2017
Ang Matapat na High Councilor
June 2017


Ang Matapat na High Councilor

May natutuhan akong isang mahalagang aral tungkol sa “magbuhat kung saan kayo nakatayo” mula sa isang matapat na high priest sa Germany.

men holding up a church

Noong Oktubre 2008, habang nakikinig ako sa mga brodkast ng sesyon sa priesthood ng pangkalahatang kumperensya, nagsimulang magsalita si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa paglilingkod sa Simbahan. Nagkuwento siya kung paano niya sinubukan at ng iba pang kalalakihan na ilipat ang isang mabigat na piyano. Nang mabigo ang lahat, hinimok sila ng isang lalaki na tumayo sila nang magkakatabi at “magbuhat kayo kung saan kayo nakatayo.”1

Patuloy na nagsalita si Pangulong Uchtdorf tungkol sa paglilingkod sa Simbahan saan man kayo tinawag na maglingkod. Nadarama ng ilang tao na mas makapaglilingkod sila kung pinagawa sila ng isang bagay na angkop sa kanilang malaking talento. Sabi niya, “Walang katungkulan na napakababa para hindi natin gampanan. Bawat katungkulan ay oportunidad na maglingkod at umunlad.”2

Habang nagsasalita si Pangulong Uchtdorf, naisip ko ang isang pagkakataon na nakilala ko ang isang mapagpakumbabang miyembro ng Simbahan na handang magbuhat saanman siya nakatayo.

Noong 1985, itinalaga ako bilang U.S. Army officer sa isang munting bayan sa Germany. Nakapagmisyon ako sa Germany 10 taon na ang nakalipas. Pagdating ko noong 1983 bilang sundalo kasama ang asawa kong si Debra at dalawa naming anak na babae, nagsimula kaming dumalo sa isang serviceman’s branch na halos 100 ang mga miyembro. Pagkaraan ng dalawang taon, nagpasiya kaming magtuon nang lubusan sa kultura ng Germany at nagsimula kaming dumalo sa maliit na Bad Kreuznach Branch, na may mga 12 miyembro.

Sa ikalawang linggo ng aming pagdalo, napansin namin ang isang lalaking bagong salta roon. Nasa mid-40s siya, at nalaman namin na siya ang high councilor na nakatalaga sa aming branch. Hindi siya naparoon para magsagawa ng stake business, kundi para bumisita lang. Nag-usap kami sandali pagkatapos magsimba, at nang magpaalam kami sa isa’t isa, natantiya ko na makikita namin siyang muli pagkaraan ng anim na buwan.

Nang sumunod na linggo, naroong muli ang high councilor. Nalaman ko na mga isang oras ang layo ng bahay niya mula sa munting bayan namin. Sa nalalabing panahon niya bilang high councilor, nagsimba siya sa branch namin nang dalawa o tatlong beses sa isang buwan. Mabait siya, hindi suplado, at nakakahikayat. Lagi niyang kausap ang bawat miyembro ng branch. At, sa isang branch na gayon kaliit, madalas siyang mapakiusapang magbigay ng mensahe sa pulpito. Dahil hanga ako sa kanyang katapatan, naisip kong bigyan siya ng palayaw na “Matapat na High Councilor.”

Isang araw ng Linggo dumalo siya sa branch namin sa umaga at pagkatapos ay nagbalik nang alas-6:00 n.g. para dumalo sa isang binyag. Sa pagitan nito, may isang branch pa siyang napuntahan. Aaminin ko na talagang pumasok ito sa isip ko, “Ano ang ginawa niya na ikinagalit ng stake president? Bakit pa ba siya itatalaga sa pinakamaliit at halos liblib na branch sa stake?” Siguro hindi talaga siya matalino, mapagpakumbaba, at kaibig-ibig na lalaki na katulad ng akala ko. Siguro ayaw niya sa home ward niya at ginamit niya ang tungkuling ito para makalayo. Wala akong maisip na sagot, kaya tinanggap ko na lang iyon.

