“Enero 31–Pebrero 6. Genesis 6–11; Moises 8: ‘Si Noe ay Nakasumpong ng Biyaya sa Paningin ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Enero 31–Pebrero 6. Genesis 6–11; Moises 8,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Enero 31–Pebrero 6
Genesis 6–11; Moises 8
“Si Noe ay Nakasumpong ng Biyaya sa Paningin ng Panginoon”
Ang pag-aaral tungkol sa mga hayop sa arka ni Noe at sa mataas na tore ng Babel ay maaaring maging masaya para sa mga bata. Ngunit tandaan na ang mga kuwentong ito ay naglalayong magturo ng mga walang-hanggang katotohanan. Mapanalanging isaalang-alang ang mga katotohanang nais ng Diyos na matutuhan ng mga bata.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Bago mo simulang ituro ang mga kuwento sa Genesis 6–11 at Moises 8 sa mga bata, bigyan sila ng pagkakataong ituro sa isa’t isa kung ano ang nalalaman nila tungkol kay Noe at sa arka o sa Tore ng Babel.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Genesis 6:14–22; 7–8; Moises 8:16–30
Ang pagsunod sa propeta ay magpapala sa akin at sa aking pamilya.
Habang natututuhan ng mga bata na sundin ang propeta, sila ay pagpapalain at magiging ligtas sa espirituwal na paraan, tulad ng pamilya ni Noe na naging ligtas mula sa Baha.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sa sarili mong mga salita, isalaysay ang kuwento ni Noe at ng arka (tingnan sa “Si Noe,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan; tingnan din sa “Propeta’y Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59, talata 3). Tulungan ang mga bata na isadula ang mga bahagi ng kuwento—halimbawa, sa pamamagitan ng pagpapanggap na gumagamit ng kasangkapan sa pagtatayo ng arka o paglalakad tulad ng mga hayop na pumapasok sa arka.
-
Basahin sa mga bata ang Moises 8:19–20, binibigyang-diin kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Noe. Tulungan ang mga bata na maunawaan na si Noe ay isang propeta at ang kanyang pamilya ay nailigtas mula sa Baha dahil sumunod sila sa kanya. Itanong sa mga bata kung kilala nila kung sino ang ating propeta ngayon. Magpakita ng larawan niya sa kanila, at tulungan ang mga bata na bigkasing muli ang kanyang pangalan.
-
Magdala sa klase ng mga larawan o bagay na kumakatawan sa mga turo ng kasalukuyang propeta, tulad ng mga banal na kasulatan o isang larawan ng templo. Sabihin sa mga bata na maghalinhinan sa pagpili ng isang bagay at pagsasabi kung ano ang alam nila tungkol dito. Ipaliwanag sa kanila kung ano ang isinasagisag ng mga bagay na ito. Hikayatin silang magdrowing ng larawan ng kanilang sarili na sumusunod sa itinuro ng propeta. Magpatotoo tungkol sa mga pagpapala ng pagsunod sa propeta.
Tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa atin.
Mahalaga para sa mga bata na malaman na tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako, lalo na habang naghahanda silang makipagtipan sa Kanya kapag sila ay nabinyagan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga bahaghari. Basahin sa kanila ang Genesis 9:15–16, at hilingin sa kanila na makinig para sa salitang aalalahanin o maalaala. Anyayahan sila na itaas ang kanilang mga bahaghari kapag narinig nila ang mga salitang ito. Ipaliwanag na ang mga bahaghari ay mga paalaala ng mga ipinangako ng Diyos sa atin.
-
Pag-usapan ninyo ng mga bata ang tungkol sa ilan sa mga pangako ng Diyos—halimbawa, na makababalik tayo sa Ama sa Langit kung sinusunod natin si Jesucristo, o na ipadadala ng Diyos ang Espiritu Santo para panatagin tayo. Magpatotoo na laging tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako.
-
Gumamit ng mga larawan para ibahagi sa mga bata ang tungkol sa mga tipang ginagawa natin sa Diyos, tulad ng mga larawan ng isang batang binibinyagan, sakramento, at isang templo (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 104, 108,120).
Ang tanging paraan para makarating sa langit ay sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo.
