2017
Ang Mahalagang Papel ng Relihiyon sa Buong Mundo
June 2017


Ang Mahalagang Papel ng Relihiyon sa Buong Mundo

Ibinigay ni Elder Oaks ang mensaheng ito noong Hunyo 9, 2016, sa Oxford University sa England sa isang symposium tungkol sa kalayaang pangrelihiyon.

Hindi maaaring mawala ang impluwensya ng relihiyon sa ating pampublikong buhay nang hindi natin inilalagay sa panganib ang lahat ng kalayaan natin.

religious scenes

Mga retrato mula sa Getty Images

Sa loob ng mahigit 30 taon, naging isa ako sa Labindalawang Apostol ni Jesucristo. Tulad ng utos ng aming Unang Panguluhan, pinamamahalaan namin ang aming pandaigdigang Simbahan na may halos 16 na milyong miyembro sa mahigit 30,000 kongregasyon. Itinuturo at pinatototohanan namin ang kabanalan ni Jesucristo at ang Kanyang priesthood at ang kabuuan ng Kanyang doktrina. Kakaiba sa aming doktrina ang aming kaalaman na ang Diyos ay patuloy na tumatawag ng mga propeta at apostol para tumanggap ng paghahayag at ituro kung paano ipamuhay ang Kanyang mga kautusan sa mga sitwasyon ng ating panahon.

1. Ang Kahalagahan ng Relihiyon sa Buong Mundo

Ang kalayaang pangrelihiyon ay habambuhay kong pinagkakainteresan. Ang una kong inilathala noong bata pa akong propesor ng abugasya sa University of Chicago 54 na taon na ang nakararaan ay isang aklat na inedit ko tungkol sa kaugnayan ng simbahan at pamahalaan sa Estados Unidos.1

Ngayon, higit kaysa noon, hindi puwedeng balewalain ng sinuman sa atin ang kahalagahan ng relihiyon sa buong mundo—sa pulitika, paglutas ng hindi pagkakasundo, pag-unlad ng ekonomiya, humanitarian relief, at iba pa. Walumpu’t apat na porsiyento ng populasyon ng mundo ang kabilang sa isang partikular na relihiyon,2 subalit 77 porsiyento ng mga naninirahan sa mundo ang nabubuhay sa mga bansang may mahihigpit o napakahihigpit na restriksyon sa kalayaang pangrelihiyon.3 Ang pag-unawa sa relihiyon at sa kaugnayan nito sa mga alalahanin sa buong mundo at sa mga pamahalaan ay mahalaga sa paghahangad nating pagandahin ang mundong tinitirhan natin.

Bagama’t walang alam ang karamihan sa mundo tungkol sa kalayaang pangrelihiyon at nanganganib ito sa sekularismo at panatisismo sa iba, nangungusap ako para sa uliran kung saan ang mga kalayaang hangad na protektahan ng relihiyon ay bigay ng Diyos at likas ngunit ipinatutupad sa pamamagitan ng bahaginan ng magkakatugmang pakikipag-ugnayan sa mga pamahalaang hangad ang kapakanan ng lahat ng kanilang mga mamamayan.

Dahil dito, dapat tiyakin ng pamahalaan ang kalayaang pangrelihiyon para sa mga mamamayan nito. Sabi sa artikulo 18 ng maimpluwensyang Universal Declaration of Human Rights ng United Nation: “Lahat ay may karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon; kasama sa karapatang ito ang kalayaang magbago ng kanyang relihiyon o paniniwala, at kalayaan, mag-isa man o kasama ang iba at sa publiko man o pribado, na ihayag ang kanyang relihiyon o paniniwala sa pagtuturo, pagsasagawa, pagsamba at pagsunod.”4

Ang magkakatugmang responsibilidad ng relihiyon, sa pamamagitan ng mga sumusuporta rito, ay dapat sundin ang mga batas at igalang ang kultura ng bansang tumitiyak sa mga kalayaan nito. Kapag tiyak ang mga kalayaang pangrelihiyon, ang gayong tugon ay pagpapakita ng utang-na-loob sa masayang paraan.

