Mga Debosyonal noong 2016
“Huwag Matakot … sa Akin ang Inyong Kagalakan ay Lubos” (D at T 101:36)


“Huwag Matakot … sa Akin ang Inyong Kagalakan ay Lubos” (D at T 101:36)

Isang Gabi Kasama si Elder Quentin L. Cook

Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Setyembre 11, 2016 • Washington D.C. Stake Center

Nagpapasalamat akong makasama kayong mga young adult sa debosyonal na ito mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Gaya ng nabanggit, ang debosyonal na ito ay nagmumula sa chapel na katabi ng Washington D.C. Temple. Talagang pinili ko ang lugar na ito dahil katabi ito ng templo. Salamat at nabubuhay tayo sa panahon na laganap ang mga templo sa mundo. Kailangan natin ang mga pagpapala ng templo sa napakahirap na panahong ito.

Ang daigdig ay talagang tila napakagulo.1 Ngayon lang nangyari ang ganitong kaguluhan. Ang katahimikan ng kaisipan at kapanatagan ng damdamin ay tila mailap at imposibleng makamit. Ang mensahe ko sa inyo ngayong gabi ay hindi tayo dapat matakot kahit sa mapanganib at maligalig na mundo. Tinitiyak sa atin ng banal na kasulatan na magkakaroon tayo ng lubos na kagalakan dahil sa Tagapagligtas.2

May ilang kagila-gilalas na pangyayari na nakaukit sa puso’t isipan ng marami sa inyo sa napakapositibong paraan. Naaalala ninyo ang bawat detalye ng pangyayari. Maaaring kasama sa mga halimbawa ang pagbubukas ng sobre ng mission call, pagbubuklod sa kabiyak sa templo, pagkilala na pinatotohanan ng Espiritu Santo sa inyong kaluluwa na totoo ang Aklat ni Mormon. Ito ang mahahalagang pangyayari na naghahatid di lamang ng gantimpala kundi ng tunay na kagalakan. Nakakatuwa na ang mga pangyayaring ukol sa Tagapagligtas ang karaniwang naghahatid ng pinakamalaking kagalakan.

Ngunit may ilang pangyayari na kakila-kilabot, o nakasisindak, kaya’t may matinding epekto ito sa atin.

Ang pagbagsak ng Berlin Wall, ang pagpatay kay Pangulong John F.Kennedy ng Estados Unidos, at ang pagsalakay ng terorista noong 9/11 ay mga halimbawa ng kakila-kilabot na mga pangyayari kung kaya’t tandang-tanda ng mga tao kung nasaan sila noon at ano ang nadama nila nang marinig nila ang balita.

Karamihan sa inyo ay bata pa nang bombahin ang World Trade Center sa New York City at ang Pentagon, dito sa Washington D.C. area, na nangyari sa araw na ito, Setyembre 11, 2001, 15 taon na ang nakalipas. Palagay ko karamihan sa inyo (saanman sa mundo kayo nakatira) ay maaalala kung nasaan kayo noon at dama pa ang pagkasindak at pagkadismaya na naranasan ninyo at ng mga tao sa inyong paligid. Sinira ng pangyayaring iyon ang diwa ng kapayapaan at lalong nakadama ng kahinaan ang marami. Nasabi ko noon na naging mahalaga ito sa akin at sa asawa kong si Mary.

Ang panganay naming anak na lalaki at ang kanyang asawa, na kabuwanan na sa kanilang unang anak, ay nakatira tatlong kanto ang layo mula sa World Trade Center sa New York City nang sumalpok sa North Tower ang unang eroplano, na na-hijack ng mga terorista. Umakyat sila sa bubong ng kanilang apartment at nangilabot nang masaksihan ang bunga ng inakala nilang matinding aksidente. Nang masaksihan nila ang pagsalpok ng ikalawang na-hijack na eroplano sa South Tower, natanto nila na hindi iyon aksidente at naniwalang inaatake ang ibabang Manhattan. Nang gumuho ang South Tower, binalot ng alikabok ang gusali ng kanilang apartment na lumukob sa ibabang Manhattan.

Lito at nabigla sa nasaksihan nila, at sa pag-aalala sa susunod na mga pag-atake, nagpunta sila sa mas ligtas na lugar at pagkatapos ay tumuloy sa gusali ng Simbahan sa Manhattan Stake sa Lincoln Center. Pagdating roon, naabutan nila ang maraming iba pang mga miyembro na taga-ibabang Manhattan na nagpasiya ring magtipon sa stake center. Napanatag kami nang tumawag sila upang ipaalam sa amin kung nasaan sila at na ligtas sila. Itinuturo sa makabagong paghahayag na ang mga stake ng Sion ay isang tanggulan at “isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot [na] sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa.”3 Hindi sila pinabalik sa kanilang apartment nang mahigit isang linggo at labis na nalungkot sa pagkamatay ng mga inosenteng tao, bagama’t hindi sila nagkaroon ng permanenteng pinsalang pisikal.

