Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pag-aayuno para Humiling ng Tulong SA Trabaho
Matapos makapagmisyon nang tapat sa Mozambique, umuwi ako at, tulad ng maraming iba pang returned missionary, agad akong bumaling sa pag-aaral at pagtatrabaho.
Nanirahan ako sa Brazil, sa isang lungsod na malapit sa Paraguay, at nakapagtrabaho sa isang kumpanyang nag-aangkat ng mga produkto para sa isang malaking supermarket sa panig ng Paraguay. Ang pagpapalang matuto ng Ingles sa misyon ko ay nakatulong para matanggap ako sa posisyong ito. Sa panahong ito, may-asawa na ako at nabiyayaan ng isang anak na babae.
Nang magkaroon ng pinansyal na krisis sa Brazil sa pagbaba ng halaga ng pera ng Brazil, naapektuhan mismo ang trabaho ko. Dahil dito, bumaba ang benta ng mga produktong regular kong inaangkat. Pagsapit ng katapusan ng Pebrero ng sumunod na taon, halos wala na akong ginagawa. Halos tiyak nang mawawalan ako ng trabaho, tulad ng nangyari sa ibang mga kasamahan ko. Nag-alala ako kung paano ko bubuhayin ang aking asawa at musmos na anak na babae. Nagsimula akong maghanap ng ibang trabaho.
Kinausap ko ang asawa ko tungkol sa sitwasyon. Iminungkahi niya na mag-ayuno kami. Habang nag-aayuno kami, nabalot ng kapayapaan ang aming puso at nadama namin na magiging maayos ang lahat, bagama’t hindi ko maisip kung paano.
Kinabukasan sa trabaho, tinawag ako ng manager ko. Akala ko ay dumating na ang sandaling kinatatakutan ko—mawawalan na ako ng trabaho. Pero nagulat ako nang sabihin sa akin ng manager ko na may ideya siya. Dahil marunong akong mag-Ingles, iminungkahi niya na isalin ko ang legal na mga dokumento na karaniwang ibinibigay sa mga abugado para ipasalin. Sabi niya, kung matapos ko ang pagsasalin, ibibigay sa akin ang tungkuling iyon at makakatipid ang departmento. Agad kong sinimulang isalin ang mga dokumento. Nang ipakita ko sa manager ko ang natapos kong pagsasalin, tuwang-tuwa siya! Tuwang-tuwa rin ako dahil hindi ako nawalan ng trabaho.
Nang kunin ko ang tseke ko, na huli na sana, nagulat akong makita na tumaas ang suweldo ko. Naantig ang puso ko, at nagpasalamat ako sa Ama sa Langit. Dahil sa karanasang ito, alam ko na binubuksan ng pag-aayuno ang mga dungawan sa langit.