“Pebrero 7–13. Genesis 12–17; Abraham 1–2: ‘Maging Isang Higit na Dakilang Tagasunod ng Kabutihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Pebrero 7–13. “Genesis 12–17; Abraham 1–2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Pebrero 7–13
Genesis 12–17; Abraham 1–2
“Maging Isang Higit na Dakilang Tagasunod ng Kabutihan”
Tandaan na hindi kailangan—ni posible—na matalakay ang lahat ng nasa outline na ito. Hayaang gabayan ka ng Espiritu sa mga alituntunin at aktibidad na pinakamakabuluhan sa mga batang tinuturuan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ang mga pamilya ng mga batang tinuturuan mo ay inanyayahang pag-aralan ang tungkol kina Abraham at Sara nitong nakaraang linggo. Bigyan ang mga bata ng pagkakataong magbahagi ng isang bagay na nalalaman nila tungkol kay Abraham o kay Sara.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari akong akayin sa kamay ni Jesucristo.
Nais ni Abraham na maging mabuti kahit na ang mga miyembro ng kanyang pamilya ay masasama. Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Akin kitang aakayin ng aking kamay” (Abraham 1:18). Tulad ng ipinangako ng Diyos kay Abraham, maaari Niyang akayin ang mga batang tinuturuan mo kapag nagnanais sila na piliin ang tama.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang Abraham 1:18 at 2:8, at anyayahan ang mga bata na makinig para alamin ang isang bahagi ng katawan na binanggit sa mga talatang ito. Ano kaya ang pakiramdam ng akayin tayo sa kamay ni Jesucristo o maprotektahan tayo ng Kanyang kamay? Magpatotoo na ginagabayan tayo ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.
-
Gamitin ang “Si Abraham” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) para tulungan ang mga bata na maunawaan na ang mga tao sa paligid ni Abraham ay gumawa ng masama, pero gusto ni Abraham na gawin ang tama at siya ay tinulungan ng Panginoon. Paano tayo tinutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag sinisikap nating piliin ang tama? Kumanta ng isang awitin na may kaugnayan sa mga alituntuning ito, tulad ng “Turuang Lumakad sa Liwanag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 70).
-
Magpakita ng ilang larawan ng Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 38, 39, 40, at 41), at tulungan ang mga bata na makita ang mga bagay na ginawa Niya sa Kanyang mga kamay. Ano ang magagawa natin sa ating mga kamay para matulungan ang ibang tao?
Kaya kong maging isang tagapamayapa.
Nang hindi magkasundo ang mga pastol nina Abraham at Lot dahil sa mga lupaing pastulan, nagmungkahi si Abraham ng solusyon na naghatid ng kapayapaan. Maaari mong gamitin ang halimbawang ito para hikayatin ang mga bata na maging mga tagapamayapa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibahagi sa mga bata ang kuwento mula sa Genesis 13:5–12, at anyayahan silang isadula ito. Sabihin sa mga bata na halinhinan na magkunwaring sila ay sina Abraham, ang pamangkin niyang si Lot, at ang mga pastol. Magmungkahi ng mga paraan kung paano nila masusunod ang halimbawa ni Abraham sa pagiging tagapamayapa, tulad ng paghahalinhinan sa mga laruan kapag naglalaro kasama ng isang kaibigan. Anyayahan silang isadula ang mga halimbawang ito.
-
Basahin ang Mateo 5:9, at ipaliwanag na nais ni Jesus na maging mga tagapamayapa tayo. Tulungan ang mga bata na isipin kung ano ang magagawa nila para maging mga tagapamayapa sa tahanan o sa mga kaibigan. Anyayahan silang idrowing ang kanilang sarili bilang isang tagapamayapa. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang nadarama nila kapag sila ay mga tagapamayapang katulad ni Jesucristo.
Genesis 15:1–6; 17:1–8; Abraham 2:9–11
Mahalagang tuparin ang aking mga pangako.
