2017
Ang mga Araw ng Linggo ay May Iba pang Kabuluhan
June 2017


Ang mga Araw ng Linggo ay May Iba pang Kabuluhan

Ang awtor ay naninirahan sa L’viv, Ukraine.

Nalaman namin na ang pag-anyaya kay Nikolai na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay mas epektibo kaysa sabihin lang sa kanya ang mga ito.

couple and friend walking to church

Paglalarawan ni Simone Shin

Maraming taon na ang nakalipas, habang nagtitinda sa lansangan sa isang munting bayan sa Poland, nakilala ko si Nikolai Shaveko. Natuklasan namin na kapwa kami nagmula sa Chernigov, Ukraine, at agad kaming naging magkaibigan.

Kalaunan ay nalaman ko na si Nikolai ay walang matitirhan, kaya sinabi naming mag-asawa na sa amin na siya tumira. Ang apartment namin ay hindi gaanong mainit o maginhawa, pero may ekstrang kuwarto kami. Sumang-ayon siya nang may pasasalamat at nakitira siya sa amin sa loob ng maikling panahon. Nakita niya kung paano kami mamuhay.

Walang Trabaho sa Araw ng Linggo?

Tulad ng karamihan sa mga nagbebenta ng mga kagamitan sa bahay, kinailangan naming magtrabaho nang matagal at masigasig para kumita ng sapat na pera para mabuhay. Ngunit hindi tulad ng karamihan sa mga tao, kaming mag-asawa ay hindi nagtatrabaho tuwing Linggo. Isang araw, itinanong ni Nikolai kung bakit. Bakit hindi tayo nagtatrabaho at kumikita nang isang buong araw?

“Ang mga Linggo ay hindi nilikha para magtrabaho o kumita,” sabi ko sa kanya. “May ibang layunin para dito.”

“Pero paano ninyo nakakayanang bumili ng pagkain at magbayad ng upa kung hindi kayo nagtatrabaho nang pitong araw sa isang linggo?” tanong niya.

Para masagot ang tanong niya, niyaya namin siyang sumama sa amin na magsimba. Iyon ang una niyang karanasang makarinig tungkol sa Simbahan, at hindi niya naunawaan kaagad ang kahalagahan nito. Inisip pa rin niya na kakatwa kami sa desisyon naming dumalo sa mga miting kaysa kumita ng pera. Ngunit sa sandaling iyon, madalas namin siyang kausapin tungkol sa aming mga paniniwala, at unti-unti, naging mas interesado siya.

Subukan Mo, at Iyong Makikita

Nakita ni Nikolai na ipinamumuhay namin ang alam naming totoo. Nakita niya ang mga pagpapalang dumating sa aming buhay. Oo, mahirap kumita nang sapat para mabuhay, pero alam namin na tamang panatilihing banal ang araw ng Sabbath. At pinagpala kami ng Panginoon. Laging sapat ang pera namin para sa aming mga pangangailangan. Nagpalakas iyan sa aming patotoo tungkol sa alituntunin at natulungan kaming maging mas mabubuting saksi kay Nikolai. Nadama naming dapat naming sabihin sa kanya na, “Subukan mo, at makikita mo!”

Isang linggo niyang sinubukan ito.

Sa halip na magtrabaho, sumama siyang magsimba sa amin. Hindi niya inisip na posibleng magtrabaho nang anim na araw lang sa isang linggo, pero dahil sa pag-asa at mga pagpapalang nakita niya sa aming buhay, sinubukan niya ito.

Nang linggong iyon, nang bilangin niya ang pera niya, nagulat siya. Mas malaki ang kinita niya sa linggong iyon kaysa karaniwan niyang kinikita sa pagtatrabaho nang pitong araw sa isang linggo!

Subukan Mo Ring Magbayad ng Ikapu

Ganyan din ang nangyari nang pag-usapan namin ang ikapu. Noong una, hindi maunawaan ni Nikolai kung paano namin nakakayang magbigay ng 10 porsiyento ng aming kita.

“Hindi ako magkakaroon ng sapat kahit kailan para gawin iyan!” giit niya.

Nagkibit-balikat lang kami. “Kapag sinubukan mo, makikita mo.”

Hindi siya makapaniwala, pero pagkatapos ay dahan-dahan siyang napangiti. “Kaya para itong hindi pagtatrabaho tuwing Linggo,” sabi niya. “Kung nagbabayad ka ng ikapu, magkakaroon ka ng sapat na pera para sa sarili mo at sa pangangailangan mo.”

Mahalagang rebelasyon iyon para kay Nikolai. Natutuhan niya sa kanyang sarili na kung susundin natin ang mga utos ng Diyos, pagpapalain tayo ng Diyos at magiging maayos ang lahat para sa ating kapakanan.

Nang umuwi na si Nikolai sa Chernigov, inanyayahan niya ang mga missionary na turuan siya at ang kanyang pamilya. Hindi nagtagal sumapi sila ng kanyang pamilya sa Simbahan. Kalaunan, naglingkod si Nikolai bilang branch president, at nagmisyon ang kanyang anak na babae sa Russia.

Gustung-gusto naming kausapin si Nikolai tungkol sa Simbahan, ngunit sa huli, ang pag-anyaya sa kanya na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay mas epektibo kaysa sabihin lang sa kanya ang mga ito. Sila ng kanyang pamilya ay nagkaroon ng patotoo at binago ang kanilang buhay dahil pinili nilang ipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo.