Ang Panunumbalik ng mga Susi ng Priesthood
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2004.
Itinayo ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa pundasyon ng mga apostol at propeta, na mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood sa lupa sa panahong ito.
Maraming taon na ang nakalilipas nagsalita ako sa isang sinaunang teatro sa Efeso. Matindi ang sikat ng araw sa lugar na kinatayuan ni Apostol Pablo noon para mangaral. Ang paksa ko ay si Pablo, ang Apostol na tinawag ng Diyos.
Ang mga naroon ay daan-daang Banal sa mga Huling Araw. Nakaupo sila sa mga hanay ng mga bangkong bato na inupuan ng mga taga-Efeso mahigit isang milenyo na ang nakalipas. Kabilang sa kanila ang dalawang buhay na Apostol, sina Elder Mark E. Petersen at Elder James E. Faust.
Gaya ng iniisip ninyo, naghanda akong mabuti. Binasa ko ang Mga Gawa ng mga Apostol at ang mga sulat ni Pablo at ng kapwa niya mga Apostol. Binasa ko at pinag-isipan ang Sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso.
Ginawa ko ang lahat para igalang si Pablo at ang kanyang katungkulan. Pagkatapos ng mensahe may sinabing mabubuting bagay ang ilang tao. Ang dalawang buhay na Apostol noon ay bukas-palad sa kanilang mga puna. Ngunit kalaunan ay kinausap ako nang sarilinan ni Elder Faust at, habang nakangiti at sa mahinang tinig, ay sinabing, “Ang gandang mensahe. Ngunit hindi mo binanggit ang pinakamahalagang bagay na dapat mong sabihin.”
Tinanong ko siya kung ano iyon. Pagkaraan ng ilang linggo pumayag siyang sabihin iyon sa akin. Mula noon ay naimpluwensyahan na ako ng sagot niya.
Sinabi ko raw sana sa mga tao na kung may patotoo ang mga Banal na nakarinig kay Pablo tungkol sa kahalagahan at kapangyarihan ng mga susing hawak niya, hindi siguro inalis ang mga Apostol sa lupa.
Binalikan ko ang sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso dahil diyan. Nakita ko na ginusto ni Pablo na madama ng mga tao ang kahalagahan ng mga susi ng priesthood na nagmumula sa Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga Apostol papunta sa kanila, na mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon. Sinisikap noon ni Pablo na magkaroon sila ng patotoo tungkol sa mga susing iyon.
Pinatotohanan ni Pablo sa mga taga-Efeso na si Cristo ang pinuno ng Kanyang Simbahan. At itinuro niya na itinatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa pundasyon ng mga apostol at propeta, na mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood sa lupa sa panahong ito (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:19–20).
Naipanumbalik na ang Priesthood
Sa kabila ng kalinawan at kapangyarihan ng kanyang mga turo at kanyang halimbawa, alam ni Pablo na magkakaroon ng apostasiya (tingnan sa Mga Gawa 20:29–30; II Mga Taga Tesalonica 2:2–3). Alam niya na ang mga apostol at propeta ay aalisin sa mundo. At alam niya na ibabalik sila pagdating ng araw. Sumulat siya sa mga taga-Efeso tungkol sa panahong iyon, patungkol sa gagawin ng Panginoon: “[Na sa dispensasyon ng] kaganapan ng mga panahon [ay titipunin niya] ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; [maging] sa kaniya” (Mga Taga Efeso 1:10).
Inasam ni Pablo ang ministeryo ni Propetang Joseph Smith, kung kailan bubuksang muli ang kalangitan. Nangyari nga ito. Dumating si Juan Bautista at iginawad sa mga mortal ang Pagkasaserdoteng Aaron at ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan (tingnan sa D at T 13).
Ang sinaunang mga apostol at propeta ay nagbalik at iginawad kay Joseph ang mga susing hawak nila noon sa mortalidad (tingnan sa D at T 110). Ang mortal na kalalakihan ay inorden sa banal na pagkaapostol noong Pebrero 1835. Ang mga susi ng priesthood ay ibinigay sa Labindalawang Apostol sa huling bahagi ng Marso 1844.
Bawat propetang sumunod kay Joseph, mula kay Brigham Young hanggang kay Pangulong Monson, ay nahawakan at nagamit ang mga susing iyon at taglay nila ang banal na pagkaapostol.
Pananampalataya at mga Susi ng Priesthood
Ngunit tulad noong panahon ni Pablo, ang kapangyarihan ng mga susi ng priesthood para sa atin ay nangangailangan ng ating pananampalataya. Kailangan nating malaman sa pamamagitan ng inspirasyon na ang mga susi ng priesthood ay hawak ng mga taong namumuno at naglilingkod sa atin. Kailangan diyan ang pagsaksi ng Espiritu.
At depende iyan sa ating patotoo na si Jesus ang Cristo at na Siya ay buhay at namumuno sa Kanyang Simbahan. Kailangan din nating malaman mismo na ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at mga susi ng priesthood sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. At kailangan tayong magkaroon ng katiyakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na madalas nating pinaninibago, na ang mga susing iyon ay naipasa nang walang patid sa buhay na propeta at na pinagpapala at pinapatnubayan ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa pamamagitan ng linya ng mga susi ng priesthood na umaabot sa atin sa pamamagitan ng mga pangulo ng mga stake at district at ng mga bishop at branch president, saanman tayo naroon at gaano man tayo kalayo sa propeta at mga apostol.
Magtiwala sa Piniling mga Lingkod ng Panginoon
Para manatili tayong tapat sa Simbahan ng Panginoon, maaari at kailangan nating sanayin ang ating mga mata sa pagkilala sa kapangyarihan ng Panginoon sa paglilingkod ng mga tinawag Niya. Kailangan tayong maging marapat sa patnubay ng Espiritu Santo. At kailangan nating ipagdasal na ipaalam sa atin ng Espiritu Santo na taglay ng kalalakihang namumuno sa atin ang kapangyarihang ito. Para sa akin, ang gayong mga panalangin ay kadalasang nasasagot kapag ako mismo ay lubos na abala sa paglilingkod sa Panginoon.
Maaari tayong kumilos para maging marapat sa paghahayag na nagpapaalam sa atin na ang mga susi ay ipinapasa ng Diyos mula sa isang tao patungo sa isa pa. Maaari nating hangarin na paulit-ulit nating maranasan iyon. At kailangan nating gawin ito, upang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos para sa atin at ang mga pagpapalang nais Niyang ibigay natin sa iba.
Ang sagot sa inyong panalangin ay maaaring hindi kasingtindi ng nangyari nang makita ng ilan si Brigham Young, habang nagsasalita, na nagmukha siyang ang pinaslang na si Propetang Joseph.1 Ngunit ganoon kasigurado ito. At sa espirituwal na katiyakang iyon ay darating ang kapayapaan at kapangyarihan. Muli ninyong malalaman na ito ang tunay at buhay na Simbahan ng Panginoon, na pinamumunuan Niya ito sa pamamagitan ng inorden Niyang mga lingkod, at na nagmamalasakit Siya sa atin.
Kung marami sa atin ang may gayong pananampalataya at tinatanggap natin ang mga katiyakang iyon, iaangat ng Diyos ang mga taong namumuno sa atin at pagpapalain ang ating buhay at ating pamilya. Magiging katulad tayo ng nais ni Pablo sa mga taong pinaglingkuran niya: “[itinayo] sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:20).