Kung may iisang paraan ng pagtanggap at pagsasabuhay ng mga pangkalahatang alituntuning ito, hindi na kailangang talakayin pa ang kalayaang pangrelihiyon. Ngunit tulad ng alam nating lahat, napakaraming kaguluhan sa ating mundo tungkol sa mga pangkalahatang alituntunin. Halimbawa, hinahamon ngayon ng mga kilalang tao ang buong ideya ng mga kakaibang proteksyon para sa relihiyon. May isang gayong aklat na ang pamagat ay Freedom from Religion, at ang isa pa ay, Why Tolerate Religion?5

Ang iba pang mga tao ay naghahangad na maliitin ang relihiyon at ang mga nananalig, tulad ng paglimita sa kalayaang pangrelihiyon sa pagtuturo sa mga simbahan, sinagoga, at moske, samantalang itinatatwa ang mga paniniwala sa relihiyon sa publiko. Mangyari pa, ang gayong mga pagtatangka ay labag sa katiyakang bigay ng Universal Declaration na karapatang ihayag ang relihiyon o mga paniniwala “sa publiko man o pribado.” Ang kalayaang manampalataya sa relihiyon ay dapat ding umangkop kapag kumilos ang mga nananalig bilang isang komunidad, tulad ng mga pagsisikap nila sa edukasyon, medisina, at kultura.

2. Mga Pinahahalagahan ng Lipunan sa Relihiyon

Ang mga paniniwala at gawi ay pinupuna rin na hindi makatwiran at salungat sa mahahalagang mithiin ng pamahalaan at lipunan. Mangyari pa, naniniwala ako na ang relihiyon ay may kakaibang pakinabang sa lipunan. Tulad ng inamin ng isang ateista sa isang bagong aklat, “Hindi kailangang manampalataya sa relihiyon ang isang tao para maunawaan na ang mga pangunahing pinahahalagahan ng sibilisasyong Kanluranin ay nakasalig sa relihiyon, at mag-alala na ang pagguho ng pagsampalataya sa relihiyon samakatwid ay nagpapahina sa mga pinahahalagahang iyon.”6 Isa sa “mga pangunahing pinahahalagahan” na iyon ang konsepto ng likas na dangal at kahalagahan ng tao.

historical figures

Paikot mula itaas kaliwa pakanan: Mother Teresa, Dr. Martin Luther King Jr., U.S. President Abraham Lincoln, Bishop Desmond Tutu, William Wilberforce.

Narito ang pitong iba pang halimbawa ng mga pinahahalagahan ng lipunan sa relihiyon:

1. Marami sa mga pinakamahalagang pag-unlad ng moralidad sa sibilisasyong Kanluranin ang nahikayat ng mga alituntuning pangrelihiyon at nahimok na lubusang tanggapin ang mga bagong ideya sa pamamagitan ng pangangaral sa pulpito. Gayon din ang nangyari sa pag-aalis ng pangangalakal ng mga alipin sa British Empire, sa Emancipation Proclamation sa Estados Unidos, at sa Civil Right movement ng huling kalahating-siglo. Ang mga pag-unlad na ito ay hindi naganyak at naantig ng etikang sekular kundi nahimok unang-una ng mga taong malinaw na nakikita sa relihiyon ang tamang moralidad.

2. Sa Estados Unidos, ang ating napakalaking pribadong sektor ng mapagkawanggawang gawain—edukasyon, mga ospital, pangangalaga sa mga maralita, at napakaraming iba pang napakahalagang kawanggawa—ay nagsimula sa at itinataguyod pa rin higit sa lahat ng mga organisasyong pangrelihiyon at espirituwal na damdamin.

3. Ang mga lipunang Kanluranin ay hindi makaganap nang mahusay nang mag-isa dahil sa pangkalahatang pagpapatupad ng batas, na hindi praktikal, kundi higit sa lahat ng mga mamamayang kusang sumusunod sa batas na hindi maipatupad dahil sa kanilang mga pamantayan ng wastong pag-uugali. Para sa marami, ang paniniwala ng relihiyon sa tama at mali at ang hinihintay na pananagutan sa mas mataas na kapangyarihan ang nagbubunga ng gayong kusang-loob na pagdisiplina sa sarili. Katunayan, ang mga pinahahalagahan sa relihiyon at mga katotohanan sa pulitika ay lubhang magkakaugnay sa pinagmulan at pagpapanatili ng mga bansang Kanluranin kaya hindi mawawala ang impluwensya ng relihiyon sa ating pampublikong buhay nang hindi natin inilalagay sa panganib ang lahat ng kalayaan natin.

4. Kasama ang mga pribadong katumbas, nagsisilbing mga namamagitang institusyon ang mga organisasyong pangrelihiyon para hubugin at bawasan ang panghihimasok ng pamahalaan sa mga tao at pribadong organisasyon.

