Pagtatamong Muli ng Aking mga Tipan
Natutuhan kong pahalagahan ang aking mga tipan matapos mawala sa akin ang mga ito nang ma-excommunicate ako.
Lumaki ako sa Simbahan at nabinyagan at nakumpirma sa edad na walong taon. Ang ebanghelyo ay isang paraan ng pamumuhay para sa akin at para sa karamihan ng mga tao sa paligid ko. Ang Espiritu Santo ay isang pamilyar na presensya sa buhay ko.
Nang ma-excommunicate ako, parang may nawala sa akin. Pakiramdam ko naguluhan at bumagal ang pag-iisip ko, at nakakalito at mahirap magdesisyon. Balisa ako at nahirapan akong makadama ng kapayapaan.
Hindi ko natanto kailanman kung paano lubos na babaguhin ng pagiging miyembro ko ang aking buhay. Hindi na ako makapagsuot ng temple garment o makapunta sa templo. Hindi ako makapagbayad ng aking ikapu, makapaglingkod sa anumang tungkulin, makabahagi ng sakramento, o makapagpatotoo o makapag-alay ng panalangin sa simbahan. Nawala na sa akin ang kaloob na Espiritu Santo. Higit sa lahat wala na akong tipan sa aking Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga ordenansa sa binyag at sa templo.
Nanlumo ako at natakot. Ang tatlong anak ko noon ay edad 16, 14, at 12. Sila ang aking pamana, at gustung-gusto kong mag-iwan sa kanila ng isang pamana ng pag-asa. Pinaupo ko sila at sinabihan na kung mamatay ako bago ako muling mabinyagan, kailangang gawin nilang muli ang ordenansang iyon para sa akin kapag puwede na. Natakot ako nang mawala sa akin ang mga pagpapala ng pagsunod sa aking mga tipan sa binyag, at nag-alala ako na baka hindi na ako maging malinis muli.
Ang Aking Paglalakbay Pabalik
Wala akong alinlangan na ang Simbahan ay totoo at na gustung-gusto kong ipamuhay ang ebanghelyo, kaya patuloy akong nagsimba. Gusto kong malaman ng Ama sa Langit na mahal ko Siya at na nagsisisi ako sa mga ginawa ko. Nagsimba ako kada linggo kahit mahirap. Hindi komportable ang ward sa pagdalo ko, at halos wala ni isang gustong makipag-usap sa akin. Gayunman, napakagiliw ng isang espesyal na dalagang may Down’s syndrome na nagngangalang Holly. Tuwing Linggo habang papasok ako sa chapel, tumatakbo siya palapit sa akin, niyayakap ako nang mahigpit, at sinasabihan ng, “Masaya akong makita ka! Mahal kita!” Pakiramdam ko kumikilos siya noon para sa Tagapagligtas, na ipinaaalam sa akin na masaya Siya na naroon ako.
Mahirap palagpasin ang sakramento nang hindi nakikibahagi nito dahil alam ko na hindi ko natatanggap ang mga pagpapala. Ang makabahagi ng sakramento ay napakalaking pagpapala. Pambihira ang magkaroon ng pagpapalang maging malinis sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Tagapagligtas at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, na mapatawad sa ating mga kasalanan at pagkukulang linggu-linggo, at muling mangako nang may pagmamahal at katapatan sa tipang ginawa natin na laging aalalahanin ang ating Tagapagligtas at ang Kanyang mga kautusan.
Dahil napakahalaga sa akin ng pagbabayad ng aking ikapu, nagbukas ako ng bank account at doon ko idineposito ang aking ikapu bawat buwan. Kailangan kong ipaalam sa Panginoon na kahit hindi Niya puwedeng tanggapin ang aking ikapu ngayon, gusto ko pa ring bayaran ito. Wala pa akong asawa (single) noong panahong iyon at ako ang nagpapalaki sa tatlong tinedyer kong anak na babae, at nadama ko na kailangan ko ang mga pagpapalang maipakita sa Panginoon ang aking kahandaang magbayad ng ikapu, kahit hindi puwede. Wala akong alinlangan na labis kaming napagpala dahil dito.
Ipinanumbalik na mga Pagpapala
Muli akong nabinyagan mahigit isang taon matapos akong ma-excommunicate. Laking ginhawa nang umahon ako mula sa tubig batid na si Jesus ay tagapamagitan at partner ko na ngayon. Binayaran Niya ang aking mga kasalanan, at muli akong nakipagtipan sa Kanya. Napuspos ako ng pasasalamat!
Muli kong natanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Muli kong nadama ang isang pisikal na presensya: muli kong makakasama ang mahal kong kaibigan! Gusto kong subukan nang husto na huwag na Siyang magdamdam ulit sa akin para hindi na Niya ako iwanan.
Isinara ko ang bank account ko ng aking mga ikapu, gumawa ako ng tseke, at tuwang-tuwang ibinigay ko ito sa bishop ko.
Makalipas ang limang taon naipanumbalik ko ang aking mga pagpapala sa templo. Nakadama ako ng malaking ginhawa at pasasalamat. Muli akong nilukob ng pagmamahal at proteksyon ng kapangyarihan ng mga tipang ginawa ko sa templo.
Nabuklod na ako ngayon sa isang lalaking mahal na mahal ako, at mahal na mahal ko, at magkasama kaming aktibong nagsisikap na maitaguyod ang aming pagkabuklod bilang isang pakikipagtipan na tatagal hanggang sa kawalang-hanggan.
Ang Pagkabagabag ng Konsiyensya
Sa loob ng 20 taon mula noon, nadama ko minsan ang malukob sa matinding pagkabagabag ng konsiyensya at labis akong nalungkot at nag-alala. Inisip ko kung sapat na ba ang nagawa ko para magsisi at kung talagang napatawad na ba ako. Ilang taon pa lang ang nakalipas, tumugma ang damdamin ko sa damdamin ni Nakababatang Alma, na inilarawan sa Alma 36:12–13:
“Subalit ako ay giniyagis ng walang hanggang pagdurusa, sapagkat ang kaluluwa ko’y sinaktan sa pinakamasidhing sakit at giniyagis ng lahat ng aking kasalanan.
“Oo, naalaala ko ang lahat ng aking kasalanan at mga kasamaan, kung saan ako’y pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno; oo, nakita ko na ako’y naghimagsik laban sa aking Diyos, at na hindi ko sinunod ang kanyang mga banal na kautusan.”
Isang araw lumuhod ako sa panalangin at nagtanong, “Ama, sapat na ba ang nagawa ko? Gagawin ko anuman ang kailangan kong gawin, para maalis ang damdamin kong ito.” Pagkatapos ay naghintay ako at nakinig nang buong puso.
Napakalinaw ng sagot: “Sapat na ang nagawa mo.” Nabalot ako ng labis na kagalakan. Hindi ko napigilang ngumiti, at napaiyak ako sa tuwa. Buong araw akong nalula sa kagalakan. Tuluyang nawala ang lahat ng kahihiyan at pagkabagabag ng konsiyensya.
Muli kong pinag-isipan ang karanasan ni Nakababatang Alma:
“Hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan.
“At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!” (Alma 36:19–20).
Ang aking pagsisikap na matamong muli ang pagiging miyembro ko sa Simbahan at pakikipagtipan sa Tagapagligtas ay masakit at maselan. Nalagpasan ko ang pagsubok na ito batid na napakahalaga ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Halos buong 20 taon kong sinikap na malagpasan ang kahihiyan at pagkabagabag ng konsiyensya nang ma-excommunicate ako at mahanap ang lakas na ibahagi ang mga karanasan ko sa iba. Sana’y mabigyang-inspirasyon ng karanasan ko ang iba upang magkaroon ng lakas-ng-loob na magbago at tulungan ang mga taong gustong magbago. Kaya ko nang tumayo at magpatotoo nang walang pag-aalinlangan na ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay totoo. Mababago ng Kanyang kapangyarihan ang inyong buhay hindi lamang para bumuti kundi maging napakabuti nito.
Mahal ko ang aking pagiging miyembro ng Simbahan. Ito ay isang walang katumbas na kaloob at pambihirang pagpapala sa buhay ko. Ayoko nang mawala itong muli sa akin.