Ang eroplanong sumalpok sa Pentagon malapit sa kinaroroonan natin ngayong gabi, sa Washington D. C., ay isa ring terrorist suicide mission na nagbunga rin ng matinding pinsala.

Ang layon ko sa gabing ito ay hindi para lagi ninyong isipin ang kakila-kilabot na mga pangyayari noon. Gusto kong isipin ninyo ang masasayang pangyayari na inilarawan ko sa simula. Gusto ko rin kayong tulungan na isipin ang mga pagsubok, hirap, at panganib na kinakaharap o kinatatakutang harapin sa inyong buhay. Ang ilan ay mga pangyayaring nakakaapekto sa maraming tao, ang iba ay personal sa inyo. Nagpasiya akong banggitin ang tatlong uri ng pangyayari: ang may kinalaman sa pisikal na panganib; ang may kinalaman sa espesyal na mga hamon, na ang ilan ay sa panahon lamang ninyo nangyayari; at, ang may kinalaman sa mga espirituwal na panganib at hamon.

Mga Pisikal na Panganib o Hamon

Mga pisikal na panganib ang pinakamadaling makita at matukoy. Paano man o saan man ninyo nakukuha ang mga balita araw-araw, mga pisikal na panganib, karahasan, at trahedya ang unang nakaulat—lalo na sa telebisyon at Internet. Ang isang dahilan nito, ang karahasan at kamatayan ay biglaang nangyayari at karaniwang madaling ilarawan at isulat. Ang karahasan at kamatayan, malayo man o malapit, ay umaagaw ng ating pansin at maaaring masira nito ang ating kapayapaan at katahimikan. Kapag hindi natin dama na ligtas tayo sa pisikal, dama nating mahina tayo.

Noong ika-22 ng Marso, pinasabog ng isang terorista ang isang bomba sa Brussels, Belgium, airport. Apat sa ating mga missionary ang nasa Delta checkout counter noon. Lahat sila ay matinding nasugatan; ang ilan ay napakalubha. Ang senior missionary na si Elder Richard Norby, ay malubhang nasugatan. Kamakailan ay sinabi niya na bagaman hindi na tulad ng dati ang buhay niya, “pinili niyang umasa sa Panginoon at huwag matakot.” Sabi pa niya, “Patuloy akong mabubuhay, at tuturuan ko ang mga anak at apo ko na [kailangan] kaming magtiwala sa Diyos.”4

Binigyang-diin ng Panginoon na ang nawawalan ng kanilang buhay, kung nanatili silang tapat sa mga tipan, “ay matatagpuan ito, maging buhay na walang hanggan.”5

Naiyak ako sa sinabi ni Sister Fanny Clain, isa sa mga missionary na nasugatan sa pambobomba sa Brussels airport. Sabi niya, “Sa ganitong karanasan ay mas nauunawaan ko ang mga tao, dahil may mahihirap na pangyayari talaga sa buhay nila, kaya ngayon na nahihirapan din ako, mas nakakaunawa ako.” Habang nagpapagaling, sabi niya, “Kapag pinili nating magtiwala sa Diyos, makikita natin kung paano Niya tayo tinutulungan at na talagang pambihira ito. Higit ang tiwala ko sa Kanya ngayon kaysa noon.” Lubos lalo ang pasasalamat niya na maipagpatuloy ang kanyang misyon.6

Sa ating premortal na buhay alam natin na ang kalayaan at oposisyon ay kailangan para sumulong, umunlad, at tumanggap ng kadakilaan sa huli.

Sa konseho noon sa langit, kasama sa plano ng Ama ang kalayaan, na mahalagang sangkap nito. Nagrebelde si Lucifer “at hinangad na sirain ang kalayaan ng tao.”7 Dahil dito, ang pribilehiyong magkaroon ng mortal na katawan ay ipinagkait kay Satanas at sa mga sumunod sa kanya.

Ginamit ng iba pang mga premortal na espiritu ang kalayaan nila sa pagsunod sa plano ng Ama sa Langit. Ang mga espiritung mapalad na isinilang dito sa mundo ay may kalayaan pa rin. Malaya tayong pumili at kumilos ngunit hindi tayo malayang kontrolin ang bunga ng ating mga pagpili. Dahil dito, ang ating pagpili ang magdudulot ng kaligayahan o kalungkutan sa buhay na ito at sa buhay na darating. “Ang pagpili sa kabutihan at katuwiran ay humahantong sa kaligayahan, kapayapaan at buhay na walang hanggan, samantalang ang pagpili sa kasalanan at kasamaan ay humahantong sa kapighatian at kalungkutan sa bandang huli.”8

Hindi natin masisisi ang kalagayan o ang ibang tao sa desisyon na labagin ang mga utos ng Diyos. Tayong lahat ang responsable at mananagot sa Diyos sa pagkaroon ng mga katangian, talento, at kakayahang tulad ng kay Cristo, at pananagutan natin ang paraan ng paggamit ng oras natin sa buhay na ito.

