“Pebrero 21–27. Genesis 24–27: Napanibago ang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Pebrero 21–27. Genesis 24–27,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Pebrero 21–27
Genesis 24–27
Napanibago ang Tipan
Habang binabasa mo ang Genesis 24–27 at naghahandang magturo, isipin ang mga bata sa iyong klase. Ano ang kailangan nilang matutuhan? Alin sa mga aktibidad na ito ang magiging makabuluhan sa kanila? Maaari mong iakma ang alinman sa mga aktibidad na nakalakip dito o nasa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya batay sa kanilang mga pangangailangan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sa ilalim ng upuan ng bawat bata, maglagay ng tanong tungkol sa isang pangyayari o alituntunin sa Genesis 24–27. Ipasagot sa mga bata ang mga tanong kung kaya nila, o anyayahan silang pakinggan ang mga sagot habang nagle-lesson.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Kaya kong maging mabait sa iba.
Humanga ang katiwala ni Abraham sa pambihirang kabaitang ipinakita ni Rebeca sa kanya sa pamamagitan ng pagbibigay ng tubig hindi lamang sa kanya kundi pati na rin sa kanyang 10 kamelyo. Ang kanyang halimbawa ay maaaring maging isang paalala sa mga bata na laging maging mabait sa ibang tao.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan ni Rebeca sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Ituro ang mga detalye sa larawan habang ibinubuod mo ang kuwento sa Genesis 24:10–21, kung saan nagpakita si Rebeca ng kabaitan sa katiwala ni Abraham. Ipaliwanag na ang kanyang mga salita at kabaitan ang mga tanda na si Rebeca ang siyang nais ng Diyos na maikasal sa anak ni Abraham na si Isaac. Anyayahan ang mga bata na magkunwaring mga katiwala na dumating kasama ang kanyang mga kamelyo o si Rebeca na kumukuha ng tubig para sa kanila. Bigyan sila ng mga parirala na bibigkasin mula sa mga banal na kasulatan, tulad ng “Makikiinom ako ng kaunting tubig” (talata 17) at “Iiigib ko naman ang iyong mga kamelyo” (talata 19). Bakit mahalagang maging mabait tayo sa ibang tao?
-
Isalaysay ang isang kuwento kung paano nagpakita ng kabaitan ang Tagapagligtas sa isang tao. Anyayahan ang ilan sa mga bata na ibahagi ang sarili nilang karanasan ng pagpapakita ng kabaitan.
-
Magmungkahi ng ilang sitwasyon kung saan ang isang bata ay maaaring magpakita ng kabaitan, tulad ng pakikipaglaro sa mga kaibigan o pakikipag-usap sa isang bagong lipat sa paaralan. Itanong sa mga bata kung ano ang magagawa nila para maging mabait sa mga sitwasyong ito.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa kabaitan, tulad ng “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” o “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 83, 40–41). Anyayahan ang mga bata na makinig para sa salitang “kabaitan” (o sa isang katulad na salita) at patayuin sila kapag narinig nila ito. Paano tayo makapagpapakita ng kabaitan sa iba? Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay maaaring makatulong sa talakayang ito.
Kaya kong piliin ang mga bagay na pinakamahalaga.
Dahil si Esau ang panganay na anak sa kanyang pamilya, siya dapat ang makakuha ng mga espesyal na responsibilidad at pribilehiyo na tinatawag na pagkapanganay. Isang araw, nang nagutom si Esau, ipinagpalit niya ang kanyang pagkapanganay sa kanyang kapatid na si Jacob para sa pagkain. Ang kuwentong ito ay maaaring makapagturo sa mga bata na dapat nating piliin ang mga bagay na nagtatagal sa halip na panandaliang kasiyahan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala sa klase ng ilang bagay na maaaring makatulong na isalaysay ang kuwento ng pagbebenta ni Esau ng kanyang pagkapanganay, tulad ng isang mangkok at isang larawan ng isang tao na kumukuha ng basbas ng priesthood. Anyayahan ang mga bata na gamitin ang mga bagay habang ikinukuwento nila sa iyo ang nalalaman nila tungkol sa kuwento. Ang “Sina Jacob at Esau” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) ay makakatulong. Sama-samang basahin ang Genesis 25:34, at ipaliwanag na sinuman na may pagkapanganay ay may espesyal na mga pribilehiyo at responsibilidad na pangalagaan ang iba pang mga kapamilya.
-
Ipakita sa mga bata ang dalawang larawan: isa na mayroong malaking espirituwal na halaga (tulad ng templo) at isa na nagdudulot ng pansamantalang kaligayahan lamang (tulad ng laro, laruan, o pagkain). Itanong sa kanila na piliin kung alin ang mas makakatulong sa atin na magbalik sa ating Ama sa Langit. Ulitin ito gamit ang iba pang mga larawan.
