Paglilingkod sa Simbahan
Paglilingkod nang Mag-isa sa Sarajevo
Ang awtor ay naninirahan sa Rhineland-Palatinate, Germany.
Kada Linggo, mag-isa akong kumakanta, nananalangin, at nagbibigay ng mga mensahe. Magsisimba na rin kaya ang iba pang mga miyembro?
Bilang miyembro ng German military, mahigit anim na buwan akong nanirahan noong 1999 sa Sarajevo, ang kabisera ng Bosnia at Herzegovina. Matitindi ang hamon at mahahaba ang oras na ginugol ko sa aking tungkulin sa militar, ngunit lagi kong binibigyan ng panahon ang pagsisimba sa maliit na chapel na ginagamit ng iba’t ibang sekta ng relihiyon sa kampo namin na may 750 sundalo.
Pagdating ko sa chapel isang Linggo ng hapon, naabutan kong nakakandado ang mga pintuan. Nalaman ko na nalipat na ang iba pang mga miyembro ng Simbahan na nasa kampo. Nadismaya ako dahil inasam kong makasamba at makatanggap ng sakramento. Bago ako nagpunta sa Sarajevo, naging abala ako sa paglilingkod bilang branch president sa Germany at regular akong nakatatanggap ng sakramento.
Makalipas ang ilang linggo inutusan akong samahan ang aking heneral sa pagbisita sa isang American division. Sa tanghalian, tinanong ako ng Amerikanong kapitan na nakita akong kausap ang iba pang mga sundalo kung miyembro ako ng Simbahan. Matapos ko siyang sagutin ng oo, ibinigay niya ang pangalan at contact information ko sa senior group leader ng Simbahan doon.
Hindi nagtagal kinontak ako ng isang nagngangalang Brother Fisher. Pagkatapos ng interbyu, itinalaga niya ako bilang group leader ng Simbahan sa Sarajevo na ang tungkulin ay bumuo ng grupo. (Ang grupo ay isang unit ng Simbahan sa military installations, gaya ng isang branch.)
Sinimulan kong magpaskil ng mga oras ng miting sa mga bulletin board at magpadala ng paanyaya, sa pag-asang mahanap ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw na nasa military barracks sa Sarajevo. Sa unang ilang linggo, walang ibang dumalo. Kaya kada Linggo noon, mag-isa akong kumakanta, nananalangin, at nagbibigay ng mga mensahe. Sa pagsunod sa mga tuntunin ng Simbahan para sa mga lider at miyembro sa militar, nabasbasan at natanggap ko ang sakramento nang walang kasamang isa pang priesthood holder. Nagdulot ito sa akin ng malaking kagalakan.
Nagdaos akong mag-isa ng mga miting sa Ingles para humusay ako sa Ingles. Ang unang mensaheng ibinigay ko ay tungkol kay Joseph Smith. Wala akong nakitang iba sa silid, pero nadama ko na may kasama akong iba. Pinalakas ako ng Espiritu Santo at inihayag sa akin kung gaano kahalaga na masimulang muli ang gawain ng Panginoon sa lugar na ito.
Ilang linggo matapos kong idaos ang una kong miting sa araw ng Linggo, isang binatang Amerikanong sundalo ang pumasok sa chapel. Nabinyagan siya ilang buwan pa lang ang nakararaan. Napakasaya ko! Dalawang linggo kalaunan, isa pang sister ang dumating. Pagkatapos ay dalawa pang brother ang dumating. Sa tulong ng Panginoon, nagsimulang lumago ang Simbahan sa Sarajevo.
Ngayo’y may isa nang branch ang Simbahan sa Sarajevo. Kapag naaalala ko ang panahon ko roon, naiisip ko ang karangalang ibinigay sa akin ng Panginoon na maglingkod sa espesyal na paraan—na maging isang maliit na bahagi ng Kanyang gawain at malaman na “mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33).