5. Ang relihiyon ay nagbibigay-inspirasyon sa maraming nananalig na maglingkod sa iba, na naging malaking kapakinabangan, sa kabuuan, sa mga komunidad at bansa.

6. Ang relihiyon ay nagpapatatag sa kalagayan ng lipunan. Tulad ng itinuro ni Rabbi Jonathan Sacks: “[Ang relihiyon] ay nananatiling pinakamabisang tagapagpatatag ng komunidad na alam ng mundo. … Ang relihiyon ang pinakamahusay na panlaban sa pagkamakasarili sa panahong ito. Kabaligtaran ng nangyari sa kasaysayan ang ideya na kayang magpatuloy ng lipunan kahit wala ito.”7

7. Sa huli, isinulat ni Clayton M. Christensen, isang Banal sa mga Huling Araw na tinatawag na “pinuno ng mga ideya” sa buong mundo pagdating sa pamamahala ng negosyo at inobasyon,8 na “relihiyon ang pundasyon ng demokrasya at kaunlaran.”9 Marami pang ibang masasabi tungkol sa magandang papel ng relihiyon sa pag-unlad ng ekonomiya.

Naniniwala ako na ang mga turo ng relihiyon at ang ginagawa ng mga nagsisisampalataya nang dahil sa relihiyon ay mahalaga sa malaya at maunlad na lipunan at karapat-dapat pa rin sa mga espesyal na legal na proteksyon.

3. Magkakatugmang Responsibilidad ng Relihiyon

Hanggang ngayon, mga responsibilidad pa lang ng mga pamahalaan sa mga nagsisisampalataya at organisasyong pangrelihiyon ang natatalakay ko. Babaling ako ngayon sa magkakatugmang responsibilidad na utang-na-loob ng mga relihiyon at nagsisisampalataya sa kanilang pamahalaan.

Mula sa mga nagtatamasa ng kanilang proteksyon, malinaw na may karapatan ang mga pamahalaan na asahan ang pagsunod sa mga batas at paggalang sa kultura. Ang mga pamahalaan ay may matinding interes na pangalagaan ang seguridad ng mga hangganan ng kanilang bansa at ingatan ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga mamamayan. Malinaw na may karapatan silang igiit na itigil ng lahat ng organisasyon, pati na ng mga relihiyon, ang pagtuturo ng pagkapoot at pagkilos na maaaring mauwi sa karahasan o iba pang mga krimen laban sa iba. Hindi kailangan ng anumang bansa na mag-alok ng kanlungan sa mga organisasyong nagtataguyod ng terorismo. Ang kalayaang pangrelihiyon ay hindi hadlang sa kapangyarihan ng pamahalaan sa alinman sa mga sitwasyong ito.

Ngayon ang magkakatugmang tungkulin ng relihiyon at pamahalaan ay lubhang sinusubukan sa Europe. Malinaw na ang pagdagsa ng mga refugee na karamihan ay Muslim ang relihiyon at kultura sa mga bansa na may iba’t ibang kultura at relihiyon ay lumilikha ng matitinding hamon sa pulitika, kultura, lipunan, pananalapi, at relihiyon.

refugees

Tinatawid ng mga refugee ang hangganan mula Syria papasok ng Turkey.

Ano ang maitutulong ng relihiyon at mga organisasyong pangrelihiyon sa mga refugee at sa mga bansang tumanggap sa kanila—nang pansamantala at pangmatagalan? Alam natin na may ilang propesyonal na nag-aalinlangan sa papel ng mga organisasyong pangrelihiyon sa mga bagay na ito, at ang tingin pa ng ilan sa relihiyon ay nakakagulo ang impluwensya nito. Sisikapin kong huwag salungatin ang mga opinyon batay sa mga tunay na pangyayari na hindi pamilyar sa akin. Ibabahagi ko lamang ang mga patakaran at karanasan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na sa paniwala ko ay maglalarawan ng positibong impluwensya na maaari at dapat taglayin ng mga organisasyong pangrelihiyon, nang pangsamantala at pangmatagalan.

Kami na kilala bilang mga Banal sa mga Huling Araw, o Mormon, ay literal na inuunawa ang turo ni Cristo na dapat nating bigyan ng pagkain ang nagugutom at kanlungan ang taga ibang bayan (tingnan sa Mateo 25:35). Inuutusan din kami ng isang makabagong paghahayag na doon din nagmula na “alalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap, sapagkat siya na hindi gumagawa ng mga bagay na ito, siya rin ay hindi ko disipulo” (D at T 52:40).