Ang doktrina ng oposisyon ay may kaugnayan sa at itinuturing ding bahagi ng doktrina ng kalayaan. Ngunit dahil kadalasan ang oposisyon ay mula sa labas o sa ibang tao, makabubuting hiwalay itong pagtuunan ng pansin. Ang doktrinang ito ay nilinaw ni propetang Lehi sa 2 Nephi 2:11: “Sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay. Kung hindi, ang kabutihan ay hindi mangyayari, ni ang kasamaan, ni ang kabanalan o kalungkutan, ni mabuti o masama.”

Ipinaliwanag pa ni Lehi na ang doktrinang ito ay napakahalaga na kung wala ito ay “wala sanang magiging layunin ang dahilan sa pagkakalikha” at “[ang] karunungan ng Diyos at … kanyang mga walang hanggang layunin, at gayundin [ang] kapangyarihan, at … awa, at katarungan ng Diyos” ay masisira.9

Nagpatuloy pa si Lehi, “Anupa’t ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa tao na siya ay kumilos para sa kanyang sarili.”10

Alam natin noon sa premortal na buhay na ang paggamit ng kalayaan ay maaaring magbunga ng oposisyon at pagtatalo—ang digmaan sa langit ay patunay ng katotohanang ito. Alam natin na bukod sa digmaan at karahasan ay lalaganap ang masasamang gawain sa mundo. Alam din natin na handa si Jesucristo na bayaran ang mga kasalanang ito. Ang Kanyang pagdurusa, na hindi kayang unawain, ay magbubunga ng tagumpay laban sa kasalanan at espirituwal na kamatayan. Dadaigin ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ang pisikal na kamatayan. Nagtitiwala tayo na pagkatapos mamatay, tayong lahat ay muling mabubuhay. Gaya ng mababasa natin sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo:

“Ang tagumpay na ito ni Jesucristo laban sa espirituwal na kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa at laban sa pisikal na kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay tinatawag na Pagbabayad-sala. …

“Sa pag-asa natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matutulungan Niya tayo na tiisin ang ating mga pagsubok, karamdaman, at sakit. Mapupuspos tayo ng galak, kapayapaan, at kaaliwan. Lahat ng di makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”11

Dahil sa matitinding karanasan ng ating mga miyembro nang itatag ang Simbahan sa Missouri, ang mga alituntuning ito ng Pagbabayad-sala ay napagtuunang mabuti ng pansin. Ang pinahahalagahan nating mga doktrina ay salungat sa pananaw ng mga taga-Missouri na hindi natin kapanalig. Maraming taga-Missouri ang nagturing sa mga American Indian na kalaban at nais mawala sila sa lupain. Dagdag pa rito, marami sa mga taga-Missouri ang may mga alipin at natakot sila sa mga taong tutol sa pang-aalipin. Marami ang naghangad ng lupa, yaman, at ng kapangyarihan.

Sa kabaligtaran, iginalang ng ating doktrina ang mga American Indian at ninais nating ituro sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo. Tungkol sa pang-aalipin, malinaw na nakasaad sa ating mga banal na kasulatan na hindi dapat alipinin ang sinuman. Ang ilan nating miyembro noon na itim ang balat ay kasama sa pagsamba ng mga puting miyembro, katulad ng nangyayari ngayon. At, di natin layon noon na magkamal ng kayamanan kundi magtatag ng mga komunidad ng magkakapatid na nagmamahalan at sumusunod sa mga tuntuning itinuro ng Tagapagligtas. Natakot ang iba pang mga taga-Missouri nang ang maraming Banal, sa pagsunod sa paghahayag ng Panginoon, ay lumipat sa Missouri.12

Nagbunga ito ng matinding pagtatalo at pang-aapi sa mga miyembro ng Simbahan. Sinira ng mga kalaban ng mga Banal ang mga pananim at ilang gusali nila, ninakaw ang kanilang mga alagang hayop at ari-arian, at itinaboy sila sa kanilang mga tahanan. May ilang Banal na binuhusan ng alkitran at nilagyan ng mga balahibo, hinagupit, o sinaktan. Sa pagsulat kay Joseph Smith, na nakatira noon sa Kirtland, Ohio, sinabi ni William W. Phelps na, “Nakakatakot na panahon, ang kalalakihan, kababaihan, at mga bata ay tumatakas, o naghahandang tumakas, sa halos lahat ng direksyon.”13 Dahil sa kaguluhan sa pagpapalayas sa kanila, minsan ay nagkakahiwa-hiwalay ang mga pamilya at maraming Banal ang nagkulang sa pagkain at iba pang suplay. Nahirapan ang mga miyembro ng Simbahan na maunawaan ang pagtataboy sa kanila matapos silang utusan ng Panginoon na magtipon sa Missouri. Nang matanggap ang nakapanlulumong balita, nagdasal si Joseph Smith para maunawaan ito. Sumagot ang Panginoon sa nakapapanatag na mensahe na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 101:35–36.

