“Pebrero 28–Marso 6. Genesis 28–33: ‘Tunay na ang Panginoon ay Nasa Dakong Ito,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Pebrero 28–Marso 6. Genesis 28–33,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Pebrero 28–Marso 6
Genesis 28–33
“Tunay na ang Panginoon ay Nasa Dakong Ito”
Habang binabasa mo ang Genesis 28–33, pagnilayan kung paano mapagpapala ng mga kuwento at alituntunin sa mga kabanatang ito ang mga batang tinuturuan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na maghagis o magpagulong ng bola papunta sa isa’t isa. Kapag nasalo ng mga bata ang bola, hilingin sa kanila na magbahagi ng isang bagay na natututuhan nila mula sa Lumang Tipan, sa tahanan o sa Primary.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Tinutulungan ako ng mga tipan na makabalik sa Ama sa Langit.
Sa isang panaginip, nakita ni Jacob ang isang hagdan na papuntang langit. Ang mga baitang ng hagdan ay maaaring kumatawan sa pakikipagtipan natin sa Diyos, dahil makatutulong ang mga tipang ito na ihanda tayong makabalik sa Kanyang piling.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Genesis 28:12–13 sa mga bata. Ipaliwanag na ang mga baitang ng hagdan ay maaaring kumatawan sa pakikipagtipan natin sa Diyos, dahil makatutulong ang mga tipang ito na ihanda tayong makabalik sa Kanyang piling. Anyayahan ang mga bata na magkunwaring umaakyat sila sa hagdan habang nagbabahagi ka tungkol sa mga pagkakataon na nangangako tayong sundin ang Diyos, tulad nang tayo ay binyagan, tumatanggap ng sakramento, o pumupunta sa templo. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na makapaghahanda silang gumawa ng mga tipan kapag sila ay bininyagan.
-
Basahin ang Genesis 28:15 sa mga bata, na binibigyang-diin ang mga salitang “Ako’y sumasa iyo” at “Hindi kita iiwan.” Ipaliwanag na ipinangako ng Diyos na palagi Niya tayong sasamahan kapag sinisikap nating piliin ang tama. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila para mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Dapat kong tuparin palagi ang aking mga pangako.
Pumayag si Jacob na magtrabaho para kay Laban nang pitong taon para mapakasalan niya ang anak ni Laban na si Raquel. Tinupad ni Jacob ang kasunduang ito, ngunit hindi tumupad si Laban. Maaari mong gamitin ang kuwentong ito para ituro sa mga bata ang tungkol sa kahalagahan ng pagtupad sa ating mga pangako.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Genesis 29:18, 20 sa mga bata, at ipaliwanag na tinupad ni Jacob ang kanyang pangako na magtrabaho nang pitong taon kay Laban para mapakasalan niya si Raquel, kahit na matagal na panahon ito ng pagtatrabaho (tingnan din sa “Si Jacob at ang Kanyang Mag-anak,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pangako na maaari nilang gawin sa ibang tao. Bakit mahalaga na tuparin ang ating mga pangako? Tulungan silang maunawaan na ang tipan ay isang sagradong pangako sa pagitan ng Diyos at ng bawat isa sa atin. Magpatotoo na palaging tinutupad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang mga pangako.
-
Sama-samang kantahin at talakayin ang isang awitin tungkol sa pagiging tapat, tulad ng “Ang Tama’y Ipaglaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 81).
Matutulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mahalin ang aking pamilya.
Alam ng karamihan sa mga bata kung ano ang pakiramdam ng magalit sa isang kapatid. Ang kuwento kung paano dinaig nina Jacob at Esau ang kanilang galit sa isa’t isa ay maaaring maging inspirasyon sa kanila.
Paglalarawan kina Jacob at Esau na magkayakap, ni Robert T. Barrett
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na maalala kung bakit nagalit si Esau kay Jacob (tingnan sa Genesis 27:41 o “Sina Jacob at Esau,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Hilingin sa mga bata na ipakita sa iyo kung ano ang hitsura ng galit na mukha. Ipaliwanag na pagkaraan ng maraming taon, natakot si Jacob na bisitahin si Esau. Hilingin sa mga bata na ipakita sa iyo kung ano ang hitsura ng natatakot na mukha. Ano ang kailangan nating gawin kapag natatakot tayo? Anyayahan ang mga bata na magkunwaring nananalangin habang binabasa mo kung ano ang sinabi ni Jacob sa kanyang panalangin (tingnan sa Genesis 32:11). Pagkatapos ay basahin sa Genesis 33:4 ang nangyari nang makita ni Esau si Jacob. Hilingin sa mga bata na ipakita sa iyo kung ano ang maaaring naging hitsura ng mga mukha nina Jacob at Esau nang magkita silang muli.
