Mga Pagninilay
Binabantayan ng Ating Ama sa Langit
Bago nagkaroon ng sakit na Alzheimer’s, laging may kuwento o kanta ang tatay ko para sa kanyang mga anak. Naaalala ko na nakaupo siya sa malaki niyang upuan kandong ang bunsong kapatid kong lalaki habang pinupuno ng kanyang malamig na boses ang silid sa pagkukuwento niya tungkol sa kanyang kabataan—lahat mula sa pag-aalaga ng mga baka habang nakapatong ang kanyang pusa sa balikat niya hanggang sa pagpapadulas pababa sa pulang bato ng Escalante, Utah, USA. Pagkatapos, kapag inantok na ang kapatid ko, tumitigil ang mga kuwento, at ipaghehele na siya ni Itay:
Munti kong buckaroo, tulog na,
Ama sa Langit, binabantayan ka.
Oras na para matulog, araw lumipas na.
Kaya munti kong buckaroo, tulog na.1
Ngayo’y isa nang ama ang bunsong kapatid ko, at nasa ospital ang aking ama sa San Diego, California, USA. Bagama’t nakikita niya ang mga puno ng palma, inaakala niya na bata pa siya na nagpapatubig sa mga hanay ng mais, kamatis, at bitsuelas. Pero hindi naman. Agaw-buhay na siya.
Araw-araw, nakapaligid ang aking ina at mga kapatid sa kama niya. Tinawagan ako ni Inay sa bahay ko sa kabundukan ng Utah, USA. Ikinuwento niya sa akin na kapag ipinapakita niya kay Itay ang mga lumang retrato ng pamilya, sumisilay ang ngiti sa payat nitong mukha. Sa ibang mga pagkakataon, naaalala niya ang mga kapatid niya, na matagal nang namayapa. Sinikap ng nanay ko na pakainin siya, pero ayaw niya. Sinabi ni Itay sa kanya na nakahuli ng ilang isda ang mga kapatid niya at kailangan niyang alagaan ang mga kabayo bago maghapunan.
Isa-isa naming tinanggap na kapag sumakabilang-buhay na si Itay, siya ay “dadalhin pabalik sa Diyos na sa [atin] ay nagbigay-buhay,” sa “paraiso, … kung saan [siya] ay mamamahinga mula sa [kanyang] mga suliranin at sa lahat ng [kanyang] alalahanin at kalungkutan” (Alma 40:11–12).
Tinawagan ko si Inay at iniabot niya ang telepono kay Itay. Nagulat ako nang kantahan niya ako: “Munti kong buckaroo, tulog na, Ama sa Langit, binabantayan ka.”
Iniisip ko kung talagang kilala ako ni Itay. Siguro hindi, pero ang kantang ito ay isang regalong umaantig sa puso ko. Napaiyak ako sa pasasalamat sa magiliw na awa ng aking Ama sa Langit at sa Kanyang plano ng kaligtasan. Hindi nagtagal at natapos ang kanta, at nakinita ko ang mga mata ni Itay na nagsisimulang pumikit. Naglaho na ang sandaling iyon, pero nakakakita ako ng pag-asa sa kaalaman na ang kamatayan ay bahagi ng plano ng Diyos para maibalik tayo sa piling Niya. Naniniwala ako sa plano ng Diyos at sa Kanyang pagmamahal sa atin habang nabubuhay tayo. Bumulong ako, “Magandang gabi, Itay. Tulog na. Ama sa Langit, binabantayan ka.”