“At lahat sila na nagdusa ng pag-uusig para sa aking pangalan, at nagtiis sa pananampalataya, bagaman sila ay tinawag na ialay ang kanilang mga buhay para sa aking kapakanan gayunpaman sila ay makababahagi ng lahat ng kaluwalhatiang ito.

“Dahil dito, huwag matakot maging sa kamatayan; sapagkat sa daigdig na ito ang inyong kagalakan ay hindi lubos, subalit sa akin ang inyong kagalakan ay lubos.”

Nangako rin sa atin ang Panginoon na ang gantimpala ng kabutihan ay “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”14

Dahil dito nagkakaroon tayo ng kapayapaan at katahimikan dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas kahit may mga pisikal na panganib.

Espesyal na mga Hamon, ang Ilan ay sa Inyong Panahon Lamang Nangyayari

Bilang mga young adult, bukod sa pisikal na mga hamon, may espesyal na hamon sa inyo, at ang ilan ay sa inyong panahon lamang nangyayari. Nag-aalala kayo sa mga desisyon na nauugnay sa edukasyon, trabaho, kasal, at pamilya. Ang implikasyon sa doktrina ng mga ito ay nabanggit na sa maraming mensahe at nauunawaang mabuti. Ang Tagapagligtas, sa pagbabayad ng kaparusahan ng ating mga kasalanan, ay hindi inalis ang ating pananagutan sa paraan ng ating pamumuhay. Ang kahalagahan ng trabaho, kasipagan, paggawa sa abot ng ating makakaya, pagpapahusay ng ating mga talento, at pagtustos sa pangangailangan ng ating mga pamilya ay nasa mga banal na kasulatan noon pa. Sa Genesis ay sinabi ng Panginoon, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa.”15

Naniniwala ako na ang mga konseptong ito ng doktrina ay tanggap ng maraming miyembro. Gayunman, sa mundong ito ay maraming kalituhan sa kung paano ipatutupad ang mga alituntuning ito.

Sa unang mensahe ko sa pangkalahatang kumperensya, 20 taon na ang nakalipas, nagbahagi ako ng tila nakakatawang karanasan tungkol sa mga isyung ito.16

Noong maliliit pa ang aming mga anak, nagpasiya kami ni Mary na sundin ang tradisyong itinuro noon sa akin ng tatay ko. Isa-isa niya kaming kinakausap na magkakapatid para tulungan sa pagtatakda ng mithiin sa mga aspeto ng aming buhay at para ituro na ang gawain sa Simbahan, paaralan, at iba pa ay makatutulong para makamit ang mga mithiing ito. May tatlo siyang patakaran:

  • Kailangang makabuluhan ang mga mithiin namin.

  • Maaari naming baguhin ang aming mga mithiin anumang oras.

  • Kailangang masigasig naming abutin ang mithiing pinili namin.

Dahil nabiyayaan kami ng tradisyong ito, nagpasiya kami ni Mary na samahan ang mga anak namin sa gawaing ito. Nang limang taon na ang aming si Larry, itinanong namin kung ano ang gusto niyang trabaho paglaki niya. Sinabi niyang gusto niyang maging doktor gaya ng Uncle Joe niya.17 Sumailalim si Larry sa matinding operasyon at malaki ang respeto niya sa mga doktor, lalo na kay Uncle Joe. Sinabi ko kay Larry kung paanong ang lahat ng makabuluhang mga bagay na ginagawa niya ay makatutulong para ihanda siya sa gawain ng isang doktor.

Makalipas ang ilang buwan, muli ko siyang tinanong kung ano ang nais niyang maging paglaki niya. Sa oras na ito sinabi niyang gusto niyang maging piloto. Ayos lang magbago ng mithiin, kaya ipinaliwanag ko sa kanya kung paano siyang ihahanda ng iba-ibang aktibidad na makamit ang mithiing ito. At nasabi kong, “Larry, sabi mo noon gusto mong maging doktor. “Ano ang nagpabago sa isip mo?” Sagot niya, “Palagay ko po mabuting maging doktor, pero napansin ko na may trabaho si Uncle Joe sa Sabado ng umaga, at ayaw kong palampasin ang cartoons sa Sabado ng umaga.”

Simula noon ang tawag ng pamilya namin sa mga hadlang sa makabuluhang mithiin ay cartoon sa Sabado ng umaga.