Ang pangangalaga sa maralita at nangangailangan ay hindi opsiyonal o nagkataon lang sa aming Simbahan. Ginagawa namin ito sa buong mundo. Halimbawa, sa taong 2015 nagkaroon kami ng 177 emergency response project sa 56 na bansa. Bukod pa rito, nagkaroon kami ng daan-daang proyekto na pinakinabangan ng mahigit isang milyong katao sa pitong iba pang kategorya ng tulong, tulad ng malinis na tubig, bakuna, at pangangalaga sa mata. Sa loob ng mahigit 30 taon, ang mga pagsisikap na ito ay nagkakahalaga ng mga U.S. $40 milyon kada taon.

Iniiwasan namin ang isa sa mga pagtutol sa mga organisasyong pangrelihiyon sa pamamagitan ng mahigpitang paghihiwalay ng ating humanitarian services sa aming mga pandaigdigang gawaing misyonero. Ang aming tulong-pantao ay ibinibigay nang walang itinatanging kaugnayan sa anumang relihiyon, dahil gusto naming tanggapin nila ang aming mga pagsisikap sa gawaing misyonero at ituring kami na hindi namumuwersa o nagpapakain o nagreregalo kami kapalit nito.

4. Ano ang Magagawa ng mga Simbahan?

church service

Ano ang magagawa ng mga organisasyon ng simbahan bukod pa sa magagawa ng United Nations o ng bawat bansa? Muli, tutukuyin ko ang karanasan ng sarili naming Simbahan. Habang ang aming mga miyembro—kalahati sa Estados Unidos at kalahati sa ibang lugar—ay wala pang gaanong kakayahang tumulong, mayroon kaming tatlong malalaking kalamangan na nagpapalaki ng epekto namin.

Una, dahil sa mga tradisyon namin sa paglilingkod bilang mga miyembro, mayroon kaming tapat at bihasang mga boluntaryo. Kung bibilangin, noong 2015 ang mga volunteer namin ay nagbigay ng mahigit 25 milyong oras na pagtulong sa ating mga proyektong pangkawanggawa, pantao, at iba pang proyektong itinataguyod ng Simbahan,10 hindi pa kasama riyan ang lihim na ginawa ng aming mga miyembro.

Pangalawa, dahil sa mga pinansiyal na kontribusyon ng aming mga miyembro sa mga tulong-pantao, may sarili kaming pondo. Kahit may kakayahan kaming kumilos nang malaya sa mga istruktura at pondo ng pamahalaan, sabik din kaming iugnay ang aming mga pagsisikap sa bawat pamahalaan at ahensya ng United Nations para mas marami kaming matulungan. Nananawagan kami sa kanila na lalong umasa sa kakayahan ng mga organisasyong pangrelihiyon.

Pangatlo, may mga organisasyon kami ng mga ordinaryong mamamayan na maaaring kumilos kaagad. Halimbawa, sa pandaigdigang problema tungkol sa mga refugee, noong Marso 2016 nagpadala ng mensahe ang aming Unang Panguluhan at mga General President ng Relief Society, Young Women, at Primary sa mga miyembro sa buong mundo para ipaalala sa kanila ang pangunahing alituntuning Kristiyano na tumulong sa mga maralita at sa “taga ibang bayan” sa ating kalipunan (Mateo 25:35). Inanyayahan nila ang mga batang babae at kababaihan na iba’t iba ang edad na sumama sa pagtulong sa mga refugee sa sarili nilang komunidad.11

Bilang halimbawa ng mga sagot ng aming mga miyembro sa Europe, isang gabi noong Abril 2016, mahigit 200 miyembro ng mga kongregasyong Mormon at kanilang mga kaibigan sa Germany ang nagboluntaryo at nag-empake ng 1,061 “welcome bag” para sa mga batang nakatira sa anim na refugee center sa Germany sa mga estado ng Hessen at Rheinland-Pfalz. Ang mga bag ay naglalaman ng bagong damit, hygiene items, mga kumot, at art supplies. Sabi ng isa sa kababaihang namumuno sa proyekto, “Hindi ko man kayang baguhin ang kalunus-lunos na sitwasyon na naging dahilan para tumakas ang [mga refugee] mula sa kanilang tahanan, maaari naman akong gumawa ng kaibhan sa [kanilang] kapaligiran at maging aktibong impluwensya sa buhay [nila].”

