“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Sambahayan ni Israel,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Sambahayan ni Israel,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan
Ang Sambahayan ni Israel
Sa ilang sa silangan ng Canaan, kabadong hinintay ni Jacob ang pagtatagpo nila ng kanyang kakambal na si Esau. Nang huling makita ni Jacob si Esau, mga 20 taon na ang nakalipas, nagbanta si Esau na papatayin siya. Buong magdamag na nakipagbuno si Jacob sa ilang, sa paghahangad ng pagpapala mula sa Diyos. Dahil sa pananampalataya, tiyaga, at determinasyon ni Jacob, sinagot ng Diyos ang kanyang mga dalangin. Nang gabing iyon ang pangalan ni Jacob ay pinalitan ng Israel, isang pangalan na ang ibig sabihin ay “nakipagpunyagi [siya] sa Dios” (Genesis 32:28; tingnan din sa Genesis 32:24–32).1
Ito ang unang pagkakataon na lumitaw ang pangalang Israel sa Biblia, at ito’y isang pangalan na nagpupunyagi sa buong aklat at sa buong kasaysayan. Hindi nagtagal at hindi lamang sa iisang tao tumukoy ang pangalan. Si Israel ay may 12 anak na lalaki, at ang kanilang mga inapo ay sama-samang nakilala bilang “sambahayan ni Israel,” ang “mga lipi o angkan ng Israel,” ang “mga anak ni Israel,” o ang “mga Israelita.”
Sa buong kasaysayan, naging malaki ang pagpapahalaga ng mga anak ni Israel na nagmula sila sa isa sa labindalawang lipi ni Israel. Ang kanilang angkan ay isang mahalagang bahagi ng kanilang identidad sa tipan. Ipinahayag ni Apostol Pablo na siya ay nagmula “sa angkan ni Benjamin” (Mga Taga Roma 11:1). Nang papuntahin ni Lehi ang kanyang mga anak na lalaki sa Jerusalem para mabawi ang mga laminang tanso, ang isang dahilan ay nasa mga lamina ang “talaangkanan ng kanyang mga ama” (1 Nephi 5:14; tingnan din sa 1 Nephi 3:3). Natuklasan ni Lehi na siya ay inapo ni Jose, at ang pagkaunawa ng kanyang mga inapo sa kaugnayan nila sa sambahayan ni Israel ay napatunayang mahalaga sa kanila sa darating na mga taon (tingnan sa Alma 26:36; 3 Nephi 20:25).
Sa Simbahan ngayon, maaari kayong makarinig tungkol sa Israel sa mga pahayag na tulad ng “pagtitipon sa Israel.” Kumakanta tayo tungkol sa “Manunubos ng Israel,” sa “Pag-asa ng Israel,” at “Mga Elder ng Israel.”2 Sa mga sitwasyong ito, hindi lamang ang sinaunang kaharian ng Israel o ang makabagong bansang tinatawag na Israel ang pinag-uusapan o kinakanta natin. Bagkus, tinutukoy natin yaong mga natipon mula sa mga bansa ng mundo sa Simbahan ni Jesucristo. Tinutukoy natin ang mga taong nagpupunyagi sa Diyos, na taimtim na naghahangad ng Kanyang mga pagpapala, at, sa pamamagitan ng binyag, naging Kanyang pinagtipanang mga tao.
Ipinapahayag ng iyong patriarchal blessing ang iyong kaugnayan sa isa sa mga lipi ng sambahayan ni Israel. Higit pa iyan sa isang kawili-wiling piraso ng impormasyon tungkol sa kasaysayan ng pamilya. Ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng sambahayan ni Israel ay nakipagtipan ka sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ibig sabihin, tulad ni Abraham, ikaw ay sadyang “magiging isang pagpapala” sa mga anak ng Diyos (Genesis 12:2; Abraham 2:9–11). Ibig sabihin, sa mga salita ni Pedro, kayo ay “isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan” (I Ni Pedro 2:9). Ibig sabihin, ikaw ay “nagpupunyagi sa Diyos” sa pagtupad mo sa iyong mga tipan sa Kanya.