May dalawang alituntunin akong nais bigyang-diin dahil sa karanasang ito. Una, kung paano magplano at maghandang kamtin ang makabuluhang mithiin sa mundo ngayon, at pangalawa, ang epekto ng Internet at social media sa ating mabubuting mithiin. Bawat isa dito ay maaaring mga sagabal na humahadlang sa atin sa hangad nating kaligayahan.

Nag-aalala ako sa mga young adult na hindi nagtatakda ng mabubuting mithiin o hindi nagpaplano sa pagkamit ng mga ito. Nag-aalala rin ako na minamaliit at mababa ang tingin ng marami sa sarili nilang mga talento at kakayahan. Ang paglutas sa dalawang isyung ito ay magdudulot ng malaking kagalakan sa inyong buhay.

Isang aklat ni Professor Angela Duckworth, na pinamagatang Grit, ang nagsasaad na marami, kung hindi man karamihan, sa mga tao ang labis ang pagpapahalaga sa likas na kakayahan at minamaliit ang masipag na paggawa at katapangan. Sinabi niya na lahat ng tagumpay ay mas bunga ng mabuting asal sa paggawa kaysa sa katalinuhan o kakayahan lamang. Binigyang-diin niya na ang mga taong may determinasyon at direksyon (na tinatawag din niyang pagkahilig at pagtitiyaga) ay palaging mas mainam ang nagagawa kaysa sa mga taong may likas na kakayahan na di nagtataglay ng gayong tapang.18

Noong bata pa ako hindi sinasadyang nalaman ko ang kakayahan ng isipan ng estudyante sa gradong nakuha niya sa test, na mas mababa sa average na grado. Minasdan ko siya sa paaralan nang hindi ito sinasabi kahit kanino. Kinuha niya ang mahihirap na klase at masigasig na nag-aral. Sa kolehiyo kung minsan ay nasa dalawa o tatlong study group siya para sa iisang klase. Sa huli ay nakakuha siya ng advanced degree sa napakahirap at napakahigpit na larangan ng pag-aaral at nakagawa ng malaking pagtuklas at nagtagumpay sa kanyang larangan.

Ngayon, hindi ko sinasabing dapat makakuha lahat ng mataas na grado, ngunit sinasabi kong makakamit ninyo ang marami sa inyong mabubuting mithiin sa pagpaplano, katapangan, at determinasyon, lalo na kung aalisin ninyo ang mga hadlang sa buhay ninyo. Magkakaroon din kayo ng higit na kagalakan at kaligayahan sa buhay.

Gusto kong tiyakin na magagawa ninyo ang mahihirap na bagay. Ipinakita ni Elder John B. Dickson, na kahanga-hangang Pitumpu, na emeritus ngayon, na bantog na naglingkod sa buong mundo, na ito ay nakakatuwa at kakaibang paraan. Si Elder Dickson ay tinawag na maglingkod bilang LDS missionary sa Mexico noong 1962. Bago siya lumisan, natuklasan na mayroon siyang kanser sa buto sa kanang bisig. Hindi inasahang mabubuhay pa siya nang mahigit isang buwan. Gayunman, makalipas ang 10 buwan ay lumisan siya para magmisyon, kahit putol ang kanyang kamay.19 Hindi ko malilimutan kung paano niya tinuruan ang mga missionary sa MTC na maaari nilang gawin ang mahihirap na bagay. Inanyayahan niya ang apat na missionary na pumunta sa harapan at makipag-unahan sa kanya sa pagtatali ng kurbata. Isipin ninyo ang pagtatali ng kurbata na isang kamay lang ang gamit! Kamakailan ay hiniling ko kay Elder Dickson na ipakita kung paano gawin ito. Panoorin natin.

Elder John B. Dickson:[Nagkukurbata.] Alam ninyo, lahat tayo ay may mga hamon sa buhay. Kung minsan ito ay pisikal o emosyonal o sa kabuhayan o iba pang uri, at kung sensitibo tayo at susundin ang patakaran, mananalig sa Panginoon, at sa ating sarili, mahaharap natin ang anumang darating sa ating buhay. Palagay ko maaayos pa natin ang ating kurbata. May gusto bang makipagpaligsahan o makipag-wrestling?

Salamat, John.

Sa MTC, tinalo ni Elder Dickson ang apat na missionary, gamit ang ngipin, balikat, at dibdib niya sa kagila-gilalas na paraan. Dapat ninyong malaman na madadaig ninyo ang kalaban at magagawa ang mahihirap na bagay.

