Mga Tanong at mga Sagot
“Sabi ng kaibigan ko, hindi raw siya naniniwala sa Diyos. Paano ko maibabahagi sa kanya ang ebanghelyo?”
Maraming paraan para maibahagi sa kanya ang ebanghelyo. Ang sarili mong buhay ay isa sa mga pinakamainam na paraan. Kayo ay “uliran ng mga nagsisisampalataya” sa paraan ng inyong pagkilos, pananamit, pananalita, at pakikitungo sa iba (tingnan sa I Kay Timoteo 4:12). Isaisip ang sumusunod na mga ideya:
-
Sikaping tulungan ang kaibigan mo nang may pagmamahal at paggalang, at walang anumang mga lihim na motibo o inaasahan.
-
Maging tapat at totoo sa mga kilos mo.
-
Igalang ang kanyang kalayaan.
Ang paraan ng pagbabahagi mo ng ebanghelyo sa kanya ay depende sa dahilan kung bakit hindi siya naniniwala sa Diyos. May ilang tao na hindi lumaki na may relihiyon. Ang iba ay handang maniwala, at magkakaroon sila ng pananampalataya kapag natuto silang magdasal at mag-aral ng mga banal na kasulatan. At ang iba naman ay maaaring minsan nang nanalig sa Diyos ngunit nagkaroon ng mga pagsubok sa buhay kaya nahirapan silang manalig. Sikaping unawain ang pinagdaraanan ng kaibigan mo. Ipagdasal na malaman kung paano siya tutulungan.
Maaari mong mahiwatigan ang kanyang mga pinaniniwalaan kapag pinag-usapan ninyo kung ano ang nagbibigay-inspirasyon sa kanya at ano talaga ang mahalaga sa kanya. Alamin ang magkakatulad na paniniwala ninyo. Halimbawa, kung naniniwala siya na magandang ideya ang maglingkod, puwede mo siyang yayain sa isang ward service project.
Kahit hindi naniniwala ang kaibigan mo sa ngayon, mabuting tao pa rin siya. Basta’t mabuting impluwensya siya sa iyo, patuloy mo siyang kaibiganin. Sa pagsunod mo sa Espiritu, patuloy siyang yayaing magsimba at matutuhan pa ang iba kung bakit mahalaga ang Diyos sa buhay mo dahil balang araw ay magiging handa siyang maniwala.
Ipagdasal ang Kaibigan Mo
Habang naghahanda ako para sa misyon, marami akong kaibigan na nagsasabing hindi sila naniniwala sa Diyos. Kapag naririnig kong sinasabi nila ito, ipinagdarasal ko sila. Maaaring hindi sila naniniwala sa Diyos habang nagdarasal tayo, pero kung talagang naniniwala tayo sa Diyos, makikita ng iba ang pagmamahal natin sa Kanya. Ang ating halimbawa ay nagpapaunawa sa iba na talagang pinagpapala tayo ng Diyos, na Siya ay buhay, at na mahal Niya tayo.
Emanuel L., edad 18, State of Mexico, Mexico
Maging Halimbawa
Noong bata pa ako, akala ko ang tanging paraan para maituro ang ebanghelyo ay lubos itong ipangaral, ngunit maling-mali pala ako dahil napakarami palang paraan para maibahagi ang ebanghelyo. Ngunit batay sa karanasan, natuklasan ko na kung magiging halimbawa ka lang ni Cristo sa lahat ng ginagawa mo, magugulat ka sa dami ng taong humahanga at naniniwala sa iyo. Sa maraming sitwasyon, talagang mas mabisa ang epekto ng mga kilos kaysa salita. Mamuno at magturo sa pamamagitan ng halimbawa.
Ammon W., edad 18, Arizona, USA
Pag-usapan ang Kalikasan
Kung hindi naniniwala sa Diyos ang kaibigan mo, maaari ninyong pag-usapan ang kalikasan dahil lahat ng bagay ay nagpapatotoo na mayroong Diyos (tingnan sa Alma 30:44). Maaari mo rin siyang ipagdasal at pag-aralan ang mga banal na kasulatan na kasama niya—halimbawa, Awit 19:1. Alam ko na tutulungan siya ng Espiritu Santo na magkaroon ng patotoo tungkol sa ating Ama sa Langit.
