2017
Ang Sarili Mong Liahona
June 2017


Ang Sarili Mong Liahona

Hindi ba maganda kung may espirituwal na GPS ka na gagabay sa iyo? Sa patriarchal blessing mo, magkakaroon ka nito.

holding a compass

Mga paglalarawan ni Jeff Harvey

Kung minsan parang ang hirap ng buhay. Napakaraming mahalagang bagay na darating sa iyo sa susunod na ilang taon: paghahanda para sa templo, pagbabahagi ng ebanghelyo, pagpili ng paaralan at propesyon. At tinedyer ka pa lang! Hindi ba maganda kung, tulad ni Lehi, makakita ka ng Liahona sa labas ng pintuan mo, isang instrumento na garantisadong magpapanatili sa iyo sa tamang landas kung bibigyang-pansin mo lang ito?

Ang totoo, marami ka nang mapagkukunan ng patnubay sa buhay: panalangin, mga banal na kasulatan, payo ng mga magulang at lider, mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo, pangkalahatang kumperensya, at marami pang iba. Ngunit narito ang isa pang mapagkukunan na maidaragdag sa iyong listahan—isang personal na Liahona na kilala bilang iyong patriarchal blessing. Ito ay personal na paghahayag para sa iyo, tungkol sa iyo, mula sa iyong Ama sa Langit, na nakakakilala sa iyo noon pa man, at, magpakailanman.

Isipin na parang espirituwal na GPS ang iyong patriarchal blessing. Hindi lang nito ipapaalam sa iyo kung sino ka at kung nasaan ka; ipauunawa rin nito sa iyo kung bakit ka narito at kung saan ka papunta. Ngunit tandaan, ang patnubay mula sa iyong patriarchal blessing ay nangangailangan ng paggamit ng mga alituntuning nagpagana noon sa Liahona ni Lehi: pakikinig at pagsusumigasig (tingnan sa 1 Nephi 16:28; Mosias 1:16).

Pakikinig at Pagsusumigasig

Ano ang pakikinig at pagsusumigasig? Ang ibig sabihin ng pakikinig ay hindi lang pakinggan ang sinasabi kundi bigyang-pansin din ito. Ang isang salitang nauugnay rito ay dinggin, na ibig sabihin ay makinig at sumunod. Kaya para magsilbing Liahona sa buhay mo ang iyong patriarchal blessing, hindi mo lang ito kailangang basahin, kundi kailangan mo rin itong sundin.

“Itinuturo ng nakatalang mga banal na kasulatan sa lahat ng dispensasyon na ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos kapag nakinig tayo sa Kanyang mga kautusan at sinunod ang mga ito,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ang mga kilos na ito ay may malaking kaugnayan sa isa’t isa. Sa katunayan, iisang kataga ang gamit ng wikang Hebreo ng Lumang Tipan sa halos lahat ng pagkakataon para sa pakikinig (sa Panginoon) at pagsunod (sa Kanyang salita).”1

holding a patriarchal blessing

Ang pagsusumigasig ay isa pang susi para matuto mula sa iyong patriarchal blessing. Ang ibig sabihin ng pagsusumigasig ay pagiging matapat, alerto, at matiyaga. Ibig sabihin ay determinado at walang-maliw na pagsisikap. “Iyon ay para malaman ang inaasahan ng Panginoon sa inyo, planuhing gawin ito, [at] kumilos ayon sa inyong plano,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan.2

Kung nais mong makatulong sa iyo ang iyong patriarchal blessing, pag-aralan ito nang may marubdob at masigasig na pagsisikap; planuhing kumilos ayon dito; at isagawa ang mga planong iyon.

Isang Halimbawang Susundan

Sinabi ni Nakababatang Alma, nang payuhan niya ang kanyang anak na si Helaman, na ang Liahona ay “kahalintulad,” o halimbawa, na dapat nating tularan sa ating sariling buhay. Sa Alma 37:38–45 sabi niya:

  1. Inihanda ito ng Panginoon para ipakita, tulad ng kompas, kung aling landas ang tatahakin.

  2. Gumana ito alinsunod sa pananampalataya sa Diyos, na nagtulot na “[maisagawa ang mga] himala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, sa araw-araw.”

  3. Gumamit ito ng “maliliit na pamamaraan” upang maisakatuparan ang “kagila-gilalas na mga gawain.”

  4. Kung nalimutan ni Lehi at ng kanyang pamilya na manampalataya at magsumigasig, “tumigil yaong nakapanggigilalas na gawain” at “hindi sila sumulong sa kanilang paglalakbay.”

  5. Nang magambala sila, hindi sila nakatahak sa tuwid na landas.

  6. Madaling sundin ang mga salita ni Cristo, na nakaturo sa tuwid na landas.

Totoo rin ang mga alituntuning ito sa iyong patriarchal blessing. “Ang daan ay inihanda, at kung tayo ay titingin maaari tayong mabuhay magpakailanman” (Alma 37:46).

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Listen to Learn,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 1991.

  2. Henry B. Eyring, “Kumilos nang Buong Sigasig,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2010.