Napansin ni Professor Duckworth na ang “pagiging masigasig ay karaniwan. At bibihira ang nagtitiis upang hangarin ay makamtan.”20

Isa sa mga pag-aaral na binanggit niya ay ukol sa kahalagahan ng aktibong paghahanda sa buhay, ang pagtitiyaga, pagkapit nang mahigpit, masigasig na pagsisikap, at “tendensyang hindi iwan ang gawain kapag may mga balakid.”21

Sinasabi din niya na dapat madama ng tao na mayroon siyang mataas na layunin na nakakabuti sa ibang tao.22 Sabi niya:

“Napakapalad ng mga taong may magiting na layunin na napakahalaga sa mundo kaya nagbibigay ito ng kabuluhan sa lahat ng ginagawa nila, kahit gaano ito kaliit o kahirap gawin. Isipin ang talinghaga ng mga bricklayer:

“Tatlong bricklayer ang tinanong: ‘Ano ang ginagawa ninyo?’

“Sabi ng una, ‘Naglalatag ako ng bricks.’

“Sabi ng pangalawa, ‘Nagtatayo ako ng simbahan.’

“At sabi ng pangatlo, ‘Itinatayo ko ang bahay ng Diyos.’

“Ang unang bricklayer ay may trabaho. Ang pangalawa ay may propesyon. Ang pangatlo ay may tungkulin.”23

Ang hamon ko sa inyo ngayon ay suriin ang mga mithiin ninyo at alamin kung alin ang magtutulot sa inyo na gampanan ang inyong tungkulin sa pamilya at tumutulong upang gawin at tuparin ang inyong mga tipan at magdudulot ng kagalakang nais ng Panginoon na mapasainyo. Tandaan na kapag may mithiin, nakatitipid kayo ng oras at pagod sa pagpaplano nang maaga at hindi paglimot sa mahahalagang bagay na kailangang gawin at mga deadline.

Ngayon naman, ang epekto ng Internet at social media sa mga desisyon.

Ang Internet at social media ay malaki ang nagagawang kabutihan sa ating lipunan ngayon. Napakahalaga ng mga ito! Maaaring ito rin ang sagabal sa pagsasagawa natin ng ating tunay na layunin sa buhay.

Nakikiusap ako na suriin nating lahat kung paano at kailan natin gagamitin ang Internet at social media. Ang malinaw na pamantayan ay: Tinutulungan ba nito ang iba pa nating marapat at mahahalagang mithiin, o hadlang ito sa ating pag-unlad? Lulong ba tayo sa social media dahil sa takot na hindi natin malaman ang ilang bagong impormasyon? Ang papuri bang natatanggap ng ilan sa paggamit ng social media ang sanhi ng pagdududa sa ating sarili at pagkadama ng ating kakulangan? Ang masama pa, inaakay ba tayo ng Internet sa mga imahe at nilalaman na marumi, di-angkop, o may panlilinlang na sumisira ng pananampalataya? Itinatago ba natin ang ating pagkatao at nagsasalita ng hindi mabuti sa ibang tao? Sagabal ba ang social media sa oras na karaniwang inuukol natin sa relihiyon sa ating tahanan o sa makabuluhang oras ng pamilya? Ang oras bang inuukol sa mga laro at trivia sa Internet ang hadlang sa pagkakamit natin ng mga tunay na mithiin? Inaanyayahan ko kayo na pag-isipan ang mga tanong na ito, gumawa ng pagbabago, at magsisi kung kailangan para pagpalain ang ating buhay.

Sa pagbanggit sa mga ito, alam ko ang malaking benepisyong hatid ng social media kapag ginamit sa wastong paraan. Sa kontribusyon pa lang nito sa family history malinaw na sa akin na inspirado ng Panginoon ang teknolohiyang ito.

Pagkatapos kong magsalita, ipo-post ko ang bahaging ito ng aking mensahe sa Facebook page ko. Gusto kong sabihin ninyo sa akin ang mga alalahanin ninyo tungkol sa social media at paano din nito pinagpapala ang inyong buhay.

Gusto ko ring mag-iwan ng isa pang kaisipan tungkol sa paksang ito. Lagi nating naririnig ang tungkol sa pagiging tunay sa social media. Ang tapat na pagiging tulad ni Cristo ay mas mahalagang mithiin kaysa pagiging tunay. Uulitin ko: Ang tapat na pagiging tulad ni Cristo ay mas mahalagang mithiin kaysa pagiging tunay.

Mga Espirituwal na Hamon

Babanggitin ko ngayon ang mga espirituwal na hamon.

