2017
Ang Pamumuhay ng Ebanghelyo ay Pinangangalagaan ang Sagradong Relasyon ng Pamilya
June 2017


Ang Ating Paniniwala

Ang Pamumuhay ng Ebanghelyo ay Pinangangalagaan ang Sagradong Relasyon ng Pamilya

living the gospel nourishes sacred family relations

Mga paglalarawan ni J. Beth Jepson

Lahat tayo ay anak ng mapagmahal na mga Magulang sa Langit na nagsugo sa atin sa lupa upang matutuhan kung paano makabalik sa Kanila. Ang pamilya ang pinakamahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan. Binibigyan tayo ng Diyos ng mga pamilya para magkaroon tayo ng katawan, matuto ng mga tamang alituntunin, at maghanda para sa buhay na walang hanggan.

Nais ng Ama sa Langit na lumaki ang bawat isa sa Kanyang mga anak sa mga kapaligirang may pagmamahalan. Ang pinakamagandang paraan para makamtan ang mga kapaligirang ito na may pagmamahalan ay ipamuhay at sundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo. “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”1 Ang mga tahanang nakatatag sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay nagiging lugar ng kapayapaan, kung saan maaaring gabayan, impluwensyahan, at pasiglahin ng Espiritu ng Panginoon ang lahat ng miyembro ng pamilya.

Ang pamilya ay inorden ng Diyos at “ang patakaran ng langit …, [ang] halimbawa ng isang selestiyal na huwaran at kahalintulad ng walang-hanggang pamilya ng Diyos.”2 Ang mga ugnayan sa pamilya at ang kaakibat na mga responsibilidad nila ay sagrado. Nalaman natin sa mga banal na kasulatan na tungkulin ng mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak sa katotohanan, liwanag, at pagmamahal (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:4; D at T 68:25). Dapat mahalin at igalang ng mga mag-asawa ang isa’t isa (tingnan sa Mga Taga Efeso 5:25), at dapat igalang ng mga anak ang kanilang mga magulang (tingnan sa Exodo 20:12).

“Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”3 Ang pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay nagpapatatag sa mga ugnayan ng pamilya at nagdaragdag sa kani-kanya at magkakasamang espirituwal na lakas ng mga miyembro ng pamilya. Ang alituntuning ito ay makakatulong din sa atin na mas mapalapit kay Cristo.

Bawat pamilya ay may mga hamon. Sa espirituwal na kaguluhan ng mga panahong ito, hindi lahat ng pamilya ay perpekto ang sitwasyon. Tulad ng sabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ngayong milyun-milyon na ang mga miyembro, at iba-iba na ang mga bata sa Simbahan, kailangan nating maging mas maalalahanin at sensitibo.”4 Walang suporta ng pamilya ang ilang tao sa pamumuhay ng ebanghelyo. Ang ilang hamon ay talagang mahirap, kabilang na ang (ngunit hindi limitado sa) diborsyo, pang-aabuso, at adiksyon.

Alam ng Diyos ang sitwasyon ng bawat pamilya at ang indibiduwal na mga hangaring magkaroon ng pagmamahalan sa tahanan. Kahit hindi perpekto ang mga ugnayan sa ating pamilya, mapagpapala pa rin ng pamumuhay ng ebanghelyo ang ating buhay at ating tahanan. Mapapalakas nito ang pakikipag-ugnayan natin sa ating asawa, mga magulang, anak, kapatid, at sa ating Ama sa Langit. Makakamit ang ilan sa mga pagpapalang ito ngayon, at ang iba ay sa kawalang-hanggan lamang, ngunit hindi ipagkakait ng Diyos ang anumang pagpapala sa mga nagpupunyagi para sa kabutihan.

Mga Tala

  1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas,” Liahona, Mayo 2016, 77.

  3. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” 129.

  4. Neil L. Andersen, “Sinomang Tumanggap sa Kanila, ay Ako ang Tinanggap,” Liahona, Mayo 2016, 50.