-
Kumanta kayo ng mga bata ng isang awitin tungkol sa pagpili ng tama, tulad ng “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82–83). Magpatotoo na tayo ay pinagpapala at maligaya kapag pinipili natin ang tama.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ako ay pagpapalain kung kikilos ako nang may pananampalataya at magpapakita ng kabaitan sa ibang tao.
Nanampalataya ang katiwala ni Abraham sa pamamagitan ng pagtitiwala sa patnubay ng Diyos na makahanap ng mapapangasawa ni Isaac. Si Rebeca ay nagpakita ng kabaitan sa paraan ng pakikitungo niya sa katiwala ni Abraham. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na sundin ang mga halimbawa ng katiwala ni Abraham at ni Rebeca?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Genesis 24:1–28, at tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga halimbawa ng pananampalataya at kabaitan (tingnan halimbawa sa mga talata 12–14 at 17–20). Paano pinagpala ang katiwala ni Abraham at si Rebeca sa pagpapakita nila ng pananampalataya at kabaitan? Isulat sa pisara ang Maipapakita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng … , at Tayo ay makapagpapakita ng kabaitan sa pamamagitan ng … , at anyayahan ang mga bata na magmungkahi ng mga paraan para makumpleto ang mga pangungusap.
-
Sa mga piraso ng papel, isulat ang mga bagay na sinabi o ginawa ng katiwala ni Abraham at mga bagay na sinabi o ginawa ni Rebeca sa Genesis 24:1–28. Anyayahan ang mga bata na isa-isang kumuha ng isang piraso ng papel at magtulungan na hulaan kung sino ang nagsabi o gumawa ng mga bagay na ito (maaari silang sumangguni sa mga banal na kasulatan kung kailangan nila ng tulong). Ano ang itinuturo ng kuwentong ito tungkol sa kabaitan? Ano ang itinuturo sa atin nito tungkol sa pananampalataya? Ang iba pang halimbawa ng kabaitan at pananampalataya ay matatagpuan sa Genesis 24:29–33, 58–61.
-
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng pagpapakita ng kabaitan na nakita na nila. Anyayahan sila na isulat at ibahagi ito sa klase o sa kanilang pamilya sa bahay. Ano ang nararamdaman natin kapag ang isang tao ay mabait sa atin?
Pahahalagahan ko ang mga bagay na walang-hanggan sa halip na mga temporal na bagay.
Pinili ni Esau na ipagpalit ang isang bagay na napakahalaga, ang kanyang pagkapanganay, sa isang bagay na hindi gaanong mahalaga, gaya ng ilang tinapay at isang mangkok na sopas. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, pag-isipang mabuti kung paano mo matutulungan ang mga bata na unahin ang mga bagay na walang-hanggan ang kahalagahan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang kuwento tungkol kina Jacob at Esau sa Genesis 25:21–34. Habang nagbabasa kayo, anyayahan ang bawat bata na pumili ng isang bagay na maidodrowing nila mula sa kuwento. Pagkatapos ay anyayahan sila na gamitin ang kanilang mga larawan para isalaysay ang kuwento sa sarili nilang mga salita. Kung kailangan nila ng tulong sa pag-unawa kung ano ang pagkapanganay, hikayatin silang basahin ang “Pagkapanganay” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan ang mga bata na isipin na kunwari ay humingi sa atin ng payo si Esau kung dapat ba niyang ipagpalit ang kanyang pagkapanganay para sa pagkain; ano ang sasabihin natin sa kanya?
-
Ikuwento ang isang pagkakataon kung saan kailangan mong isakripisyo ang isang bagay na mabuti para sa isang bagay na higit na mahalaga. O ipalabas ang video na “Continue in Patience” (ChurchofJesusChrist.org). Paano nauugnay sa pagpili na ginawa ni Esau sa Genesis 25:29–34 ang iyong kuwento? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagpapala na nais ng Ama sa Langit na ibigay sa kanila (tulad ng mas malakas na patotoo, mga pagpapala ng templo, o buhay na walang-hanggan kasama Niya). Hikayatin silang isipin ang mga bagay na handa silang isakripisyo para matanggap ang mahahalagang pagpapalang ito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang mithiing maitatakda nila para sa kanilang sarili na tungkol sa isang alituntunin na natutuhan nila sa Primary ngayon. Halimbawa, maaari silang magtakda ng mithiin na maging mabait sa ibang tao sa bahay.