Isa sa pinakamahahalagang responsibilidad sa buhay na ito ay ang paggawa at pagtupad ng sagradong tipan sa Diyos. Kailangang suriin natin ang di-marapat na mga hangarin at humiwalay tayo sa mga ito. Sinusuri din natin ang di-angkop na inaasahan natin sa Diyos, batid man natin ito o hindi. Palagi nating inaalam ang kalooban ng Diyos para sa atin. Patuloy tayong nagtutuon sa pananampalataya, pagsisisi, at sa nakapagliligtas na mga ordenansa. Ang Tagapagligtas, na tumubos sa ating lahat sa paraang di natin lubusang maunawaan, ay hindi isinagawa ang Pagbabayad-sala para magtuon tayo sa makamundong bagay sa halip na magtuon sa walang-hanggan, o ibig sabihin, sa kahangalan, pagpapasasa sa kasiyahan at mga laro. Isipin ang layon ng Panginoon nang sabihin Niyang, “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”24

Tila sinasabi ng iba na, “Hindi ba masisiyahan ang mapagmahal na Ama sa Langit kung hindi ko man maabot ang dapat kong marating? Totoo bang pagkakaitan Niya ako ng mga pagpapala dahil lang sa mahilig ako sa alak at kape?” Nakakalungkot na maling tanong iyan at nagpapakita ng kakulangan ng pang-unawa sa plano ng Ama. Ang totoong tanong ay “Paano ako magiging mabuti, mapagmahal na taong nais ng Tagapagligtas na gawin ko?” Sabi sa banal na kasulatan, “[Sa kanya na] binigyan ng marami ay marami ang hihingin.”25

Sa mundo na madalas makatanggap ng mga gantimpala at tropeo sa simpleng pakikilahok, ang mga pamantayan at inaasahan ay tila hindi patas o kaya ay malupit. Totoo ito lalo na sa mga taong pilit na sinusunod ang sarili nilang landas nang hindi sumusunod sa plano ng Ama, anuman ang ibunga nito.

Marami ang nangangatwiran sa makasalanang pag-uugali at ginagamit bilang depensa ang, “tinuruan tayo ni Jesus na mahalin ang lahat ng tao.” Mangyari pa, totoo ito, ngunit kadalasan ang nagtataguyod dito ay tila binabalewala ang Kanya ring mahalagang payo na, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”26

Hindi marapat na tayo ang magtakda ng kondisyon ng ating kaugnayan sa Panguluhang Diyos. Ang pagkakaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu ang unang kailangan para magsimula sa landas ng pakikipagtipan na sinimulan sa binyag. Ang mapagpakumbabang pagsamo sa Diyos ay kailangan. Itinuro ni Haring Benjamin: “Sapagkat masdan, hindi ba’t tayong lahat ay mga pulubi? Hindi ba’t tayong lahat ay umaasa sa iisang Katauhan, maging sa Diyos, sa lahat ng kabuhayan na nasa atin … sa bawat uri?”27

Maaaring mahirap ang mga hamon na kinakaharap natin, at ang ilan ay tila hindi makatarungan! Nagdadalamhati tayo dahil dito at nakikiramay sa ibang tao. Totoo ito sa ating mga karamdaman at sakit na may matinding epekto sa ating pagkatao. Kabilang dito ang mga inosente at inabuso. Kabilang dito ang karalitaan at karahasan na laganap sa ating kapaligiran. Kabilang dito ang likas na bugso ng damdamin at tendensya na marahil ay hindi natin pinili. Nalulungkot tayo dahil sa mga adiksyon na bunga ng masamang desisyon; napakarami ng hindi patas o di-makatuwiran sa mundong ito.

Ano ang tugon natin? Kailangan tayong maging mabait at maawain at igalang ang bawat isa, kahit kapag pinili nila ang landas na alam nating hindi ayon sa plano ng Ama at mga turo ng Tagapagligtas. Ngunit kung gusto nating maging mabait, kailangan din nating ituro ang pagsisisi. Hindi kabaitan, at di natin ginagawan ng mabuti ang sinuman, kapag hindi natin hinikayat ang mahal natin sa buhay na magbago at tanggapin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. May mga kagila-gilalas na walang-hanggang pagpapala na naghihintay sa mga nagsisisi.

Nilinaw ito ng Tagapagligtas sa pagsasalita sa mga Nephita nang sabihin Niya, hinggil sa mga magsisisi, “Siya ay pawawalan ko ng sala sa harapan ng aking Ama sa araw na yaon kung kailan ako tatayo upang hatulan ang sanlibutan.”28 At sinabi pa Niya, “At walang maruming bagay ang makapapasok sa kanyang kaharian; anupa’t walang makapapasok sa kanyang kapahingahan maliban sa mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng aking dugo, dahil sa kanilang pananampalataya, at sa pagsisisi ng lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa kanilang katapatan hanggang sa wakas.”29

Dapat ninyong malaman na maaari kayong maging malinis. Mapapasainyo ang kagalakang hangad ninyo sa buhay na ito. Hindi dapat lisanin ng sinuman ang debosyonal na ito at isipin na hindi kayo matutubos. Maaari kayong matubos. Una sa lahat ikaw ay anak ng Diyos. Maaari kang magkaroon ng pag-asa at galak. Maaari mong baguhin ang puso mo at magsisi. Maaari kang magpatawad, at maaari kang patawarin!