-
Ipakita ang larawan nina Jacob at Esau na nasa outline na ito. Ipabahagi sa mga bata kung ano ang nakikita nila sa larawan. Sabihin sa kanila na nagkasamaan man ng loob ang dalawang magkapatid na ito, pero pinili pa rin nilang patawarin ang isa’t isa. Tulungan ang mga bata na mag-isip kung paano sila makapagpapakita ng higit na pagmamahal sa isang tao sa kanilang pamilya, tulad ng pagpapakita ng pagmamahal nina Jacob at Esau sa isa’t isa.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Tinutulungan ako ng mga tipan na makabalik sa Ama sa Langit.
Maaari mong gamitin ang panaginip ni Jacob tungkol sa hagdan na paakyat sa langit para maituro sa mga bata na ang pagtupad sa ating mga tipan ay naghahanda sa atin para makapiling ang Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Genesis 28:10–15 at pagkatapos ay magdrowing ng larawan ng panaginip ni Jacob. Hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga larawan. Ipaliwanag na ang hagdan ay kumakatawan sa paraan para makabalik si Jacob sa Diyos. Ano ang ibinigay ng Diyos para tulungan tayong makabalik sa Kanya? (tingnan ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Ipaalala sa mga bata ang kanilang mga tipan sa binyag. Paano magagawa ng pamumuhay ng tipang ito na mas mailapit tayo sa Diyos?
-
Magpakita ng larawan ng isang templo, at isulat sa pisara ang mahahalagang parirala mula sa Genesis 28:15–17, tulad ng: “Ako’y sumasa iyo,” “ang Panginoon ay nasa dakong ito,” “Bahay ng Diyos” o “Ang pintuan ng langit.” Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga pariralang ito. Sabihin sa mga bata kung paano ka natutulungan ng templo at ng mga tipan sa templo na mas mapalapit sa Panginoon.
Naniniwala ako sa pagiging matapat.
Tinupad ni Jacob ang kanyang pangako na maglingkod kay Laban nang pitong taon, ngunit nilinlang siya ni Laban. Paano mo magagamit ang kuwentong ito para matulungan ang mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng pagiging matapat kahit na ang iba ay hindi tapat?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin nang sabay-sabay ang Genesis 29:16–30, at tulungan ang mga bata na ibuod ang mga pangyayari sa mga talatang ito. Paano tumugon si Jacob nang nilinlang siya? Ano ang matututuhan natin mula sa kuwentong ito?
-
Isulat sa pisara ang Ano ang mangyayari kapag tayo ay hindi tapat? at Ano ang mangyayari kapag tayo ay matapat? Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga sagot sa pamamagitan ng pagbabasa ng “Katapatan at Integridad” (sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [2011], 19).
Matutulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mahalin ang aking pamilya.
Si Esau ay galit kay Jacob, at si Jacob ay takot na makitang muli ni Esau, kahit pagkatapos ng 20 taon na pagkakawalay. Ngunit humingi ng tulong si Jacob sa panalangin, at nagawang daigin ni Esau ang kanyang galit. Paano mo magagamit ang kuwentong ito para turuan ang mga bata ng kahalagahan ng pagmamahal sa ating pamilya?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung ano ang naaalala nila tungkol sa ugnayan nila Jacob at Esau (tingnan sa Genesis 27:41 o “Sina Jacob at Esau,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Ipaliwanag na matapos magkalayo sa loob ng 20 taon, makikitang muli ni Jacob si Esau. Sama-samang basahin ang Genesis 32:6–11. Ano ang naramdaman ni Jacob? Ano ang ginawa niya para makahingi ng tulong? Magpatotoo na makahihingi tayo ng tulong mula sa Ama sa Langit kapag may problema tayo sa mga ugnayan ng ating pamilya. Basahin nang sabay-sabay ang Genesis 33:1–4 para malaman kung paano sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Jacob.
-
Magbahagi ng isang personal na karanasan o magkuwento mula sa mga magasin ng Simbahan kung paano magpakita ng ibayong pagmamahal sa ating pamilya. Anyayahan ang mga bata na magbahagi rin ng kanilang mga karanasan. Ano ang maaari nating gawin kapag nagagalit sa atin ang isang miyembro ng ating pamilya? Para malaman kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa atin na gawin, tingnan sa Mateo 5:43–45.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ipakita ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito sa kanilang pamilya para matulungan silang matuto mula sa at alalahanin ang panaginip ni Jacob.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo
Gumamit ng mga larawan upang matulungan ang mga bata na maunawaan ang mga kuwento sa banal na kasulatan. Madalas ay mas natututo ang mga bata kapag nakikita nila ang mga larawan ng mga kuwento o turo sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, maaari mong ipakita ang larawan na nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.