Lumang Tipan 2022
Pebrero 21–27. Genesis 24–27: Ang Tipan ay Napanibago


“Pebrero 21–27. Genesis 24–27: Ang Tipan ay Napanibago,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Pebrero 21–27. Genesis 24–27,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Rebeca

Paglalarawan kay Rebeca ni Dilleen Marsh

Pebrero 21–27

Genesis 24–27

Ang Tipan ay Napanibago

Habang binabasa mo ang Genesis 24–27, pagtuunan ng pansin ang mga espirituwal na kabatirang natatanggap mo. Ipagdasal na malaman kung paano nauugnay sa buhay mo ang mga alituntuning nakikita mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kasama sa tipan ng Diyos kay Abraham ang pangako na sa pamamagitan ni Abraham at ng kanyang mga inapo “ay pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo” (Abraham 2:11). Hindi iyan isang pangako na maaaring matupad sa isang henerasyon: sa maraming paraan, ang Biblia ay ang kuwento ng patuloy na pagtupad ng Diyos sa Kanyang pangako. At nagsimula Siya sa pagpapanibago ng tipan sa pamilya nina Isaac at Rebeca. Sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, may natututuhan tayong isang bagay tungkol sa pagiging bahagi ng tipan. Ang kanilang mga halimbawa ay nagtuturo sa atin tungkol sa kabaitan, tiyaga, at tiwala sa ipinangakong mga pagpapala ng Diyos. At natututuhan natin na sulit na talikuran ang anumang makamundong “nilaga” (Genesis 25:30) upang makasiguro sa mga pagpapala ng Diyos para sa ating sarili at sa ating mga anak sa darating na mga henerasyon.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Genesis 24

Ang pag-aasawa ay mahalaga sa walang-hanggang plano ng Diyos.

Ngayon ay di-gaanong binibigyan ng prayoridad ng maraming tao ang pag-aasawa o itinuturing pa nga itong isang pabigat. Iba ang pananaw ni Abraham—para sa kanya, ang pag-aasawa ng kanyang anak na si Isaac ay napakahalaga. Sa palagay mo bakit napakahalaga niyon sa kanya? Habang binabasa mo ang Genesis 24, pag-isipan ang kahalagahan ng pag-aasawa sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Maaari mo ring basahin ang mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya” (Liahona, Mayo 2015, 50–53) at isipin kung bakit “ang pamilyang binuo ng isang lalaki at isang babaeng ikinasal ang pinakaakmang kalagayan upang magtagumpay ang plano ng Diyos” (pahina 52).

Ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod ay maaaring makatulong sa iyo na isipin ang iba pang mahahalagang alituntunin sa kabanatang ito:

Genesis 24:1–14. Ano ang ginawa ni Abraham at ng kanyang alila para isama ang Panginoon sa kanilang mga pagsisikap na makahanap ng mapapangasawa ni Isaac?

Genesis 24:15–28, 55–60. Anong mga katangian ang nakikita mo kay Rebeca na gusto mong tularan?

Anong iba pang mga kabatiran ang nakikita mo?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org.

Genesis 25:29–34

Maaari akong pumili sa pagitan ng dagliang kasiyahan at ng mga bagay na mas mahalaga.

Sa kultura ni Abraham, ang panganay na anak na lalaki sa isang pamilya ang karaniwang tumatanggap ng katungkulan sa pamumuno at pribilehiyo, na tinatawag na pagkapanganay. Ang anak na lalaking ito ay tumatanggap ng mas malaking pamana mula sa kanyang mga magulang, kasama ng mas malalaking responsibilidad sa pangangalaga sa iba pang mga kapamilya.

Habang binabasa mo ang Genesis 25:29–34, isipin kung bakit naging handa si Esau na isuko ang kanyang pagkapanganay kapalit ng pagkain. Anong mga aral ang nakikita mo para sa sarili mo sa salaysay na ito? Halimbawa, mayroon bang anumang “nilaga” na gumagambala sa iyo mula sa mga pagpapalang pinakamahalaga sa iyo? Ano ang ginagawa mo para mapagtuunan at mapahalagahan ang mga pagpapalang ito?

Tingnan din sa Mateo 6:19–33; 2 Nephi 9:51; M. Russell Ballard, “Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” Liahona, Nob. 2005, 41–44.

Genesis 26:1–5

Ang tipang Abraham ay napanibago sa pamamagitan ni Isaac.

Ang tipan ng Diyos na ginawa kay Abraham ay nilayong magpatuloy sa loob ng maraming henerasyon, kaya ang pamana nina Abraham at Sara na pagtupad ng tipan ay kailangang ipasa kina Isaac, Jacob, at sa iba pang matatapat na kababaihan at kalalakihan sa kanilang mga inapo. Habang binabasa mo ang Genesis 26:1–5, hanapin ang ilan sa mga pagpapala ng tipan na binanggit ng Diyos. Ano ang natututuhan mo tungkol sa Diyos mula sa mga talatang ito?

