Mensahe ng Unang Panguluhan
Tinawag sa Gawain
Nang tawagin ni Propetang Joseph Smith si Elder Heber C. Kimball (1801–68) na “buksan ang pintuan ng kaligtasan” bilang missionary sa England, nakadama ng kakulangan si Elder Kimball.
“O, Panginoon,” pagsulat niya, “Pautal-utal po akong magsalita, at talagang hindi nararapat sa gayong gawain.”
Gayunpaman ay tinanggap ni Elder Kimball ang tawag, at idinagdag na: “Hindi nakahadlang sa tungkulin ko ang mga bagay na ito; nang maunawaan ko ang kalooban ng aking Ama sa Langit, nagkaroon ako ng determinasyong pumunta anuman ang mangyari, sa paniniwalang tutulungan Niya ako sa pamamagitan ng Kanyang pinakamakapangyarihang lakas, at pagkakalooban ako ng lahat ng katangiang kailangan ko.”1
Mga kapatid na tinawag na maging full-time missionary, kayo ay tinawag sa gawain dahil kayo, tulad ni Elder Kimball, ay may “naising maglingkod sa Diyos” (D at T 4:3) at dahil kayo ay handa at karapat-dapat.
Mga senior couple, kayo ay tinawag sa gawain sa gayunding mga kadahilanan. Gayunman, dala ninyo hindi lamang ang naising maglingkod kundi maging ang karunungang natamo mula sa mga panahon ng sakripisyo, pagmamahal, at karanasan na magagamit ng inyong Ama sa Langit para antigin ang puso ng Kanyang mga anak na naghahanap sa katotohanan. Walang alinlangang natutuhan ninyo na hindi natin maaaring mahalin nang tunay ang Panginoon kailanman hangga’t hindi natin Siya pinaglilingkuran sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.
Sa hangarin ninyong maglingkod bilang missionary, idaragdag ninyo ang pananampalataya at tibay, tapang at tiwala, paninindigan at katatagan, determinasyon at katapatan. Ang tapat na mga missionary ay makagagawa ng mga himala sa mission field.
Ibinuod ni Pangulong John Taylor (1808–87) ang mahahalagang katangian ng mga missionary sa ganitong paraan: “Ang uri ng kalalakihan [at kababaihan at mag-asawa] na nais nating maging mga tagapagdala ng mensaheng ito ng ebanghelyo ay kalalakihang may pananampalataya sa Diyos; kalalakihang may pananampalataya sa kanilang relihiyon; kalalakihang iginagalang ang kanilang priesthood; kalalakihang pinagkakatiwalaan ng … Diyos . … Nais natin ng kalalakihang puspos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos[,] … kalalakihang may karangalan, integridad, kalinisan at kadalisayan.”2
Sinabi na ng Panginoon:
“Sapagkat masdan ang bukid ay puti na upang anihin; at narito, siya na humahawak sa kanyang panggapas nang buo niyang lakas, siya rin ay nag-iimbak nang hindi siya masawi, kundi nagdadala ng kaligtasan sa kanyang kaluluwa;
“At pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, ang kinakailangan upang maging karapat-dapat siya sa gawain” (D at T 4:4–5).
Ang inyong tawag ay dumating sa pamamagitan ng inspirasyon. Pinatototohanan ko na sinumang tawagin ng Diyos, ay pinapagindapat ng Diyos. Tatanggap kayo ng tulong ng langit kapag nagtrabaho kayo nang may panalangin sa ubasan ng Panginoon.
Ang magandang pangakong ibinigay ng Panginoon sa mga missionary sa dispensasyong ito, tulad ng nakasaad sa Doktrina at mga Tipan, ay mapapasainyo: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).
Habang naglilingkod kayo, magkakaroon kayo ng sagana at walang-hanggang mga alaala at pagkakaibigan. Wala akong alam na iba pang larangan na nagbibigay ng mas malaking kaligayahan kaysa sa mission field.
Ngayon, isang pahayag para sa mga elder, sister, at mag-asawang iyon na sa anumang dahilan ay hindi maaaring makatapos ng kanilang nakatalagang panahon sa mission field: Mahal kayo ng Panginoon. Pinasasalamatan Niya ang inyong paglilingkod. Alam Niya ang inyong ikinalulungkot. Dapat ninyong malaman na may ipagagawa pa rin Siya sa inyo. Huwag ninyong hayaang iba ang sabihin sa inyo ni Satanas. Huwag malungkot; huwag panghinaan ng loob; huwag mawalan ng pag-asa.
Tulad ng namasdan ko sa pangkalahatang kumperensya kaagad pagkatapos akong tawagin upang pamunuan ang Simbahan: “Huwag matakot. Magalak. Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”3 Ang pangakong iyan ay totoo pa rin sa inyo. Kaya huwag mawalan ng pananampalataya, dahil may sampalataya pa rin sa inyo ang Panginoon. Sundin ang inyong mga tipan at sumulong.
Kailangan ng mundo ang ebanghelyo ni Jesucristo. Nawa’y biyayaan ng Panginoon ang lahat ng Kanyang Banal—saanman tayo naglilingkod—taglay ang puso ng isang missionary.