Narito ang dalawang halimbawa ng aming pormal na inorganisang mga pandaigdigang pagkakawanggawa. Noong 2015, sa lubusang pakikipagtuwang sa AMAR Foundation ng Britain, nagtayo ang LDS Charities ng mga panimulang health care center para sa minoryang Yezidi sa hilagang Iraq, na walang-awang biniktima ng ISIS. Ang mga health care center na ito—na kumpleto ang gamit sa laboratoryo, agarang pangangalaga, botika, at ultrasound—ay naghahatid ng ginhawa sa isang populasyong nasasaktan kapwa sa pisikal at espirituwal. Gumagamit sila ng mga doktor at volunteer na Yezidi na tumutulong sa sarili nilang mga kababayan sa mga paraan na angkop sa kanilang kultura.

Elder Holland and Emma Nicholson

Si AMAR chair Baroness Emma Nicholson kasama si Elder Jeffrey R. Holland sa London, England.

Noong 2004 ang mapangwasak na lindol at sumunod na tsunami sa Southeast Asia noong Disyembre 26 ay kumitil sa buhay ng 230,000 katao sa 14 na bansa. Dumating ang aming LDS Charities sa lugar na iyon pagkaraan ng isang araw at aktibong tumulong sa loob ng limang taon. Sa rehiyon pa lamang ng Banda Aceh na lubhang naapektuhan ng baha, nagtayo ang aming charities ng 900 permanenteng bahay, 24 na patubig sa nayon, 15 primary school, 3 medical center, at 3 community center na nagsilbi ring mga moske. Bukod pa riyan, nagbigay kami ng mga kopya ng mga banal na Koran at prayer rug para tulungan ang mga komunidad na iyon sa kanilang pagsamba.

Ang mga ito ay ilang paglalarawan lang ng kahalagahan ng relihiyon sa isang kultura na hindi lang natin itinataguyod bilang relihiyon kundi humihingi rin tayo ng kalayaang pangrelihiyon, na itinuturing natin na siyang unang kalayaan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa The Wall between Church and State, inedit ni Dallin H. Oaks (1963).

  2. Tingnan sa Pew Research Center, “The Global Religious Landscape: A Report on the Size and Distribution of the World’s Major Religious Groups as of 2010,” Dis. 2012, 9, 24, pewforum.org.

  3. Tingnan sa Pew Research Center, “Latest Trends in Religious Restrictions and Hostilities,” Peb. 26, 2015, 4, pewforum.org.

  4. Universal Declaration of Human Rights, pinagtibay ng General Assembly ng United Nation noong Dis. 10, 1948, un.org. Ang mga proteksyong ito para sa pagsamba sa relihiyon ay kinikilala sa mga dokumento ng mga karapatang pantao sa buong mundo at mga rehiyon. Tingnan, halimbawa, sa “International Covenant on Civil and Political Rights,” Dis. 16, 1966, Article 18; “Declaration on the Elimination of All Forms of Intolerance and of Discrimination Based on Religion or Belief,” 1981, Article 1; “European Convention for the Protection of Human Rights and Fundamental Freedoms,” 1950, Article 9; “American Convention on Human Rights” Nob. 22, 1969, Article 12; at “African Charter on Human and People’s Rights,” Hunyo 27, 1981, Article 8.

  5. Amos N. Guiora, Freedom from Religion: Rights and National Security (2009) at Brian Leiter, Why Tolerate Religion? (2012).

  6. Melanie Phillips, The World Turned Upside Down: The Global Battle over God, Truth, and Power (2010), xviii.

  7. Jonathan Sacks, “The Moral Animal,” New York Times, Dis. 23, 2012, nytimes.com.

  8. Jena McGregor, “The World’s Most Influential Management Thinker?” Washington Post, Nob. 12, 2013, washingtonpost.com.

  9. Clayton Christensen, “Religion Is the Foundation of Democracy and Prosperity,” Peb. 8, 2011, mormonperspectives.com.

  10. Ito ay may kabuuang mahigit 14 na milyong oras ng serbisyo ng mga missionary ng Simbahan, halos 8 milyon ng welfare at humanitarian workers, at mahigit 4 na milyon ng welfare work sa mga ward.

  11. Tingnan sa liham ng Unang Panguluhan, Mar. 26, 2016, at liham ng mga General President ng Relief Society, Young Women, at Primary, Mar. 26, 2016.