Sophie K., edad 17, Kinshasa, Democratic Republic of Congo
Magsimulang Pag-usapan ang Ebanghelyo
Maibabahagi mo ang ebanghelyo sa maraming paraan. Una, ipagdasal lang sila at mag-ayuno para sa kanila para mabuksan ang puso nila sa ebanghelyo. Pagkatapos, sa susunod na makipagkita ka sa kanila, magbukas ng mga paksang hahantong sa pag-uusap tungkol sa ebanghelyo. Tiyaking yayain silang magsimba o dumalo sa mga aktibidad, at higit sa lahat, kaibiganin sila. Malay mo—baka balang-araw ay mabinyagan sila kasama ang kanilang pamilya.
Valerie K., edad 14, Nevada, USA
Ibahagi ang Iyong Patotoo
Binabago ng ebanghelyo ang buhay ng mga tao. Ang isang paraan na maibabahagi mo ito sa kaibigan mo ay sabihin kung paano mo nadama na mayroong Diyos, halimbawa, sa mga himalang naranasan mo noon at nararanasan mo ngayon sa simpleng paggising mo lang sa araw-araw. Ang halimbawa mo sa kanya ay magiging malaking patotoo ng kaligayahan mong malaman ang pag-ibig ng Diyos at pamumuhay ng ebanghelyo.
Victória S., edad 18, Piauí, Brazil
Bakit Mo Kailangang Magbahagi?
Alalahanin kung bakit gusto mo siyang maniwala sa Diyos. Hindi lang tayo nagbabahagi sa mga tao dahil sa gusto natin silang maging miyembro ng Simbahan. Ginagawa natin ito dahil sila ay literal nating mga kapatid. Bakit gusto mong maniwala sa Diyos ang kaibigan mo? Tandaan mo ang tanong na iyan, manalangin para sa lakas at pag-ibig sa kapwa, maging tapat, at kung ayaw pa rin nila, maging handang igalang ang kanilang kalayaan. Baka naman hindi pa sila handa. Ngunit ipinapangako ko sa iyo na kung talagang gusto mong malaman nila ang tungkol sa Diyos, dahil kaibigan ka nila, makikinig sila. Pagkatapos niyon, nasa kanila na ang desisyon, at hindi natin sila mahuhusgahan sa desisyon nila.
Elder Eliot, edad 20, Japan Sapporo Mission
Ibahagi ang Iyong Liwanag
Maging halimbawa sa kanya. Tulungan siyang maging mas malapit sa Diyos sa pamamagitan ng iyong mga karanasan at patotoo. Magsilbing anghel na hinahanap niya sa pamamagitan ng iyong liwanag at impluwensya. Tulungan siyang madama ang pagmamahal sa kanya ng ating Ama sa Langit, pero huwag itong ipilit sa kanya.
Mason E., edad 16, Arizona, USA
Paano Magkaroon ng Patotoo
“Paano nagkakaroon ng tinatawag nating patotoo ang isang tao?
“Ang unang hakbang sa pagtamo ng anumang uri ng kaalaman ay ang talagang hangaring makaalam. Ang susunod na hakbang pagdating sa espirituwal na kaalaman ay ang tanungin ang Diyos sa taimtim na panalangin. …
“Habang tayo ay naghahangad at naghahanap, dapat nating tandaan na ang pagtamo ng patotoo ay hindi bagay na basta lang darating sa atin kundi isang proseso na inaasahan ang pagkilos natin. Itinuro ng Tagapagligtas, ‘Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili’ (Juan 7:17).”
Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Patotoo,” Liahona, Mayo 2008, 27.
Susunod na Tanong
“Palagi kong ikinukumpara ang sarili ko sa iba, lalo na sa mga taong tila perpekto ang buhay. Paano ako higit na magtitiwala sa aking sarili?”
Ipadala ang sagot mo at, kung gusto mo, isang high-resolution na retrato bago sumapit ang Hulyo 15, 2017, sa liahona.lds.org (i-klik ang “Submit an Article”) o sa pamamagitan ng e-mail sa liahona@ldschurch.org.
Mangyaring isama ang sumusunod na impormasyon: (1) buong pangalan, (2) kapanganakan, (3) ward o branch, (4) stake o district, (5) nakasulat na pahintulot mo, at, kung wala ka pang 18 anyos, ang nakasulat na pahintulot ng iyong magulang (tinatanggap ang email) na ilathala ang iyong sagot at larawan.
Ang mga sagot ay maaaring i-edit para paikliin o linawin pa ito.