Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Narito ang Priesthood Ngayon
Mula sa mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1995.
Anong dilim ng mundong ito kung walang mga basbas ng priesthood para sa iyo at sa akin.
Naiisip mo ba kung gaano kadilim at kahungkag ang mortalidad kung walang priesthood? Kung ang kapangyarihan ng priesthood ay wala sa mundo, ang kaaway ay magkakaroon ng kalayaang gumala at maghari nang walang pasubali. Wala ang kaloob na Espiritu Santo na papatnubay at magbibigay-liwanag sa atin; walang mga propetang mangungusap sa ngalan ng Panginoon; walang mga templo kung saan natin magagawa ang mga sagrado at walang-hanggang tipan; walang awtoridad na magbabasbas o magbibinyag, magpapagaling o magpapanatag. Kung wala ang kapangyarihan ng priesthood, “ang buong mundo ay lubusang mawawasak” (tingnan sa D at T 2:1–3). Walang liwanag, walang pag-asa—pawang kadiliman lamang. …
… [Subalit,] nagbibigay-liwanag ang priesthood ng Diyos sa mga anak [ng Ama sa Langit] sa madilim at magulong mundo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, maaari nating matanggap ang kaloob na Espiritu Santo upang akayin tayo sa katotohanan, patotoo, at paghahayag. Ang kaloob na ito ay ibinabahagi nang pantay-pantay sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata. …
… Ang maluwalhating priesthood ng Diyos, pati na ang kaganapan ng mga pagpapala nito, ay naipanumbalik na sa lupa sa ating panahon. Ang panunumbalik ng priesthood at mga pagpapala nito ay nagsimula noong 1820, nang makita at makausap ni Joseph Smith, ang batang propeta, ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, sa sagradong kakahuyan.
Kalaunan, ang iba pang mga sugo ng langit—sina Juan Bautista; Pedro, Santiago, at Juan; Moises, Elias, at Elijah; at iba pa—ay nagbigay kay Propetang Joseph Smith ng kapangyarihan, awtoridad, at mga susing kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan ng sangkatauhan. … Ang Simbahan ni Jesucristo ay ipinanumbalik sa lupa, kasama ang Aaronic at Melchizedek Priesthood noong unang panahon. Ngayon, dahil nakipagtipan ang Diyos kay Abraham, ang mga indibiduwal at pamilya sa lupa ay mapagpapala.
Isipin ninyo ito, mga kapatid—ang priesthood ay naipanumbalik na. Narito ito sa lupa ngayon. … Sa ilalim ng pamamahala ng … mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, na mayhawak ng mga susi sa dispensasyong ito, ang mga maytaglay ng priesthood sa Simbahan ngayon ay may lehitimong karapatang kumilos sa ngalan ng Diyos. …
… Lahat ng kamangha-mangha at walang-hanggang mga pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa kalalakihan at kababaihan at mga pamilya rito sa lupa ay maaaring mapasaatin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.