2017
Napakabilis
June 2017


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Napakabilis

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA, nang maranasan niya ito.

Kailangan ang isang himala para makarating ako sa binyag ng aking anak.

air force plane

Mga retrato mula sa Getty Images

Kawawalong taong gulang lang noon ng anak ko at tuwang-tuwa siya na ako ang magbibinyag sa kanya. Darating din noon ang lolo’t lola niya para dumalo sa espesyal na okasyon, na nakaragdag sa kanyang kasabikan at pag-asam. Gayunman, habang papalapit ang pinakahihintay na araw, mukhang hindi ako makakadalo sa binyag.

Bihira akong mainip sa trabaho ko bilang military aircraft pilot at squadron assistant operations officer, pero mas naging abala kami sa trabaho nang umalis ang operations (ops) officer ko para sa isa pang assignment. Panay-panay ang dating ng mga tungkulin ko sa misyon. Para makabuo ng kailangang dami ng mga flight crew, napilitan akong kanselahin ang training, suspindihin ang ilang squadron function, at kanselahin ang mga bakasyon na ilang buwan nang nakaplano.

Paalis na ang mga aircrew para sa 21-araw na paglipad sa eroplano at maliit ang tsansa na makauwi sila nang maaga. At nang makabalik ang aking ops officer at isa pang assistant ops officer, nahirapan akong pangatwiranan ang hindi ko pagsama sa kanila nang dahil sa isang okasyon sa pamilya. Paano ko maaatim na magpaiwan samantalang inutusan kong magsakripisyo ang napakarami pang iba?

Natuliro ako. Pinipilit ko palaging unahin ang pamilya ko kaysa trabaho, pero kakaiba ang mga sitwasyong ito, at tungkulin ko ring maglingkod sa bayan ko. Naunawaan ng ops officer ko, kahit hindi siya miyembro ng Simbahan, ang kahalagahan ng okasyong ito sa pamilya ko at hinayaan akong magdesisyong mag-isa. Matapos ang maraming panalangin at pag-uusap ng pamilya, ginawa ko ang nadama kong tama at nag-iskedyul akong sumama sa sumunod na misyon.

Nang papuntahin ang aking crew sa isang misyon na magsisimula nang Lunes ng umaga, mukhang hindi ako makakabalik nang Sabado para sa binyag ng anak ko. Lilipad kami papunta sa isang kuhanan ng mga kargamento, pagkatapos ay sa isang staging base, kung saan kami pagpapahingahin bago kami lumipad ulit. Kalaunan ay lilipad kami papunta sa isa pang lugar at magpapahinga, pagkatapos ay ihahatid namin ang kargamento sa isang napakalayong lugar, at sa paglipad namin pabalik, hihinto kami para makapagpahingang muli ang crew, at babalik kami para magkarga ng iba pang kargamento at babalik ulit doon. Karaniwa’y inaabot ng hindi kukulangin sa pitong araw para makumpleto nang minsanan ang paroo’t paritong ito, pero alam ko na ipinagdarasal ng pamilya ko na makapiling akong muli. Nakatulong sa akin ang kanilang pananampalataya at mga panalangin, at naging malinaw kaagad na hindi magiging karaniwan ang misyong ito.

Una, sa halip na huminto nang isa o dalawang araw, inatasan ang misyon namin na muling magkarga ng gasolina sa ere at huwag tumigil hanggang sa makarating kami sa una naming international location. Pagkatapos, pagkaraan ng legal na oras ng pahinga ng crew, pinalipad kami sa ibang misyon nang paroo’t parito sa malayong lugar na paghahatiran ng mga kargamento. Naging maayos naman ang pagdidiskarga at pagpapagasolina namin sa aming pinaroonan, at pagkaraan ng kaunting pahinga ng crew, inutusan kaming bumalik kaagad sa aming home base. Uuwi na kami sa loob ng isang araw o mahigit pa!

Natuwa akong sabihin sa pamilya ko na malapit na akong umuwi. Pero sinabi sa akin ng asawa ko na nalipat ang oras ng binyag nang alas-2:00 n.h. sa halip na alas-5:00 n.h. para mapagbigyan ang aktibidad ng mga kabataan sa stake. Tinawagan namin ang aming airlift stage manager at ipinaliwanag ang sitwasyon. Pagkaraang huminto nang ilang sandali, sumagot siya na may sapat na crew kaya puwede naming ipagpaliban ang susunod na utos sa amin hanggang alas-5:00 n.h. sa Sabado—ang orihinal na oras na magsisimula ang binyag!

Sa eroplano pauwi, paglagpas namin sa kabundukan malapit sa bahay ko, nakita ko na may isa pang pagsubok sa aking pananampalataya: natatakpan ng hamog ang mga ilaw ng lungsod sa ibaba. Ito ang pinakamalalang hamog na naraanan ko sa paglipad ko pababa. Agad kaming nagplano na lumapag sa ibang paliparan kung kailangan, tinapos namin ang mga checklist, at lumipad kami pababa para magsiyasat.

Habang palapit kami sa runway sa taas na 200 talampakan (60 m) mula sa lupa, lubos kaming nabalutan ng hamog. Bigla, sa taas na 120 talampakan (37 m) mula sa lupa, may nakita kaming isang naiilawang runway sa aming harapan, at pagkaraan ng ilang segundo ay ligtas kaming nakalapag. Nakahinga nang maluwag ang lahat.

Brother Bairett and daughter at baptism

Mga retrato sa kagandahang-loob ng pamilya Bairett

Dahil sa di-matatawaran at tila sunud-sunod na pangyayari, nakapunta nang maraming beses ang aking crew sa kabilang panig ng mundo at nakabalik nang napakabilis, at nakauwi ako sandali at nakapunta sa binyag ng aking anak. Sa tulong ng Panginoon nagampanan ko ang tungkulin ko sa bayan, sa aking squadron, at higit sa lahat sa aking pamilya. Kahit mas madali sanang baguhin ang iskedyul ng binyag ng aming anak kung kailangan, ipinaalam sa amin ng Ama sa Langit na mahal Niya kami at dininig ang aming mga dalangin. Ibinigay niya sa aking anak ang alaala ng mahimalang mga pangyayaring iyon bilang saksi na mahal Niya ito, at kaming mag-asawa ay kapwa nagkaroon ng mas malakas na patotoo na “anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, na tama, naniniwalang inyong tatanggapin, masdan, ipagkakaloob ito sa inyo” (3 Nephi 18:20).