Inakala ng mga tao sa Babel na makakarating sila sa langit sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang tore sa halip na sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan na ang pagsunod sa Tagapagligtas ang tanging daan pabalik sa ating Ama sa Langit?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isalaysay ang kuwento ng Tore ng Babel sa sarili mong mga salita, o basahin ang kuwento na matatagpuan sa “Ang Tore ng Babel” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Hikayatin ang mga bata na tulungan ka sa pamamagitan ng pagbabahagi ng nalalaman nila tungkol sa kuwento.
-
Magpagawa sa mga bata ng isang tore mula sa mga block o iba pang mga bagay. Pagkatapos ay ipakita sa mga bata ang larawan ng Tagapagligtas, at itanong sa kanila kung alin ang daan pabalik sa Ama sa Langit—ang magtayo ng isang tore o ang sumunod kay Jesucristo? Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang mga bagay na magagawa nila para sundin ang Tagapagligtas.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Genesis 6:14–22; 7–8; Moises 8:16–30
Ang pagsunod sa propeta ay magpapala sa akin at sa aking pamilya.
Ang mga bata ay lumalaki sa isang masamang mundo, na sa ilang paraan ay katulad ng mundo noong panahon ni Noe. Ang karanasan ni Noe ay makapagbibigay sa kanila ng tiwala na makakahanap sila ng espirituwal na kaligtasan kapag sinusunod nila ang propeta.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na pumili ng mga talata mula sa Genesis 6:14–22; 7–8 na mailalahad nila sa isang drowing. Gamitin ang kanilang mga drowing sa pagtuturo sa kanila ng kuwento ni Noe. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kuwento.
-
Magpakita ng larawan ni Noe (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 7–8) at ng kasalukuyang propeta. Tulungan ang mga bata na saliksikin ang Moises 8:16, 19–20, 23–24 para mahanap ang mga bagay na itinuro ni Noe na itinuturo pa rin ng mga lider ng Simbahan ngayon. Paano tayo pinagpapala kapag sinusunod natin ang mga turong ito?
-
Magbahagi ng isang bagay na itinuro kamakailan ng kasalukuyang propeta. Hilingin sa mga bata na sumulat sa mga piraso ng papel ng isang bagay na itinuro ng propeta, at tulungan silang ayusin ang mga piraso para maging hugis arka ito. Paano natutulad ang mga turong ito sa arkang ginawa ni Noe?
Kailangan nating alalahanin ang ating mga tipan.
Sa ating binyag, nakikipagtipan tayo sa Diyos na susundin natin ang Kanyang mga utos. Sa Genesis 9:15–17, ang bahaghari ay tinutukoy bilang isang paalaala sa tipan ng Diyos. Ang mga talatang ito ay makahihikayat sa mga bata na maghanap ng mga paraan para alalahanin ang kanilang mga tipan sa Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng isang bagay na nagpapaalaala sa iyo ng isang mahalagang bagay sa buhay mo, tulad ng singsing sa kasal, larawan, o journal. Magpabahagi sa mga bata ng sarili nilang mga halimbawa. Sama-samang basahin ang Genesis 9:15–17 at ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 9:21–25 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]. Ano ang nais ng Ama sa Langit na isipin natin kapag nakakakita tayo ng bahaghari?
-
Ipaalala sa mga bata ang mga tipang ginawa nila nang sila ay bininyagan at pinapanibago nila tuwing nakikibahagi sila ng sakramento (tingnan sa Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Sabihin sa mga bata na magdrowing o lumikha ng isang bagay na nagpapaalaala sa kanila ng kanilang mga tipan.
Ang tanging paraan para makarating sa langit ay sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo.
Bagama’t ang mga tao ngayon ay hindi sumusubok na magtayo ng tore para makarating sa langit, marami ang nagsisikap na magtamo ng kapayapaan at kaligayahan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga landas na hindi itinakda ni Jesucristo. Paano mo magagamit ang kuwento ng Tore ng Babel sa pagtuturo ng alituntuning ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kuwento ng Tore ng Babel (tingnan sa Genesis 11:1–9). Ayon sa Helaman 6:28, bakit itinayo ng mga tao sa Babel ang tore? Bakit hindi tamang paraan ang pagtatayo ng toreng ito para makarating sa langit? Ano ang maipapayo natin sa mga tao sa Babel?
-
Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang 2 Nephi 31:20–21 at Helaman 3:28 upang mahanap ang tamang landas para makarating sa langit. Magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para maituro nila sa kanilang pamilya ang tungkol sa mga kuwentong natutuhan nila sa Primary. Halimbawa, maaari nilang gamitin ang mga larawang iginuhit nila o ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito.