Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Paglilinis ng Simbahan at Pagtuturo ng Ebanghelyo
Isang Sabado ng hapon, naghahanda akong pumunta sa beach kasama ang pamilya ko. Naglakbay sila mula Amazonas hanggang La Guaira para makasama ako nang ilang araw. Maliwanag ang araw, tamang-tama ang simoy ng hangin sa karagatan, at masaya akong makita ang sigla ng mga kapatid ko.
Habang daan, naalala ko na ako ang pinamahala sa paglilinis ng simbahan sa araw na iyon. Kailangan kong magpasiya ngayon: Gagampanan ko ba ang responsibilidad ko o tutuloy ako sa beach kasama ang pamilya ko? Nagpasiya akong kausapin ang nanay at mga kapatid ko tungkol dito. Hindi pa sila nakapasok ng simbahang LDS kahit kailan at masigla nilang sinabi na tutulungan nila akong maglinis, basta’t tutuloy kami sa beach pagkatapos namin.
Pagpasok namin sa simbahan, ipinaliwanag ko kung ano ang kailangang gawin at paano ito gagawin. Ang inakala naming mabilis na paglilinis ay tumagal ng apat na oras dahil interesadung-interesado sila! Ipinakita ko sa pamilya ko ang bawat silid, mga painting, at bautismuhan. Napuspos ng malaking kagalakan ang puso ko. Hindi ako makapaniwala na tinulungan ako ng pamilya ko sa isang bagay na napakahalaga sa akin. Habang naroon kami, natuto ng ilang himno ang mga kapatid kong tinedyer at tinanong ako tungkol sa Simbahan.
Pagsapit ng Linggo, nagsimba ang pamilya ko sa unang pagkakataon. Malugod silang tinanggap sa ward. Masayang binati ng mga kabataang babae ang mga kapatid ko. Sumalubong sa kanila ang mga sister missionary at nagtakda ng appointment na kausapin sila kinabukasan. Nagdaos kami ng family home evening, at tinuruan ko sila kung paano magdasal. Madalas kaming magdasal nang sama-sama. Nakinig din kami sa mga himno at nanood ng mga video ng Simbahan.
Bago umuwi ang pamilya ko, dinala ko ang mga kapatid ko sa Caracas para makita nila ang templo at ang bakuran nito. Nagpatotoo ako tungkol sa mga pagpapala ng templo at hinikayat ko silang hanapin ang Simbahan pagbalik nila sa Amazonas.
Nang umuwi na sila, kinontak ko ang mga missionary sa lugar nila. Binisita ng mga missionary at miyembro ng ward council ang pamilya ko at tinulungan silang magbalik-loob. Madalas na ipinagdasal ng mga kapatid ko na payagan sila ng tatay namin na magpabinyag.
Dama ang malaking pasasalamat at kagalakan, naglakbay ako patungong Amazonas upang binyagan sina Thalia at Gineska. Nabanaag sa ningning ng kanilang mga mata ang pag-asa at pasasalamat sa Ama sa Langit sa pag-akay sa kanila sa ebanghelyo. Sa pagtupad sa tungkuling linisin ang simbahan, mas napalapit sa isa’t isa at tumatag ang pamilya ko. Hindi ko malilimutan kailanman ang karanasang ito at alam ko na hindi rin ito malilimutan ng mga kapatid ko.