Ang pag-aaral tungkol sa tipan na ginawa ng Diyos kina Abraham at Sara ay makatutulong sa mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng pagtupad sa mga pangako. Matutulungan din sila nitong maghanda na gumawa at tumupad ng mga tipan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung alam nila kung ano ang isang pangako o tipan. Anyayahan sila na magbahagi ng mga karanasan noong nangako sila o noong nangako ang isang tao sa kanila. Kung makakatulong, magbahagi ka rin ng ilang sarili mong halimbawa. Tulungan ang mga bata na maunawaan na nangako sina Abraham at Sara na susundin nila ang Diyos. Pumili ng ilang parirala mula sa Genesis 15:1–6; 17:1–8; Abraham 2:9–11 para maibahagi ang ilan sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa kanila. Maaaring kabilang dito ang “Huwag kang matakot, Abram: ako ang iyong kalasag,” “Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa,” o “Pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo.”
-
Ano ang ilang simpleng pangako na magagawa at matutupad ng mga bata sa oras ng klase? Halimbawa, hilingin sa kanila na mangako na manatili sa kanilang mga upuan nang ilang minuto o ligpitin ang kanilang mga upuan pagkatapos ng klase. Ibahagi sa kanila ang isang pagkakataon na nangako ka at tinupad mo ito, at anyayahan sila na magbahagi ng anumang karanasan na nagkaroon sila. Tulungan silang maunawaan na gagawa sila ng mga pangako sa Ama sa Langit kapag sila ay nabinyagan at pumunta sa templo.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin ko.
Noong nasa panganib ang buhay ni Abraham, nanalangin siya sa Diyos at siya ay naligtas. Ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring mayroong mga sariling karanasan sa panalangin na maaari nilang ibahagi.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawan na An Angel Saves Abraham (ChurchofJesusChrist.org), at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang nalalaman nila sa kuwento na inilalahad nito, matatagpuan ito sa Abraham 1:12, 15–17. Hilingin sa mga bata na basahin ang mga talatang ito at ibahagi ang natututuhan nila tungkol sa panalangin.
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan kung saan sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin, at magbahagi ng isa sa sarili mong mga karanasan.
Kaya kong maging isang tagapamayapa.
Tayong lahat ay nahaharap sa mga sitwasyon kung saan natutukso tayong maging dismayado at palaaway. Isipin kung paano makakatulong sa mga bata ang kuwento nina Abraham at Lot para sila ay maging mga tagapamayapa sa mga ganitong sitwasyon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang Pangunahing Tauhan, Tagpo, Problema, at Solusyon. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Genesis 13:5–12 at tukuyin ang mga bahagi ng kuwento na nakalista sa pisara. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan sila ay maaaring maging mga tagapamayapa, tulad ng kapag may gustong makipagtalo o makipag-away. Pagkatapos ay anyayahan sila na isadula kung paano sila magiging mga tagapamayapa sa mga sitwasyong tulad nito.
-
Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga paksang “Kapayapaan” at “Tagapamayapa” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan ang bawat bata na pumili ng isang talata sa banal na kasulatan tungkol sa kapayapaan at ibahagi ang natututuhan nila sa klase. Tulungan silang mag-isip ng ilang halimbawa na naging tagapamayapa ang Tagapagligtas, tulad ng nasa Lucas 22:50–51. Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa?
Genesis 17:1–8; Abraham 2:8–11
Kaya kong tuparin ang mga tipang ginawa ko sa Ama sa Langit.
Ang pagtuturo sa mga bata ng tungkol sa mga tipang ginawa ng Diyos kina Abraham at Sara ay makakatulong sa kanila na isipin ang sarili nilang mga tipan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Genesis 17:1–8 at Abraham 2:8–11 at gumawa ng dalawang listahan: mga ipinagawa kay Abraham at mga ipinangako ng Panginoon sa kanya bilang kapalit nito. Ano ang natutuhan natin tungkol sa Panginoon sa mga talatang ito?
-
Magpakita ng larawan ng isang taong binibinyagan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103, 104). Hilingin sa mga bata na ilista ang mga pangako na ginagawa ng isang tao sa binyag at ang mga pangako ng Diyos bilang kapalit nito. Imungkahi sa mga bata na tingnan ang Mosias 18:10; Doktrina at mga Tipan 20:37, 77, 79 para sa tulong. Ano ang maaari nating gawin para matupad ang mga tipan na ginawa natin sa binyag?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Magpauwi ng maikling sulat sa mga bata na naghihikayat sa mga miyembro ng kanilang pamilya na pansinin ang mga bata kung sila ay nagiging mga tagapamayapa, tumutupad sa mga pangako, o gumagawa ng ibang bagay na tinalakay ninyo sa klase.