Ang pagsisisi ay kailangan sa plano ng Ama. Sa Aklat ni Mormon, nalaman natin ang kaugnayan ng awa at katarungan. Itinakda ni Cristo kung paano nagtatagpo ang awa at katarungan.30

Gustung-gusto ko ang positibong mga salitang isinulat ni Eliza R. Snow:

Dakila, mal’walhati’t sadyang ganap

Hangaring tayo’y matubos.

Pag-ibig, awa at katarungan

Ay nagtutugma nang lubos!31

Ang maluwalhating plano ng kaligayahan ay makatarungan at mahabagin. Alam natin kung saan tayo nanggaling, bakit tayo narito sa buhay na ito, at saan tayo pupunta kapag namatay tayo.

Kayo ay pambihirang henerasyon. Malinaw sa mga banal na kasulatan na sa mga huling araw ay may “kasamaan at karumal-dumal na mga gawain.”32 Gayunman, ang mga Banal, na iilan lang at nakakalat sa balat ng lupa, ay “masasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”33 Nangako ang Panginoon na “pangangalagaan Niya ang mabubuti” at tayo ay “hindi dapat matakot.”34

Hindi kayo dapat matakot, kahit may mga panganib at hamon kayong kakaharapin. Kayo ay pagpapalain at pangangalagaan kapag hinangad ninyo ang mabubuti, makabuluhang mga mithiin. Magplano at gumawa nang may tapang at determinasyon, iwasan ang di-angkop na paggamit ng social media at Internet, at umasa at magpokus sa pananampalataya, pagsisisi, nagliligtas na mga ordenansa, at sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas sa pananatili ninyong tapat hanggang wakas. Ang pagtutuon ng pansin sa templo ay makatutulong sa pagkakamit ng mga mithiing ito.

Sa ibang salita Mga Roma 12:12, “Mangagalak sa pagasa; magmatiisin sa kapighatian; magmatyagain sa pananalangin.” Maiiwasan ninyo ang mga bagay na walang kabuluhan sa buhay at matatamasa at makakamtan ang lahat ng ipinangako sa atin ng Tagapagligtas.

Taimtim kong pinatototohanan ang kabanalan ni Jesucristo. Dahil sa Kanya hindi tayo dapat matakot, sapagkat ang ating kagalakan sa Kanya ay lubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Notes

  1. Tingnan sa Doktrina at Mga Tipan 45:26; 88:91.

  2. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:35–38.

  3. Doktrina at mga Tipan 115:6.

  4. “Fear Won’t Stop Me,” Church News, Ago. 7, 2016, 9.

  5. Doktrina at mga Tipan 98:13.

  6. “‘Ready to Get Going’: Brussels Bombing Victim Serving in Ohio,” Church News, Hunyo 5, 2016, 7.

  7. Moises 4:3.

  8. Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2004), 46.

  9. 2 Nephi 2:12.

  10. 2 Nephi 2:16.

  11. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 57.

  12. Tungkol sa kaguluhan sa Missouri, tingnan sa Gerrit J. Dirkmaat, Brent M. Rodgers, Grant Underwood, Robert J. Woodford, at William G. Hartley, eds., Documents, Volume 3: February 1833–March 1834, vol. 3 ng Documents series ng The Joseph Smith Papers, inedit nina Ronald K. Esplin, at Matthew J. Grow (Salt Lake City:

    Church Historian’s Press, 2014), xxvii–xxx.

  13. Liham mula kay William W. Phelps para sa mga lider ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, Nob. 6–7, 1833, sa Gerrit J. Dirkmaat and others, eds., Documents, Volume 3: February 1833–March 1834, vol. 3 ng Documents series ng The Joseph Smith Papers (2014), 341.

  14. Doktrina at mga Tipan 59:23.

  15. Genesis 3:19.

  16. Tingnan sa Quentin L. Cook, “Rejoice!” Ensign, Nob. 1996, 29.

  17. Ang kapatid kong si Dr. Joseph V. Cook, Jr., ay practicing physician pa sa edad na 81. Sa panahong ito, siya ang doktor at stake president ni Larry.

  18. Angela Duckworth, Grit: The Power of Passion and Perseverance (2016), 8.

  19. Tingnan sa “Elder John B. Dickson of the Seventy,” Ensign, Ago. 1992, 77.

  20. Duckworth, Grit, 58.

  21. Duckworth, Grit, 77; pagbanggit sa 1926 na pag-aaral na ginawa ng Stanford psychologist na si Catharine Cox.

  22. Duckworth, Grit, 143.

  23. Duckworth, Grit, 149.

  24. Moises 1:39.

  25. Doktrina at mga Tipan 82:3.

  26. Juan 14:15.

  27. Mosias 4:19.

  28. 3 Nephi 27:16.

  29. 3 Nephi 27:19.

  30. Tingnan sa Alma 42:24–25.

  31. Eliza R. Snow, “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116.

  32. 1 Nephi 14:12.

  33. 1 Nephi 14:14.

  34. 1 Nephi 22:17.