Ilang linggo makaraan ang binyag na ito, madaling-araw na ng Linggo ako nakauwi. Nagte-training ako malapit sa hangganan sa pagitan ng East at West Germany, at inabot ako ng tatlo’t kalahating oras para makauwi. Pagod na pagod ako nang pumasok ako sa pintuan. Gising pa ang asawa kong si Debra. Sabi niya sa akin tumawag ang “Matapat na High Councilor.” Gusto niya raw akong makausap. Itinanong ko, “Bago o pagkatapos ng simba?” Nagsisimula ang simba nang alas 10:00 n.u. Umasa ako na pagkatapos na ng simba para makatulog ako hanggang alas-8:30.

“Bago magsimba,” sabi niya.

“Alas-9:30?”

“Hindi. May pupuntahan pa kasi siya para sa stake business. Gusto niyang magkausap kayo sa opisina niya sa Frankfurt. Sabi niya magpunta ka raw sa Gate 5.”

“Anong oras?” tanong ko.

“Alas-sais,” sagot niya.

Ngayo’y galit na ako. Alas-12:30 na ng madaling-araw. Para makarating ako sa appointment nang alas-6:00, kailangan kong gumising nang alas-4:30. Ibig sabihin wala pang apat na oras ang tulog ko. Ano ang gagawin ko? Ni hindi ko alam ang numero ng telepono niya para matawagan ko siya kinabukasan para sabihin na hindi kami magkikita. Binitawan ko ang damit ko sa tabi ng kama at humiga ako nang hindi isine-set ang alarm clock. Habang nakahiga roon, pumasok ang mga ito sa isipan ko:

Kung hindi ako makikipagkita sa “Matapat na High Councilor,” ano ang mangyayari? Kung hindi ako magpapakita sa opisina niya, sigurado kong may makabuluhan naman siyang magagawa sa panahon niya. Sa susunod na pagkakataong makausap ko siya ulit at maipaliwanag kung bakit hindi ako nakipagkita sa kanya, sasagot siya, “Siyempre tama ang desisyon mo. Hindi ako makikipagkita sa iyo kahit kailan kung alam ko na gagabihin ka nang husto sa pag-uwi. Pag-usapan na natin iyan ngayon.” At bukod dito, hindi naman talaga ako miyembro ng branch. Naroon nga ang records namin at dumalo kami linggu-linggo, pero hindi kami tagaroon, hindi ako gaanong marunong magsalita ng German, at lilipat na kami sa loob ng lima o anim na buwan.

Halos malinis na ang konsiyensya ko. Ilang sandali na lang at makakatulog na ako. Pagkatapos, naalala ko ang palayaw na ibinigay ko sa kanya at ang lahat ng pagkakataon na bumisita ang “Matapat na High Councilor” sa branch simula nang dumalo kami. Dumalo siya sa binyag na iyon noong Linggo ng gabi. Nagpunta siya sa isang aktibidad ng branch sa kalagitnaan ng linggo. Lagi niyang kausap ang lahat ng miyembro at hinikayat at binigyang-inspirasyon niya sila. Hindi siya mukhang mapanghusga o suplado kailanman. Magalang siya sa branch president at sa mga ginagawa nito. Kung nadismaya siya nang italaga siya sa maliit na branch na ito, hindi niya talaga iyon ipinakita kahit kailan.

Tumayo ako at lumapit sa dresser na kinaroroonan ng alarm clock ko. Inilagay ko ang alarm sa alas-4:30 n.u. Sa pagpapasiyang makipagkita sa “Matapat na High Councilor,” hindi ko na inisip kung ano ang sasabihin o iisipin niya kung hindi ako makikipagkita. Tutal, malamang na hindi ko na siya makikita o wala na akong mababalitaan tungkol sa kanya kapag nakalipat na kami. Nagpasiya akong gumising nang wala pang apat na oras at magmaneho nang 50 milya (80 km) papunta sa opisina niya dahil sa paggalang ko sa kanya noon, ang “Matapat na High Councilor.” Bakit ko naman siya hindi susundin?

hand reaching for alarm clock

Ipinasok ko ang kotse ko sa Gate 5 nang alas-6:00 n.u. nang Linggo ng umagang iyon at sinalubong ako ng isang security guard na may machine gun. Sinipat niya ang American Armed Forces license plate ko. Akala niya siguro naligaw ako. Ipinasiya ba ng “Matapat na High Councilor” na huwag magpakita? Gayunman, wala pang dalawang minuto, pumarada na sa tabi ko ang kotse niya. Sabi niya, “Magandang umaga, Don. Punta na tayo sa opisina ko.” Binuksan ng bantay ang gate at pinadaan kami.

