Ang Una Kong Pagpunta sa Templo
Ang awtor ay naninirahan sa Córdoba, Argentina.
Gusto kong pumunta mismo sa templo, hindi lang makinig sa mga karanasan dito ng ibang tao.
Noong 16 na anyos ako, sinabi ng stake presidency na pupunta ang stake namin sa templo sa Buenos Aires, at niyaya niya akong sumama. Nag-ipon ako ng pera at sinikap kong maging karapat-dapat sa temple recommend.
Matapos kong matanggap ang recommend, dumating ang mga tukso mula sa lahat ng panig, na pawang nagsisikap na gawin akong hindi karapat-dapat. Ngunit hangad kong dumalo sa templo. Ayaw kong makinig lang sa mga karanasan at patotoo ng iba; gusto kong magkaroon ng sarili kong karanasan at patotoo.
Sumapit ang gabi ng paglalakbay. Bago pa sumakay sa bus, pumasok sa isip ko na huwag nang sumama, pero hindi ako bumigay. Sa 10-oras na biyahe, katabi ko sa upuan ang isang miyembro ng Simbahan na napakabait sa akin. Mga 60 anyos na siya. Ikinuwento niya sa akin ang kanyang buhay at kung gaano siya kasaya sa napagdaanan niyang mga pagsubok.
Sinimulan kong ikuwento sa kanya ang buhay ko at kung paano ko nadama na nag-iisa ako dahil nilayuan ako ng maraming tao dahil sinusunod ko ang Diyos. Sabi niya sa akin, “Bibigyan ka ng Diyos ng matalik na kaibigan, at lalaging naririyan ang kaibigang iyon para sa iyo. Huwag mong kalimutan iyan.” Matapos niyang sabihin iyon, napanatag at napayapa ako dahil nadama ko na totoo ang sinabi niya sa akin.
Pagpasok ko sa templo, naglaho ang bigat na pasan-pasan ko. Parang may espirituwal na yakap na nagsasabi sa akin, “Maligayang pagdating, anak ko. Matagal na kitang hinihintay.”
Nadama ko na ang templo ay talagang bahay ng Diyos, hindi lang isang magandang gusali. Matapos gawin ang ilang pagbibinyag at kumpirmasyon, lumabas na ako. Nadama kong muli ang mga pasanin, pero pakiramdam ko ay may lakas na akong daigin ang mga ito.
Alam ko na ang paghahanda ng ating sarili at pagpapaubaya ng lahat ng bagay sa kamay ng Diyos at pagpapakabuti para makapasok sa templo ang siyang inaasahan sa atin. Sa gayon ay binibiyayaan tayo ng Diyos nang sagana.