Mga Larawan ng Pananampalataya
Mikael Rinne
Massachusetts, USA
Si Mikael ay isang physician-scientist. Ang kanyang clinical specialty ay sa neuro-oncology, at mayroon siyang PhD sa molecular biology. Tinitingnan niya ang mga pasyenteng may mga tumor sa utak sa Dana-Farber Cancer Institute, ang ospital sa kanser ng Harvard University, at nagsasaliksik siya tungkol sa mga gamot na magpapagaling sa kanser.
Leslie Nilsson, retratista
Ang pananampalataya ay kakaiba sa larangan ko. Iniisip ng mga taong katrabaho ko na ang paniniwala sa relihiyon ay pag-uusyoso—kakatwa at makaluma, maaaring katulad ng pananaw natin sa pamahiin.
Ang isa sa mga pagkakilala sa akin ng mga katrabaho ko ay “kakatwa” akong tao na may pananampalataya. Halimbawa, hindi ako nagmumura. Kapag may nangyaring masama, sinasabi ko, “Hay, naku!” Nakakatawa talaga iyan sa buong klinika, pero nabago niyan ang pakiramdam ng lahat. At nababanggit ko palagi ang Simbahan.
Kung ipinamumuhay ninyo ang mga alituntunin ng ebanghelyo at kayo ay matiyaga at mabait, pagsisimulan iyan ng dagdag na interes sa ebanghelyo kaysa anumang talakayan tungkol sa relihiyon. Hanga talaga ang mga katrabaho ko sa pamumuhay ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa kilos at pakikitungo natin sa iba.
Halos lahat ng pasyente namin ay may nakamamatay na mga tumor sa utak. Kailangan naming kayanin ang trahedya araw-araw. Nagtatanong ang ilang tao, “Paano ka nakakatagal sa trabahong iyan?” Ang isa sa mga sagot ko ay, “Pakiramdam ko natutulungan ako ng aking pananampalataya na humarap sa kamatayan at madama kahit paano ang nadarama ng mga taong malapit nang mamatay. At naniniwala ako sa kabilang-buhay.”
Kapag nag-aalaga tayo ng mga taong malapit nang mamatay, mauunawaan natin ang iba pang mga hamon. “Puwede kang magkaroon ng glioblastoma anomang oras,” sabi ko sa mga tao. Iyan ang pinakamalalang tumor na makukuha mo. Iyan ang madalas kong makita.
Marami akong pasyente na magkukuwento tungkol sa kanilang paniniwala sa Diyos at sa mga himala. Kailangan kong maging pihikan, pero idaragdag ko ang aking patotoo sa mga katotohanang ibinahagi nila. “Naniniwala rin ako diyan,” sabi ko. “Naniniwala ako na nangyayari ang mga himala, kaya sana magkaroon ng himala.”
May maling paniniwala na magkalaban ang pananampalataya at siyensya. Akala natin masasagot ng siyensya ang lahat ng tanong, na “alam natin ang lahat ng sagot.” Ngunit mas marami tayong hindi alam kaysa nalalaman natin.
Pakiramdam ko ang pagkatanto kung gaano kakumplikado ang mga bagay—gaano ka-elegante ang disenyo ng mga bagay-bagay—ay totoong nagpapatatag ng pananampalataya. Hindi natin mauunawaan ang tunay na likas na katangian ng ating buhay kung walang pananampalataya. Ang totoo ay, habang mas natututo ako sa pamamagitan ng siyensya, mas nalalaman ko na may isang matalino at banal na Lumikha na namahala sa paglikha sa atin.
Bilang bishop, may nakikita akong mga miyembro na nawawalan ng pananampalataya. Nagpupunta sila sa akin at sinasabing, “Mas naniniwala ako sa siyensya, kaya talagang nahihirapan akong manampalataya.” Nakakatulong sa ilan sa kanila na nag-aalinlangan na malaman na ang bishop nila ay isang Harvard scientist na naniniwala sa Diyos. Ipinauunawa niyan sa kanila na, “Maaari akong maniwala pero nag-iisip din ako.”