Matapos kaming mag-usap sandali at ipakita sa akin ang paligid ng kanyang opisina, sinabi niya kung ano ang pag-uusapan namin. Ipinatawag daw niya ako para maglingkod bilang tagapayo sa branch president. Hindi ang una o pangalawang tagapayo—ang tanging tagapayo. Bago ako dumating, dadalawa lang ang priesthood holder sa branch, at nagpapalitan sila ng puwesto kada ilang taon bilang branch president at elders quorum president.

Tinanggap ko ang tungkulin at naglingkod ako hanggang sa umalis ako makaraan ang tatlong buwan para dumalo sa dalawang-buwang training sa Estados Unidos.

Habang wala ako, nagkasakit ang asawa ko at anak kong lalaki. Dahil doon, dinala ang anak ko sa isang ospital na mga 60 milya (97 km) mula sa himpilan namin. Dahil matapang na asawa ng sundalo, hindi nagreklamo o nakiusap sa akin si Debra kahit kailan na umuwi sa Germany. Sa katunayan, hindi ko nalaman ang tunay na lagay ng kanyang karamdaman hanggang sa makauwi ako. Matapos dumalaw nang isang beses sa lokal na klinika, inihatid siya ng doktor sa bahay dahil naisip nito na hindi niya kayang magmanehong mag-isa. Parehong nag-alok ng tulong ang branch president at Relief Society president, pero magalang siyang tumanggi. Bukod pa sa hirap na magsalita ng wika at unawain ang kultura, ayaw ni Debra na mahirapan ang sinuman.

Isang araw tinawagan siya ng “Matapat na High Councilor.” Natawag ito kamakailan na maging stake president. Magiliw itong nagtanong tungkol sa lagay ng kanyang kalusugan at ayaw nitong tumanggap ng sagot na “Okey lang ako.” Bawat pagtiyak ni Debra ay sinalubong ng magiliw ngunit mabisang pagtatanong tungkol sa tunay na sitwasyon ng pamilya. Sa huli’y ipinaliwanag nito, “Debra, hayaan mong tulungan ka ng branch. Gusto talaga nilang tumulong, at mas paglalapitin nito ang mga miyembro ng branch para tulungan ka.” Malugod niyang tinanggap ang tulong nila.

Pagbalik ko mula sa Estados Unidos, nanatili kami sa branch nang dalawang buwan pa bago kami lumipat sa mas malaking lungsod kalaunan.

Naglaho ang mga alaala ko tungkol sa panahong iyon sa buhay ko nang dumukwang ako sa aking upuan at muling nagtuon sa tinig ni Pangulong Uchtdorf sa mikropono. Talagang humanga ako sa mga pahiwatig ng kanyang mensahe. Hindi tulad ng ibang mga pagkakataon na nagtaka ako tungkol sa koneksyon ng sinasabi ng tagapagsalita sa ginagawa niya mismo (sa negosyo, sa militar, at, oo, maging ang ilang mensaheng narinig ko na sa simbahan), wala akong alinlangan sa mensahe ni Pangulong Uchtdorf. Hindi lamang iyon dahil sa naalala ko sa punto ni Pangulong Uchtdorf ang Germany at ang karanasan ko sa “Matapat na High Councilor.” Ito ay dahil si Pangulong Uchtdorf ang “Matapat na High Councilor.” Ang gusali kung saan kami nagkita nang napakaaga pa noong Linggong iyon ay ang Frankfurt International Airport, kung saan siya ang Chief Pilot ng Lufthansa German Airlines.

Tapat kong masasabi na wala pa akong nakilalang tao na mas mapagpakumbaba at mas tapat sa pagsasagawa ng ipinangaral niya. Nagpapasalamat akong matutuhan ang mahalagang aral kung ano ang ibig sabihin ng “magbuhat kung saan kayo nakatayo.”

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Magbuhat Kung Saan Kayo Nakatayo,” Liahona, Nob. 2008, 53.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Magbuhat Kung Saan Kayo Nakatayo,” 56.