2017
Pag-aalaga ng Isang Ina na Tulad ng Ginawa ni Cristo
June 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pag-aalaga ng Isang Ina na Tulad ng Ginawa ni Cristo

sweeping

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Tinipon ko ng walis ang pretzels, cereal, popcorn, at chips sa isang bunton.

“Hindi. Hindi ako ang kumain nito,” sabi ko habang dinadakot ko ang mga ito.

Malumanay na sinabi ng asawa ko, na nakaupo sa hapag-kainan, “Ganyang magsakripisyo ang ina.”

Napatayo ako nang tuwid. “Ano?” tanong ko.

Nagsalita siya nang mas malakas at mas maliwanag sa pagitan ng mga subo sa almusal: “Ito ang ginagawa ng mga ina. Ginugugol nila ang kanilang buhay sa paglilinis ng kalat na hindi sila ang may gawa—tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.”

Malalim ang kahulugan nito sa akin. Dapat ay nasiyahan akong isipin na ang pagwawalis ng mga mumo ay higit na katulad ni Cristo kaysa inakala ko. Ngunit sa halip, nadama ko na nagkamali ako. Naasiwa ako sa pagkukumparang ito. Ilang beses ko na nga bang nabanggit sa asawa ko o sa sarili ko ang lahat ng bagay na nagawa ko para sa aking mga anak, na umaasang kikilalanin at pasasalamatan nila ito? Parang hindi naman maling hangarin na mas magpasalamat ang mga anak ko, ngunit sa sandaling iyon ng kaliwanagan, nakita ko na mas hinahangad ko na makatanggap ng papuri o kabayaran kaysa matuto silang magpasalamat. Ngunit hindi kinailangan ng Tagapagligtas ng papuri kailanman. Hindi Niya ito hiningi o ginusto kailanman.

Naaalala ko ang mga pag-uusap namin ng mga anak kong tinedyer kung kailan inililista nila ang lahat ng nagawa nila para sa akin para makaiwas na mautusan.

Ang karaniwang sagot ko ay, “Sige, kung gusto ninyong ikumpara ang mga nagawa ninyo sa mga nagawa ko, puwede, pero matatalo lang kayo, kaya magtrabaho kayo!”

Sa gayon ay natanto ko na bihirang maging sapat na dalisay ang mga motibo ko para sa pagkukumparang ginawa ng asawa ko. Hindi ikinukumpara kailanman ng Tagapagligtas ang nagawa Niya sa nagawa ko. Matatalo ako palagi.

Hawak pa rin ang walis, namulat ako sa bagong konsepto ng pag-aalaga ng isang ina—pag-aalaga na tulad ng Kanyang gagawin. Hindi para mapuri, makilala, mayakap, o mapasalamatan. Wawalisin ko ang mga mumo nang may pagmamahal dahil iyan ang Kanyang gagawin.

Lahat ng ginawa Niya ay bilang pagsunod sa Kanyang Ama. Kailanma’y hindi ito para sa Kanya. Laging pinagagaling ng Panginoon ang pusong sugatan at nililinis ang ating kalat nang walang katapusan nang may perpektong pagmamahal, para sa Kanyang Ama at para sa atin. Sisikapin ko ngayong turuan at pagsilbihan ang aking mga anak nang may pinakadalisay na pagmamahal na kaya kong ibigay. Noon ko lamang nadarama na tunay akong nakikibahagi sa pag-aalaga ng isang ina na tulad ng ginawa ni Cristo.