Sundalo para sa Panginoon
Ang awtor ay naninirahan sa Mexico City, Mexico.
Kinailangan kong pumili kung ako mismo ang mag-aasikaso sa papeles ko o ipauubaya ko ito sa mga kamay ng Panginoon at magpopokus ako sa paglilingkod ko sa misyon.
Maraming taon na ang nakalipas naglingkod ako bilang full-time missionary sa Mexico Monterrey North Mission. Nadama ko na malaking pribilehiyo ang paglilingkod ng missionary.
Nang simulan ko ang aking pagmimisyon, may naiwan akong isang bagay na hindi pa naasikaso. Hindi ko pa natatanggap ang papeles na may kinalaman sa pagka-discharge ko sa serbisyo sa militar. Napakahalaga ng dokumentong ito. Ito ay patunay na nakumpleto na ng isang binata ang iniutos sa kanyang paglilingkod sa militar at may karapatan siyang magtrabaho at mag-aral. Siya ay kinikilala bilang mamamayan ng Mexico.
Habang papalapit ang petsa ng pag-isyu sa dokumentong ito, nagsimula akong mag-alala. Sumulat ako sa mga magulang ko at hiniling sa kanila na tingnan kung maaaring sila ang kumuha ng aking military service book. Nang matanggap ko ang sumunod nilang liham, lalo akong nag-alala. Sinabi nila na sinabihan na sila na ibibigay lamang ito sa taong nagmamay-ari nito.
Nadama ko na kailangan kong manalangin kaagad sa Panginoon at itanong sa Kanya kung ano ang gagawin ko. Ang sagot, na hindi dumating kaagad, ay na dapat kong ipaliwanag ang problema ko sa aking mission president. Sa pakikipag-usap ko sa kanya, tinalakay ang dalawang mapagpipilian. Ang isa ay na “magtiwala lang ako sa Panginoon.” Ang pangalawa ay puwede akong pumunta nang personal para kunin iyon. Ako ang magdedesisyon.
Hindi ko alam ang gagawin. Ipinagtapat ko ang problema ko sa kompanyon ko, at nabigyan kami ng lakas nang basahin namin ang talatang ito: “Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay nasa mga kamay ng Diyos? Hindi ba ninyo nalalaman na taglay niya ang lahat ng kapangyarihan, at sa kanyang dakilang pag-uutos ang mundo ay mababalumbon tulad ng isang nakalulon na papel?” (Mormon 5:23). Dahil sa talatang ito ay napawi ang aking pagkalito. Mula nang sandaling binasa ko iyon, alam ko na tungkulin kong ibigay ang lubos na pagsisikap ko bilang missionary. Bahala na ang Panginoon sa problema ko.
Hindi pa natatagalan matapos iyon, nakatanggap ako ng isa pang liham mula sa aking mga magulang. Ganito ang isinulat ng aking ama:
“Anak, bumalik ako ulit sa National Defense, para maghanap ng taong makakatulong sa atin sa paglutas ng problema mo. Matapos makipag-usap sa maraming tao, nadama ko na dapat akong pumunta sa isang partikular na lugar. Pagdating ko doon ay medyo pinanghihinaan ako ng loob at nawawalan na ng pag-asa. Isang malaking pinto ang unang nakita ko, na nakabukas na mabuti at may bantay na dalawang magigilas na sundalo. Naglakas-loob ako at dumaan, at natagpuan ko ang opisinang nadama kong dapat kong puntahan. Nang kumatok ako, kinabahan ako pero ginagabayan pa rin ako ng Espiritu ng Panginoon.
“Nang pumasok ako, nakita ko ang isang opisyal na nakaupo sa likuran ng mesa. Sa kanyang dibdib ay maraming nakasabit na medalya, at ang dingding ng kanyang opisina ay puno ng makukulay na sertipiko. Kinamayan niya ako nang mahigpit at taimtim, at nagtanong, ‘Ano ang layon ng pagbisita ninyo?’
“‘May anak ako na nasa misyon,’ sagot ko. ‘Dahil dito, hindi siya makapunta dito para kunin ang kanyang military service book. Naparito ako para subukang kunin ito para sa kanya.’
“‘Hindi, hindi ninyo ito makukuha. Ibibigay lamang ito sa taong may-ari nito,’ sinabi ng opisyal.
“Sa sandaling iyon, binigyang-liwanag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, at sinabi kong, ‘Sir, marami kayong sakop na sundalo na may pananagutan sa inyo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin. Sa gayunding paraan, ginagampanan ng anak ko ang kanyang tungkulin na ipangaral ang ebanghelyo ng Panginoon sa panahong ito. Sa sandaling ito, siya ay isang sundalo para sa Panginoon.’
“Nang marinig ito, tumindig ang opisyal mula sa kanyang upuan at sinabing, ‘Mayroon ka bang anumang identification? Ano ang pangalan ng anak mo?’
“Matapos kong sagutin ang kanyang mga tanong, tinawag niya ang secretary at sinabing, ‘Dalhin mo dito ang papeles para sa batang missionary na ito.’
“Nilagdaan niya ang mga ito, inilagay sa sobre at isinara ito, at humarap sa akin at iniabot sa akin ang papeles. Wala nang iba pang hiningi. Kinamayan ko siya nang mahigpit at buong pasasalamat. Anak ko, maayos na ang papeles mo at kailangang ipakita mo ang iyong pasasalamat sa Panginoon sa paglilingkod sa Kanya bilang isang tunay na sundalo.”
Matapos matanggap ang liham na ito, nagpasalamat ako sa Panginoon sa paggamit ng Kanyang dakilang kapangyarihan alang-alang sa akin, sa pagsagot Niya sa aking mga dalangin, at sa pagbibigay ng kaliwanagan sa aking ama. Dalangin ko na ibigay nating lahat ang ating buong pagtitiwala sa Panginoon, at hindi Niya kailanman kinalilimutan ang Kanyang pangako: “Humingi, at iyon ay ibibigay sa inyo; maghanap, at kayo’y makasusumpong, kumatok, at kayo’y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay makasusumpong; at sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan” (3 Nephi 14:7–8).