Lumang Tipan 2022
Pebrero 28–Marso 6. Genesis 28–33: “Tunay na ang Panginoon ay Nasa Dakong Ito”


“Pebrero 28–Marso 6. Genesis 28–33: ‘Tunay na ang Panginoon ay Nasa Dakong Ito,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Pebrero 28–Marso 6. Genesis 28–33,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Tijuana Mexico Temple

Pebrero 28–Marso 6

Genesis 28–33

“Tunay na ang Panginoon ay Nasa Dakong Ito”

Habang binabasa mo ang Genesis 28–33, pagnilayan ang natututuhan mo mula sa mga halimbawa ni Jacob at ng kanyang pamilya. Isulat ang mga impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang mga kabanata 28 at 32 ng Genesis ay nagkukuwento ng dalawang espirituwal na karanasan ng propetang si Jacob. Pareho itong nangyari sa ilang ngunit sa lubhang magkaibang sitwasyon. Sa unang karanasan, si Jacob ay naglalakbay papunta sa bayan ng kanyang ina para maghanap ng mapapangasawa at, habang daan, nagpalipas ng gabi na nakaunan sa mga bato. Maaaring hindi niya inasahang matagpuan ang Panginoon sa gayon kapanglaw na lugar, ngunit inihayag ng Diyos ang Kanyang sarili kay Jacob sa isang panaginip na nagpabago ng kanyang buhay, at ipinahayag ni Jacob, “Tunay na ang Panginoon ay nasa dakong ito; at hindi ko nalalaman” (Genesis 28:16). Makalipas ang maraming taon, muling natagpuan ni Jacob ang kanyang sarili sa ilang. Sa pagkakataong ito, pabalik na siya sa Canaan, na nahaharap sa isang mapanganib na pakikipagkitang muli sa kanyang galit na kapatid na si Esau. Ngunit alam ni Jacob na kapag kailangan niya ng basbas, maaari niyang hanapin ang Panginoon, maging sa ilang (tingnan sa Genesis 32).

Maaaring kang mapunta sa sarili mong ilang na naghahangad ng pagpapala mula sa Diyos. Marahil ang iyong ilang ay isang mahirap na ugnayan ng pamilya, tulad ng kay Jacob noon. Pakiramdam mo siguro ay malayo ka sa Diyos o na kailangan mo ng basbas. Kung minsan ang pagpapala ay dumarating nang hindi inaasahan; kung minsan naman ay kailangan mo munang makipagbuno. Anuman ang kailangan mo, matutuklasan mo na maging sa iyong ilang, “ang Panginoon ay nasa dakong ito.”

Learn More image
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Genesis 28; 29:1–18

Ipinangako sa akin ang mga pagpapala kay Abraham sa loob ng templo.

Habang papunta sa Haran para maghanap ng mapapangasawa, napanaginipan ni Jacob ang isang hagdan na mula sa lupa hanggang langit, at nakatayo ang Diyos sa ibabaw nito. Sa panaginip, pinanibago ng Diyos kay Jacob ang mga tipan ding iyon na ginawa Niya kina Abraham at Isaac (tingnan sa Genesis 28:10–17; tingnan din sa Genesis 12:2–3; 26:1–4). Ibinahagi ni Pangulong Marion G. Romney ang kaisipang ito tungkol sa maaaring katawanin ng hagdan: “Natanto ni Jacob na ang mga tipang ginawa niya sa Panginoon ay may mga baitang sa hagdan na kailangan niya mismong akyatin upang matamo ang ipinangakong mga pagpapala—mga pagpapalang magpapamarapat sa kanya na makapasok sa langit at makasama ang Panginoon. … Ang mga templo para sa ating lahat ay tulad ng Betel noon para kay Jacob” (“Temples—The Gates to Heaven,” Ensign, Mar. 1971, 16).

Anong iba pang mga salita at parirala sa Genesis 28:10–22 ang nagpapahiwatig sa iyo ng kaugnayan sa pagitan ng karanasan ni Jacob at ng mga pagpapala ng templo? Habang binabasa mo ang mga talatang ito, pag-isipan ang mga tipang ginawa mo; anong mga impresyon ang dumarating sa iyo?

Habang binabasa mo ang Genesis 29:1–18, pagnilayan kung paano naging mahalaga ang kasal ni Jacob kay Raquel sa tipan na pinanibago ng Diyos kay Jacob sa Betel (“bahay ng Dios”; tingnan Genesis 28:10–19). Isaisip ang karanasang ito habang patuloy kang nagbabasa tungkol sa buhay ni Jacob sa Genesis 29–33. Paano ka mas nailapit ng bahay ng Panginoon sa Diyos?

Tingnan din sa Yoon Hwan Choi, “Huwag Magpalingun-lingon, Tumingala Ka!Liahona, Mayo 2017, 90–92.

