Pagkakaroon ng at Pagiging mga Tunay na Kaibigan
Ibinahagi ng mga kabataan mula sa Oxford, England, ang kanilang mga ideya tungkol sa tunay na pagkakaibigan.
Mula sa matalik mong kaibigan noong limang taong gulang ka pa lang hanggang sa bagong estudyanteng nakilala mo sa inyong klase sa math, mahalagang magkaroon ng mabubuting kaibigan. At tulad ng nakasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Kailangan ng bawat isa ng mabuti at tunay na mga kaibigan. Sila ay magiging malaking kalakasan at pagpapala sa inyo” ([2011], 16).
Ngunit paano kayo makahahanap at magkakaroon ng mabubuting kaibigan?
Tinanong namin ang mga kabataan sa England kung ano ang tunay na pagkakaibigan para sa kanila. Tingnan ang ilan sa kanilang mga kuwento tungkol sa kanilang mga tunay na kaibigan at paano sila napalakas ng mga kaibigang iyon. Maaaring matuklasan ninyo na malaking kalakasan sa inyo ang inyong mga kaibigan.
Ano ang katangian ng mabuting kaibigan?
Aaron M.: Palagay ko dapat sabik kang makita ang mga kaibigan mo. Dapat may malasakit ka sa kanila at dapat alam mong may malasakit sila sa iyo. Madarama mong komportable kang kasama sila. Hindi mo dama na dapat kang magpanggap kapag kasama mo sila.
Leighton H.: Isang taong sumusuporta sa iyo at umaaliw sa iyo.
Maddy H.: Isang taong pinagtitiwalaan mo.
Rachel P.: Palagay ko ang pagiging mabuting kaibigan ay iyong may isang taong nariyan para sa iyo, na sumusuporta sa iyo.
Emma F.: Palaging nariyan ang matalik kong kaibigan at tinutulungan niya ako. Nang iwanan ko ang high school para mag-homeschool, sinimulan niya akong i-text. Sabi niya, “Oy, kumusta ka na? Magkita tayo.” At hindi ganoon karami ang mga kaibigan ko noon, kaya naging matalik kaming magkaibigan. Alam niya palagi kapag malungkot ako. Kahit paano, hindi ko alam kung paano, pero alam niya palagi.
Paano Ka Sinusuportahan ng mga Kaibigan Mo?
Hannah P.: May mga kaibigan akong dumalo sa pagtatanghal ng choir namin noong kasali ako sa choir.
Andrew S.: Malaki ang tulong ng kaibigan ko sa akin sa football.
Bella F.: Para sa isang klase ng pag-aaral ng relihiyon nagpunta kami sa isang meetinghouse ng Simbahan, at naroon ang lahat ng missionary. Ang saya. Naisip ko rin na talagang magandang paraan iyon para maipasiya kung sino ang magiging mabubuti kong kaibigan dahil malalaman mo kung sino talaga ang gumagalang sa relihiyon ng ibang tao. Sasabihin nila, “Ah, hindi ka pala nagmumura?” At sasabihin nila, “OK, hindi ako magmumura kapag nariyan ka” at mga bagay na tulad nito. Binanggit namin na hindi kami umiinom ng kape at kung anu-ano pa, at sabi nila, “OK, hindi natin kailangang magpunta sa mga coffee shop.” Talagang magagalang silang lahat.
Emma B.: Talagang bukas ang isipan ng mga kaibigan ko tungkol sa relihiyon ko at sinasabing, “Alam mo, hindi naman ako naniniwala sa pinaniniwalaan mo, pero uunawain kita para malaman ko kung ano ang alam mo at pinaniniwalaan mo para matulungan kitang manatiling matatag.”
Calvin B.: Mula nang lumipat ako, wala pa ako talagang kilala sa paaralan. Kaya ang kilala ko lang ay mga miyembro ng simbahan. Kapag nasa aktibidad kami ng mga kabataan, mabait sila sa akin.