Genesis 26:18–25, 32–33

Si Jesucristo ang balon ng tubig na buhay.

Maaaring napapansin mo na ang mga balon at bukal at iba pang mga pinagkukunan ng tubig ay may mahalagang papel sa maraming kuwento sa Lumang Tipan. Hindi ito nakakagulat, dahil karamihan sa mga kuwentong ito ay nangyari sa mga tigang na lugar. Habang binabasa mo sa Genesis 26 ang tungkol sa balon ni Isaac, pagnilayan kung ano ang isinisimbolo ng tubig sa mga banal na kasulatan. Anong mga kabatiran ang nakikita mo tungkol sa espirituwal na mga balon ng “tubig na buhay”? (tingnan sa Juan 4:10–15). Paano ka humuhukay ng mga espirituwal na balon sa iyong buhay? Paano naging parang tubig na buhay ang Tagapagligtas sa iyo? Pansinin na “pinagtabunan” ng mga Filisteo ang mga balon (tingnan sa Genesis 26:18). Mayroon bang anumang bagay sa buhay mo na nagtatabon sa iyong mga balon ng tubig na buhay?

isang sinaunang balon

Isang balon sa sinaunang Beer-seba, kung saan naghukay ng mga balon sina Abraham at Isaac.

Genesis 27

Mali ba sina Rebeca at Jacob sa palilinlang kay Isaac?

Hindi natin alam ang dahilan sa likod ng paraang ginamit nina Rebeca at Jacob para matamo ang pagpapala para kay Jacob. Makakatulong na tandaan na ang Lumang Tipan na nasa atin ngayon ay hindi kumpleto (tingnan sa Moises 1:23, 41). Maaaring may mga nawawalang impormasyon mula sa orihinal na mga talaan na magpapaliwanag kung ano ang tila nakababahala sa atin. Gayunman, alam natin na kalooban ng Diyos na tanggapin ni Jacob ang basbas mula kay Isaac dahil nakatanggap ng paghahayag si Rebeca na si Jacob ay mamumuno kay Esau (tingnan sa Genesis 25:23). Matapos aminin ni Isaac na nabasbasan niya si Jacob sa halip na si Esau, tiniyak niya na si Jacob “ay magiging mapalad” (Genesis 27:33)—na nagpapahiwatig na naisakatuparan na ang kalooban ng Diyos.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Genesis 24:2–4, 32–48.Hiniling ni Abraham sa isang pinagkakatiwalaang alila na maghanap ng mapapangasawa para kay Isaac, at nakipagtipan ang alila kay Abraham na gagawin niya iyon. Paano nagpakita ng katapatan ang alipin ni Abraham sa pagsunod sa kanyang tipan? Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa?

Genesis 24:15–28, 55–60.Maaaring hanapin ng inyong pamilya sa mga talatang ito ang mga katangiang nagpamarapat kay Rebeca na maging walang-hanggang kabiyak ni Isaac. Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na pumili ng isa sa mga katangiang ito na sa palagay nila ay dapat nilang taglayin.

Genesis 25:19–3427.Para marebyu ang mga kuwento kung paano napunta kay Jacob ang pagkapanganay at basbas ni Esau, maaari mong isulat ang mga pangungusap mula sa “Jacob at Esau” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) sa magkakahiwalay na piraso ng papel. Maaaring magtulungan ang mga miyembro ng pamilya sa paglalagay ng mga pangungusap sa tamang pagkakasunud-sunod.

Habang tinatalakay ninyo ang pagbebenta ni Esau ng kanyang pagkapanganay, maaari din ninyong pag-usapan kung ano ang pinakamahalaga sa inyong pamilya, tulad ng inyong mga kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Marahil ay maaaring makahanap ang mga miyembro ng pamilya ng mga bagay o larawang kumakatawan sa itinuturing nilang walang hanggan ang kahalagahan. Hayaang ipaliwanag nila kung bakit nila pinili ang mga bagay na iyon.

Genesis 26:3–5.Para maipaunawa sa inyong pamilya ang tipang Abraham, maaari mo silang anyayahang hanapin ang mga pangakong inilarawan sa mga talatang ito. Bakit mahalaga na malaman natin ang mga pangakong ito ngayon? (tingnan sa “Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tipan,” sa resource na ito).

Genesis 26:18–25, 32–33Bakit mahalaga ang mga balon? Paano naging tulad ng balon ng tubig si Jesucristo?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Piliin ang Tama,” Mga Himno, blg. 145.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Isaulo ang isang talata sa banal na kasulatan. Itinuro ni Elder Richard G. Scott, “Ang isinaulong talata ay nagiging kaibigang palaging nariyan na hindi nanghihina sa paglipas ng panahon” (“Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Nob. 2011, 6).

Esau at Jacob

Esau Sells His Birthright to Jacob [Ipinagbili ni Esau ang Kanyang Pagkapanganay kay Jacob], ni Glen S. Hopkinson