Genesis 29:31–35; 30:1–24

Naaalala ako ng Panginoon sa aking mga pagsubok.

Kahit nabuhay sina Raquel at Lea sa isang panahon at kulturang naiiba sa atin, mauunawaan nating lahat ang ilan sa mga nadama nila. Habang binabasa mo ang Genesis 29:31–35 at 30:1–24, hanapin ang mga salita at pariralang naglalarawan sa awa ng Diyos kina Raquel at Lea. Pagnilayan kung paano “nilingap ng [Diyos ang iyong] kapighatian” at “naalala” ka (Genesis 29:32; 30:22).

Mahalaga ring tandaan na kahit naririnig tayo ng Diyos, sa Kanyang karunungan ay hindi Niya palaging ibinibigay sa atin ang mismong hinihiling natin. Isiping pag-aralan ang mensahe ni Elder Brook P. Hales na “Mga Sagot sa Panalangin” (Liahona, Mayo 2019, 11–14) para malaman ang iba’t ibang paraan ng pagsagot sa atin ng Ama sa Langit.

sina Jacob at Esau na magkayakap

Paglalarawan kina Jacob at Esau na magkayakap, ni Robert T. Barrett

Genesis 32–33

Matutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang alitan sa ating mga pamilya.

Nang magbalik si Jacob sa Canaan, “natakot na mainam … at nahapis” si Jacob kung paano siya tatanggapin ni Esau (Genesis 32:7). Habang binabasa mo ang Genesis 32–33 tungkol sa pagtatagpo nina Jacob at Esau at sa kanyang damdamin na humantong dito, maaari mong pagnilayan ang mga ugnayan sa sarili ninyong pamilya—marahil ay yaong kailangang paghilumin. Maaari ka sigurong mahikayat ng kuwentong ito na tulungan ang isang tao. Maaaring magabayan ng mga tanong na tulad nito ang iyong pagbabasa:

  • Paano naghanda si Jacob sa pakikipagkita kay Esau?

  • Ano ang namumukod-tangi sa iyo tungkol sa panalangin ni Jacob na matatagpuan sa Genesis 32:9–12?

  • Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagpapatawad mula sa halimbawa ni Esau?

  • Paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na mapaghilom ang mga ugnayan sa ating pamilya?

Tingnan din sa Lucas 15:11–32; Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 77–79.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Genesis 28–33.Gamitin ang “Si Jacob at ang Kanyang Mag-anak” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) para maipaunawa sa mga bata ang mga kaganapan sa mga kabanatang ito. Maaari sigurong tumigil sandali ang mga miyembro ng pamilya sa bawat larawan at tukuyin kung ano ang itinuturo, tulad ng kahalagahan ng pag-aasawa, mga tipan, gawain, at pagpapatawad.

Genesis 28:10–22.Maaari kang gumamit ng isang hagdan (o isang larawan nito) para pag-usapan kung paano naging katulad ng isang hagdan ang ating mga tipan. Anong mga tipan ang nagawa natin, at paano tayo mas inilalapit ng mga ito sa Diyos? Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng pamilya sa pagdodrowing ng panaginip ni Jacob, na inilarawan sa Genesis 28:10–22.

Ang himnong “Sa Inyo, Aking Diyos, Lumalapit” (Mga Himno, blg. 55) ay nabigyang-inspirasyon ng panaginip ni Jacob. Maaaring kantahin ng inyong pamilya ang awiting ito at talakayin kung ano ang itinuturo ng bawat talata.

Genesis 32:24–32.Maaaring mayroon kayong mga miyembro ng pamilya na gustong makipagbuno. Bakit magandang paraan ang “pakikipagbuno” para ilarawan ang paghahangad ng mga pagpapala mula sa Panginoon? Ano ang iminumungkahi ng Enos 1:1–5; Alma 8:9–10 kung ano ang ibig sabihin ng “makipag[buno] … sa harapan ng Diyos”?

Genesis 33:1–12.Pagkaraan ng maraming taon ng hinanakit, muling nagkasama sina Jacob at Esau. Kung makakausap tayo nina Jacob at Esau ngayon, ano kaya ang sasabihin nila para matulungan tayo kapag may pagtatalo sa ating pamilya?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Mga Bata, Diyos ay Malapit,” Mga Himno, blg. 44.

Pagpapahusay ng Personal na Pag-aaral

Hanapin si Jesucristo. Pinatototohanan ng Lumang Tipan si Jesucristo sa pamamagitan ng mga kuwento at simbolo nito. Isiping itala o markahan ang mga talatang tumutukoy sa Tagapagligtas at makabuluhan lalo na para sa iyo.

si Jacob na napapanaginipan ang mga anghel sa hagdan

Jacob’s Dream at Bethel [Panaginip ni Jacob sa Betel], ni J. Ken Spencer