Emma F.: Noong kalilipat ko lang dito, kaunti lang ang mga kaibigan kong LDS dahil kaunti lang naman ang mga kabataang babae sa ward namin. Kalaunan, nagkaroon din ako ng isang kaibigan sa isang LDS youth convention, at nakagawa iyan ng kaibhan tungkol sa pagpunta ko sa mga aktibidad. Ipinakilala niya ako sa mga kaibigan niya, at kalaunan ay may mga kaibigan na akong LDS, at malaking tulong ito.
Paano Kayo Nakikipagkaibigan?
William S.: Kapag may bumati sa iyo, at nagkausap kayo, kalaunan ay magiging magkaibigan kayo.
James P.: Para sa akin, nagkakaroon tayo ng mga kaibigan sa pagdalo sa mga aktibidad. Tulad noong magpunta ako sa Amerika para magbakasyon, nagpunta ako sa Brigham Young University soccer camp, at wala akong kakilala roon. At pagkatapos ng unang araw, alam na ng lahat ang pangalan ko. Kaya sa pagsama lang sa mga aktibidad at pagsabay sa tanghalian o pagtutulungan.
Seth H.: Magkapareho kayo ng interes—interesado kayo sa iisang bagay. Ang paggawa ng mga praktikal na bagay ay magpapasimula ng mga pagkakaibigan.
Ano ang ipinagkaiba ng tunay na pagkakaibigan sa popularidad?
Seth H.: Ang pagkakaibigan ay personal, ang popularidad ay hindi personal. Sa aming paaralan hilig naming igrupo ang mga tao sa “mga taong popular,” batay sa kakayahan nila sa isport o siguro, para sa kalalakihan, kung ilan na ang naging kasintahan nila. Pero palagay ko maaari kang magkaroon ng maraming mabubuting kaibigan. Kaya kung mabait ka, malamang popular ka rin. Palagay ko ang mga tao na pinakamatagal na nananatiling popular ay ang mabubuting kaibigan.
Emma B.: Palagay ko nasa paraan ito ng pakikitungo mo sa ibang tao, kasi marami akong kilalang popular na tao na talagang walang galang, at hindi sila mabubuting kaibigan sa napakaraming tao. Pero marami din akong kilalang popular na tao na mabait sa lahat. Palagay ko iyan ang malaking kaibhan. Palagay ko nasa ugali na rin. Hindi mo puwedeng isipin na mas hamak ang ibang tao kumpara sa iyo—dahil hindi iyan totoo.
Isaac P.: Palagay ko kung may mabubuti kang kaibigan, mananatili silang kaibigan mo kahit ano pa ang isipin ng iba tungkol sa iyo. Iyan ang ginagawa mo kapag magkaibigan kayo.
Grace S.: Walang iwanan ang magkakaibigan at mapagkakatiwalaan sila.
Ano ang Natutuhan Ninyo sa mga Tunay na Kaibigan?
Aaron M.: Maging tapat sa iyong sarili. Hindi ka magkakaroon ng mga tunay na kaibigan kapag hindi ka tapat sa sarili mo. Kung ayaw nila ang mga pamantayan mo, hindi mo sila tunay na kaibigan at hindi sila tutulong kapag kailangan mo sila.
Isaac P.: Pakinggan ang sinasabi nila. Kung nagsasalita sila, huwag balewalain ang sinasabi nila. Basta magpokus sa kanila at dapat ay nariyan ka para sa kanila.
Emma B.: Ang isang ginagawa ng mabuting kaibigan ay iimbitahan ka kung saan-saan. Kukumustahin ka man lang. Magtatanung-tanong din sila kahit paano. Ang maliliit na bagay ang tunay na mahalaga.
James P.: Maging mas bukas ka rin, at isali mo sila sa grupo mo at makipagkita sa iba pang mga kaibigan. Maaari ka pa ring maging mabuting kaibigan.
Ang Tunay na Kaibigan …
Grace S.: Ang tunay na kaibigan ay isang taong kilala ka.
Andrew S.: Ang tunay na kaibigan ay isang taong maaasahan mo palagi.
James P.: Palagay ko maunawain sila.
Leighton H.: Kampante ka kapag kasama mo sila.
Calvin B.: Ang tunay na kaibigan ay sumusuporta.