umasa sa Ama sa Langit kapag may tukso (tingnan sa 2 Nephi 4:18, 27–33).

Tukso:

Mga sitwasyong iiwasan:

Magplanong tumugon:

Nauna pa sa salaysay na ito tungkol sa kalakasan ni Jose nang maharap sa tukso ang lubhang naiibang salaysay tungkol sa kanyang nakatatandang kapatid na si Juda, na matatagpuan sa Genesis 38. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga kabanata 37, 38, at 39, kapag pinagsama-sama, tungkol sa kalinisang-puri?

Tingnan din sa I Mga Taga Corinto 10:13; 1 Nephi 15:23–24; 3 Nephi 18:17–18.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Genesis 37.Kung naging isa ka sa mga kapatid ni Jose, ano kaya ang maaaring nagawa mo para hindi mapahina ng inggit ang iyong kaugnayan sa kanya? Paano tayo nito matutulungang “mapagsalitaan [nang] payapa” ang isa’t isa? (talata 4).

Genesis 39.Ang mga video na “The Refiner’s Fire” at “After the Storm” (ChurchofJesusChrist.org) ay tungkol sa mga karanasan ng mga taong nagkaroon ng lakas nang lumapit sila sa Panginoon sa oras ng kanilang mga pagsubok. Maaari ninyong panoorin ang isa sa mga ito at pag-usapan kung ano ang maaaring sabihin ni Joseph kung gagawa siya ng video tungkol sa kanyang mga karanasan. Maaari ninyong kantahin nang sabay-sabay ang “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41) at maghanap ng payo na maaaring ibahagi ng inyong pamilya kay Jose nang harapin niya ang kanyang mga pagsubok.

Genesis 39:7–12.Ang pagbasa sa mga talatang ito ay maaaring magbigay ng pagkakataon na talakayin ang batas ng kalinisang-puri sa inyong pamilya. Narito ang ilang mga resource na maaaring makatulong sa talakayang ito: Jacob 2:28; Alma 39:3–9; “Kadalisayan ng Puri” (sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [2011], 35–37).

Genesis 41:15–57.Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito kung paano pinagpala ng Panginoon ang mga tao ng Egipto sa pamamagitan ni Jose? Ano ang matututuhan natin tungkol sa paghahanda para sa mga hindi inaasahang kaganapan sa hinaharap? Talakayin kung ano ang magagawa ninyo para maging mas handa bilang isang pamilya.  

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

 

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay. Habang ikaw ay nagbabasa, pag-isipan kung paano naaangkop sa iyong buhay ang mga kuwento at aral sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, paano ka maaaring mabigyang-inspirasyon ng katapatan ni Jose sa Egipto na manatiling tapat sa Panginoon sa kabila ng paghihirap?

Larawan
mga kapatid ni Jose na inaalis ang kanyang balabal

Paglalarawan sa mga kapatid ni Jose na inaalis ang kanyang balabal, ni Sam Lawlor

Print